Showing posts with label animal and insect. Show all posts
Showing posts with label animal and insect. Show all posts

Thursday, April 3, 2014

Salagubang

Sa tuwing sumasapit ang summer ay panahon ito ng mga naglalabasang salagubang.  Kadalasan ay sa puno ng sampalok o mangga namin sila kinukuha.  Kaunting yugyog mo lang sa puno ng sampalok o mangga ay isa-isang maglalaglagan na ang mga ito.

Bibihira na kasi akong umuwi sa probinsiya kapag summer kaya't hindi na ako updated sa mga laro ng mga bata sa aming lugar. Noong kapanahunan kasi namin ay kanya-kanyang bitbit na kami ng lata ng gatas o sardinas at nilalagyan namin ito ng dahon ng sampalok.  Ang latang bitbit namin ay nagsisilbing bahay ng mga salagubang na aming nahuhuli at ang dahon ng sampalok ang siyang magiging pagkain nila.  Kailangan lang ay masipag kang magpalit ng dahon ng sampalok at linisin ang loob ng lata para hindi ito bumaho.

Ang isa sa mga libangan namin noon ay pag-aawayin namin ang magkasinglaki na salagubang.  Itataas namin ang kanilang mga pakpak at ibabaling ito nang paharap saka iipitin sa butas ng maliit ng siit ng kawayan.  Ang siit ng kawayan na wala pang halos kalahating dangkal ang haba ang siyang magsisilbing clip ng mga pakpak ng salagubang.  Pagkatapos ay paghaharapin namin ang dalawang salagubang na naka-clip ang mga pakpak at magpapambuno na sila.  Ang unang salagubang na matutumba ay talo at best of three ang labanan namin.  Ang natalong salagubang ay mapupunta sa panalong kalaro.

Thursday, March 13, 2014

Honeybee

Meron akong kabarkada na nagtitinda ng mga prutas.  Ang kanyang kariton na puno ng prutas ay palaging nakaparada sa may kanto kung saan ay maraming tao ang dumadaan.  Sa tinagal-tagal ng panahon ay marami na siyang naging suki at kasama na dito ay ang mga honeybees.

Karamihan sa mga documentary shows na napapanood ko na tunggol sa mga honeybees ay ipinapakita nila ang pagkuha ng mga ito sa nektar ng mga bulaklak.  Ipinapakita doon kung papaano nila ituro ang direksyon sa iba pa nilang mga kasamahan at ilang saglit pa ay marami na silang sumusugod sa lugar na iyon.  Sadyang nakakagilalas ang paraan ng kanilang komunikasyon sa bawat isa.  At ang ginagamit nilang guide sa kanilang paglipad ay ang posisyon ng araw.

Sa madalas kong pagtambay sa kabarkada kong nagtitinda ng mga prutas ay palaging napapansin ko ang maraming honeybees na dumadapo doon kapag ang tinda niya ay pinya o pakwan.  Ang mga balat ng tinalupan niyang pinya o pakwan ay siyang pinagpipiyestahan ng mga honeybees na ito.  Hindi lang pala sila sa mga bulaklak kumukuha ng nektar kundi maging sa mga prutas kagaya ng pinya at pakwan.  Sa tuwing may dumadapong honeybee sa balat ng tinalupang pinya o pakwan ay tuwang-tuwa naman ako lalo na kapag nakakakuha ako ng close up shot sa kanila.  Sa kabutihang palad ay hindi pa naman ako natutusok ng karayom nila.  Hehe.

Friday, February 28, 2014

Langaw

Bakit nga ba ginawa ang langaw kahit na ang turing natin dito ay isang peste?

Minsan ay napadaan ako sa isang tambakan ng basura sa may tabing kalsada.  Ang makulit na kasama ko ay binulabog pa ang mga langaw na kasalukuyang nagpipiyesta sa mga nabubulok at mabahong basura na nandoon.  Bad trip ika nga dahil biglang nagliparan ang mga langaw at tumakbo kaming papalayo sa bahaging iyon ng kalsada.  Haha.  Baliw talaga ang kasama kong iyon.

Ang isang logical na naisip ko kung bakit ginawa ang langaw ay para ipaalam sa atin na marumi ang ating paligid dahil sa basurang ating ikinakalat.  Siguro ito marahil ang purpose ng mga langaw na kahit hindi man sila nagsasalita ay ipabatid sa atin na kailangan nating linisin ang ating kapaligiran.  Nandidiri man tayo sa kanilang presensiya ay wala tayong magagawa dahil sa ating kapabayaan kaya't sila ay dumadami at naghahatid pa ng sakit.  Malamang kung alam natin ang salitang madumi, dugyot, at nakakarimarim ay pwede din tayong matawag na langaw kapag nagiging pabaya na tayo at nagiging sanhi tayo para dumumi ang ating kapaligiran.  Kaya't kung matawag kang langaw ay alam mo na kung anong klaseng tao ka.

Wednesday, February 19, 2014

Bangaw

May mga bagay-bagay sa ating paligid na sadyang kakaiba at kakatuwa kung ito ay atin lang makikita.  

Malamang ay nakakadiri at nakakapanindig balahibo na agad ang ating mararamdaman kapag usapang bangaw na.  Paano ba naman kasi ay wala itong sinasantong lugar na pagdadaupuan at sadyang mahilig talaga ito sa alingasaw ng nabubulok at mabahong mga bagay.  Lahat na ata ng mga kadiring bagay ay pinagpipiyestahan ng mga insektong ito.  Pero kung peste ang turing sa mga kagaya nila, bakit kaya kasama sila sa nilalang ni Lord?  Marahil ay meron din silang silbi na hindi lang natin matanggap na kapaki-pakinabang rin.

Katulad ng iba pang mga nilalang sa mundo, kailangan din ng mga bangaw ang magparami.  Kung tayong mga tao kaya ay pwedeng maging bangaw at kasalukuyan tayong nakikipagtalik sa ating kapareho, ano kaya ang pakiramdam na lumilipad kayong mag-partner sa ere habang patuloy ang pagtatalik ninyo?  Hmmmm.  Sounds exciting.  Hehe.  Sa muli po, no malice intended.  Curious mind lang po kung bakit naisipan ko ang bagay na ito.

Thursday, February 13, 2014

Salisi

Minsan ay may nasumpungan akong kainan kung saan ay merong tirador ng tirang pagkain.  

Nakapanood na ako ng palabas sa states kung saan madami ang mga salisi gang ng pagkain sa ilang lugar doon.  Huwag na huwag mo daw iiwan ang iyong inorder na pagkain dahil pagkalingat mo lang ay meron agad na uupo doon sa silya mo at mabilis na lalantakan ang pagkain mo.  Kapag nasita sila ay sasabihin nilang baka daw hindi mo nagustuhan ang pagkain mo kung kaya't iniwanan mo ito.  Aapela ka pa ba kung nabawasan na nila ang pagkain mo.  Siyempre magagalit ka na lang at mapapakamot ng ulo.  

Dito sa Pinas ay may nabalitaan din akong ganitong estilo pero hindi naman garapal.  May mga resto na alerto din ang mga crew kaya't mahirap ding makasalisi ang mga ganitong klaseng tao.  
Pero ang nasumpungan kong magaling sa pagsalisi ay talagang kakaiba.  Aantayin talaga niyang makatayo at makatalikod ka tapos buong ingat at tahimik siyang sasampa sa mesa.  Patingin-tingin pa muna siya bago niya lalantakan ang iyong naiwang pagkain.  At habang hindi mo siya sinisita ay tiyak magpipiyesta siya sa naiwan mong pagkain.

Monday, February 10, 2014

The Pato Secret

Noong kabataan ko ay nagkaroon ng panahon na sinipag mag-alaga ang isang kuya ko ng pato at bibe.  Madali kasi silang alagaan at hindi maselan.  Lalo na kapag makalimutang pakainin ang mga ito ay nagkukusa sila na gumala at maghanap ng kanilang makain.  Hehe.

Kapag dumadating ang panahon na masipag mangitlog ang mga ito ay talaga namang magsasawa ka sa kakaikot sa bakuran at mamulot ng kanilang itlog.  Halos araw-araw ay iba't ibang klase ng luto ng itlog na ginagawa namin.  Buti na lang kamo at hindi tumaas ang cholesterol namin ng mga panahong iyon.

Normal na sa amin ang mga sandaling makita na naghahabulan ang mga pato kapag trip ng lalakeng pato na lambingin ang babaeng pato na kanyang matipuhan.  Parang karinyo brutal lang ang nangyayari dahil sa lakas at bigat ng lalakeng pato kapag pumapatong ito sa kanyang partner.

Madalas sa mga taong lumaki sa siyudad ay hindi nakakita nang ganitong klaseng eksena.  Siguro ay may mga iba na curious ding malaman kung ano ba ang hitsura ng sex organ ng lalakeng pato.  Pakizoom na lang ng picture para makita nyo ang pinakatatagong lihim ng lalakeng pato.  Hehe.


Friday, February 7, 2014

Kalabaw

Sa aming paggala ay nakaengkwentro namin ang mga kalabaw na ito na ineenjoy ang kanilang ligo ng umagang iyon.  Medyo matagal ding nakatingin sa akin ang isang kalabaw habang kinukuhaan ko sila ng pictures.  Cooperative siya kung baga at hindi naman siya nagkaroon ng violent reaction habang kinukuhaan ko siya ng pictures.

Nang makita ng pamangkin ko ang aking pagkuha ng pictures sa kalabaw ay humirit siya ng isang kwentong bayan.  Agad niya akong tinanong kung alam ko daw ba ang kwento kung bakit body tight ang balat ng kalabaw samantalang maluwang naman ang sa baka.  Nang sinabi kong hindi ay nagkuwento na siya.

Noong unang panahon daw ay may magkaibigan na baka at kalabaw.  Dahil wala ang kanilang amo ay naglakwatsa daw sila at nagpasyang maligo sa ilog.  Sarap na sarap daw sila sa kanilang pagligo at hindi na nila namalayan ang paglipas ng oras.  Nagkagulatan na lang daw nang makita nilang paparating na ang kanilang bossing.  Dahil hinubad nila ang kanilang mga balat ay nataranta sila at nagmamadaling umahon at nagbihis.  Ang ending ay nagkapalit daw sila ng balat.  Kaya't ang kinalabasan ay masikip ang sa kalabaw samantalang maluwang naman ang sa baka.

Wednesday, February 5, 2014

Iguana

Pumasyal kami sa isang maliit sa zoo sa probinsiya.  Medyo may kamahalan ang entrance fee sa halagang 50 pesos at malamang hindi din ganoon kadaming mga tao ang pumapasok dito dahil nga mahal ang entrance fee.

Gaya ng ibang zoo ay iba't iba din ang mga hayop dito.  May ibon, unggoy, ahas, buwaya, camel, at pati pato.  Hehe.  Pati nga sementadong giraffe ay meron sila.  Haha.

Umaga nang pumunta kami doon at nang mapadaan kami sa isang kulungan kung saan iba't ibang mga hayop ang nakakulong doon ay natiyempuhan namin ang mga iguana na kasalukuyang nagbibilad sa init ng araw.  Nakakatuwang tingnan dahil nakapikit lang sila at halos hindi gumagalaw habang ineenjoy ang kanilang sunbathing.  Dahil nga cold blooded sila, gawain ng mga uri nila ang magbabad sa init ng araw tuwing umaga. At kapag solve na sila ay saka sila maghahanap ng kanilang tsibog pagkatapos na makuha nila ang "tan" na gusto nila.  Haha.  Pagkatapos na solve na sila sa kanilang pagpapainit ay saka naman sila maghahunting ng kanilang pagkain.  Pero dahil nga sa loob sila ng kulungan ay malamang no-rush ang mga ito dahil may rasyon naman sila ng pagkain.  Hehe.

 
Dahil sa hindi gumagalaw ang mga ito, napagtripan kong hawakan ang kamay ng isa sa mga ito.  Akala ko ay magkakaroon siya ng violent reaksiyon nang hawakan ko.  Natuwa naman ako at deadma lang ito at tuloy lang siya sa kanyang pagsasunbathing.  Kahit na hila-hilain ko ang isa sa mga daliri niya ay hindi talaga ako pinapansin ng isang ito. Hehe.  Pero malamang kung nasa wild ito ay mabilis itong kumaripas ng takbo bago pa malapitan ko.



Friday, January 24, 2014

Tagak

Ang tagak o wihte heron ay isa sa mga wild birds na kadalasang makikita sa probinsiya.  Madalas na lumalagi sila sa bukirin at taniman ng palay.  Hindi naman sila tinuturing na peste ng mga magsasaka dahil ang mga insekto sa palayan ang kanilang pangunahing kinakain.

Nang magkaroon ako ng pagkakataon na makagala sa isang malayong probinsiya ay ginamit ko ang mga sandaling iyon para malapitan at makunan ng pictures ang mga tagak.  Sa isang taniman ng palay kung saan tapos na ang paggapas ng mga palay napili kong pumunta at kumuha ng pictures.  

Akala ko ay magiging madali lang ang pagkuha ko ng pictures dahil open field at wala naman akong dalang anumang ikakagulat ng mga tagak.  Akala ko ay sanay na sila sa mga magsasaka na nakakasalamuha nila halos araw-araw sa tanimang iyon.  Iyon pala ay masyado silang alerto sa bawat gumagalaw sa kanilang kapaligiran at kaunting hindi kanais-nais na galaw lang ay agad silang magliliparan.

Doon ko lang napagtanto na kailangan mo ng mahahabang lente ng kamera para makuhaan sila ng malapitan at mas magandang pictures.  Ang hirap makalapit sa kanila at para akong nakikipagpatintero sa mga ito habang pilit na kumukuha ng pictures.

Tuesday, January 14, 2014

Sleeping Bird

Nagtatanong ka rin ba kung papaano natutulog ang ibon?  Siyempre nakapikit din ang mga mata nito.  Haha.

One day, isang araw, ay may nakitang ibon ang  aking pamangkin.  Nahulog ang ibon mula sa puno at nagkaroon ng bali ang kanyang pakpak.  Dahil hindi na ito makalipad ay kinuha ito ng pamangkin ko at inuwi sa bahay.  Pinagkaguluhan ito ng kanyang kapatid at ng kanilang pinsan.  Agad namang nagdala ng hawla ang pinsan nila.

Pagsapit ng dilim ay nakita naming pumipikit na ang mga mata nito at parang antok na antok na.  Dahil hindi naman ito makakalipad ay kinuha namin ang ibon mula sa hawla at ipinatong ito sa isang daliri ng pamangkin ko.  Maigi namang kumapit ang mga paa ng ibon sa daliri ng pamangkin ko at muli na naman itong natulog.  Doon namin nalaman na kahit pala sa sanga ng puno ay kayang matulog ng ibon na hindi nahuhulog.

Kinabukasan ay na deads na ang ibon.  Para din kasing sisiw ito na masyadong sensitive sa kagat ng mga langgam.  Nakakalungkot man ay sadyang hanggang doon na lang siya.

Sunday, January 12, 2014

Baboy

Malamang ay narinig na ninyo ang isang mahiwagang tanong tungkol sa baboy at sa mga anak nito.  Bakit daw nakayuko ang mga biik kapag sumusunod sa kanilang inang baboy?

Ang baboy daw kahit saan mo ilagay ay baboy pa rin.  Ang sabi nga, kahit buhusan mo daw ng ilang drum na pabango ang baboy ay sadyang maghahanap ito ng putik para kanyang galugarin at gulungan.  Kung baga, comfort zone ng baboy ang putik kaya't ito ang patok sa kanila.  Ang hindi lang natin alam ay may nakukuha silang bitamina sa putik kaya't paborito nila itong bungkalin at maghanap ng makakain.

Pero bakit nga ba nakayuko ang mga biik kapag sumusunod sa kanilang inang baboy?  Nahihiya daw kasi ang mga biik dahil ang kanilang ina ay isang baboy.  :o)

Wednesday, January 8, 2014

Praying Mantis

Iba talaga kapag nasa galaan ka.  Ang daming mga kakatwang pangyayari at mga kakaibang hayop at insekto na iyong maeengkwentro.  Katulad na lang ng praying mantis na ito.

May ugali ang babaeng praying mantis na halos katulad ng black widow spider.  May pagkakataon kasi na kakagatin ng babaeng praying mantis ang ulo ng lalakeng praying mantis pagkatapos nilang magtalik.  Sinasabi ng mga eksperto na hindi naman ganoon kadalas mangyari ang ganitong karumal-dumal na pangyayari.  Kung ikaw ay isang lalakeng praying mantis, para kang naglalaro ng russian roulette kapag nakatalik mo ang isang babaeng praying mantis.  At least kung matuluyan ka mang mamatay ay nakarating ka naman sa langit.  Haha.

Sunday, January 5, 2014

Persian Cat

Noong nagsisimulang maging uso ang internet sa Pinas ay kakaiba ang kahulugan ng salitang "Persian Kitty" kapag nababanggit sa mga umpukan.  Haha.  Hindi ko alam kung meron pang mga site na katulad nito ang pangalan.

Alam naman natin na hindi likas sa mga pusa ang pagiging malambing at maamo.  Malapit lang din sila sa kanilang mga amo o di kaya'y ito ay bibigyan mo ng pagkain.  Kadalasan ay snob ang mga ito.

Medyo nakakagulat ang laki ng pusa ng kaibigan ko.  Dahil nga ay may lahi kung tawagin, di hamak na mas malaki at mas mabigat ito kesa sa mga ordinaryong native na pusa.  Buong pagmamalaki ng kaibigan ko na tumatabi daw ito sa kanya sa tuwing matutulog pag gabi.  Hindi kasi pangkaraniwang gawi ng mga pusa ang tumabi at maglambing.  Mas gusto nilang sila ang nilalambing.

Ang isa pang bagay na ikinatutuwa ng kaibigan ko ay napagkikitaan niya ang pusang ito.  Simula nang kumuha siya ng isa pang babaeng Persian cat ay ilang beses na daw nanganak ang partner nito at mabilis niyang naibebenta ang mga kuting nito.  Nakakatuwa ngang tingnan ang mga anak nito dahil iba-iba ang kulay nila at mayroon ding naiiba ang mga mata. Iyon nga lang at masyadong istrikto ang nanay.  Sa tuwing kukuhain ko ang isang anak nito ay lumalapit at seryosong nakatingin sa akin na parang bang may halong pagbabanta.  Hindi tuloy ako makadiskarte para madekwat ang isang anak niya. Hehe.

Thursday, January 2, 2014

Tarantula


Mayroon akong kaibigan na mahilig mag-alaga ng mga hayop at mga insekto.  Paano kasi ay pinagkakikitaan niya ang mga ito.  Sobrang bilis nga ng turnover ng kanyang mga alaga at mabilis niyang naibebenta ang mga ito.

Nang huling bumisita ako sa kanilang bahay ay ipinakita niya sa akin ang alaga niyang tarantula.  Nyay.  Sobrang laki ng gagambang ito.  Sabi niya ay napaamo na niya ito dahil madalas niyang hawakan ito at paglaruan sa kanyang palad.  Noong una daw ay madalas na nakakaranas siya ng allergy dahil sa ginagawang pagpapalagas ng tarantula sa kanyang mga balahibo sa kanyang likuran.  Iyon daw ang gawain ng tarantula kapag nakakaramdam ng panganib.  Subalit sa paglipas ng panahon ay napaamo na daw niya ito at kalmado na ang tarantula sa tuwing ito ay kanyang hahawakan.  Gusto ko din sanang maranasan na mahawakan ito kaya lang ay hindi ako sigurado kung anong hapdi ang titiisin ko sakaling ma-allergy ako sa mga balahibo nito.

Sa bansang Thailand at mga karatig bansa nito, itinuturing na isang exotic food ang tarantula.  Napanood ko sa mga documentaries na kinakain sa kanila ang tarantula. Hindi ko lang alam kung ano ba talaga ang lasa nito.  Nangyari daw ang pagkahilig nila sa iba't ibang klaseng insekto nang makaranas sila ng tag-gutom dahil sa dulot ng giyera.  Dahil sa pangyayaring iyon ay napilitan silang kumain ng kahit na anong klaseng insekto para pamatid gutom.

Biniro ko ang kaibigan ko kung pwede naming iprito ang alaga niyang gagamba.  Aba, sinabihan ba naman niya akong "tarantula ka"!  Haha.