Showing posts with label plant and flower. Show all posts
Showing posts with label plant and flower. Show all posts

Friday, March 14, 2014

Lupok-lupok

Hindi ko alam ang actual na pangalan ng halaman na ito.  Kadalasan itong nakikita sa bukirin at mga bundok.  Para itong ligaw na halaman na kahit saan tumutubo.

Kinalakhan ko na ito at noong kabataan ko ay isa ito sa mga pinaglalaruan at kinakain namin.  Ang tawag nito sa amin ay lupok-lupok dahil ang bunga nito ay puwedeng papaputukin.  Kapag hindi pa hinog ang bunga nito ay kulay berde ang pabalat ng bunga nito pati na rin ang kanyang bunga mismo.  Kapag hinog na ay parehong nagkukulay dilaw na ang pabalat at bunga nito.  At kapag hinog na ito ay puwede nang kainin.  

Thursday, February 20, 2014

Old Skul

Ang nanay namin ay napapabilang sa old skul.  Maraming mga bagay-bagay ang kanyang sinusunod at mayroon din siyang mga paniniwala na siyang kinagisnan niya.  Minsan ay masarap mag-usisa pero gaya ng mga nakaugalian noong unang panahon, ang kanilang motto ay basta sumunod ka na lang at wala namang mawawala sa iyo.  Hindi na raw kailangang magpaliwanag pa dahil para naman sa ikakabuti ng lahat.  Hehe.

Minsang naospital si nanay at nagkaroon ng major operation.  Siyempre pa ay aligaga kaming lahat kasi hindi naman sanay maospital iyon at may kaba kami kasi nga may nerbiyos ang tao.  Sa awa naman ng Diyos ay matiwasay siyang nakaraos at hindi rin nagtagal ay gumaling siya.

Habang naka-confine siya sa ospital ay dinalhan ko siya ng isang bouquet ng puting rosas.  Hala!  Biglang umayaw siya sa mga bulaklak na dala ko.  Ang sabi niya ay hindi pa raw siya patay para dalhan ng bulaklak.  Hehe.  Iba talaga ang paniniwala ng nanay namin.  Ang sabi ko naman ay sa buhay ibinibigay ang mga bulaklak para ma-appreciate nila ito at hindi sa patay.  Ano naman ang gagawin  ng patay sa bulaklak?  Malamang ay hindi nabigyan ng yumao naming tatay ng bulaklak ang nanay namin kaya't ganoon na lang ang pag-ayaw niya sa dala ko.  O baka naman ay ganoon talaga ang mga paniniwala sa amin na kapag may dala kang isang bouquet ng bulaklak ay dapat pang patay lang ito.  Maya't-maya pa ay nagsabi siya na ialay na lang daw ito sa simbahan.  Haha.  Ang ending, wala din naman siyang nagawa at nandoon lang ang bulaklak sa ibabaw ng mesang katabi ng kanyang hospital bed hanggang sa siya ay makalabas ng hospital.

May kanya-kanya talaga tayong paniniwala at kapag embedded na ang paniniwalang ito sa isang tao ay mahirap nang mabago.  Kahit na ano pang paliwanag ang gagawin mo ay pahirapan talagang magbago ang pananaw niya at talagang mahirap itong magbago pa.  Kahit pa nga may mga paliwanag doon sa mga paniniwala nila ay sadyang nakatuon pa rin sila sa kanilang old skul na nakagisnan.  

Happy birthday nga pala sa nanay ko.  Nagdiriwang siya ng kanyang 82nd birthday ngayon.  Maligayang kaarawan, mahal naming Nanay.

Friday, February 14, 2014

Rosas

Ang babae daw ay parang rosas.  Kailangan mo siyang mahalin pati na ang kanyang mga tinik.

Sino nga ba naman ang hindi nagagandahan sa isang bumubukadkad na rosas?  Kahit na anong tipong lalake ka pa ay tiyak na magugustuhan mo ito.  Hindi nga ba at ito ang madalas nating iiabot sa babaeng nagpapatibok ng ating puso?

Sadyang nakakahalina ang bulaklak na ito.  Nagiging simbolo na ito kung paano natin ipabatid at ipadama ang ating nararamdaman sa ating minamahal.  Pero ang taglay niyang ganda ay may kaakibat na pasakit.  Kasama ng kanyang kagandahan ang mga tinik na bumabalot sa kanyang tangkay.  Pero kahit na magkaganoon pa man, gusto pa rin natin ang rosas na ito.

Katulad din ito ng isang babae.  Basta ang babae ay siyang nagpapatibok ng ating puso, kahit na ano pa man siya ay atin din itong tinatanggap.  Kung baga ay package deal na ito.  Hindi lang ang kagandahan ng isang babae ang ating minamahal.  Bagkus pati na ang lahat-lahat sa kanya ay tanggap na rin natin. Ang ating pagmamahal sa kanya ay mas nangingibabaw kesa sa kung ano mang meron siya na hindi kagandahan.

Kaya't hindi na kataka-taka kung bakit ang iba ay nagtatanong kung ano ang nakita natin sa isang babae na ating minamahal na sa tingin ng iba ay hindi ito nararapat sa atin.  Lahat nang kung anong meron sa kanya ay tinanggap na natin ng buo dahil sa pagmamahal na iyon.

Thursday, January 30, 2014

Flower

Sa isang photo class ay naatasan kaming magsubmit ng tig-iisang picture.  Ang ginawa ng aming facilitator ay pinapili niya ang bawat participant ng picture at sasabihin niya kung bakit niya nagustuhan ang picture na iyon.  Pagkatapos ay may critic ang facilitator kung maayos ba o may kulang sa picture na iyon.

Dumating ang time na ako naman ang pipili.  Iilan na lang ang mga natitirang pictures.  Ang mga napili kasi ay hindi na pwedeng piliin pa.  Ang pinili ko ay isang bulaklak.  Nangiti ang facilitator namin dahil sa mga natitirang pictures, bulaklak pa ang siya kong pinili.  Medyo may edad na kasi ang babaeng facilitator namin at sa reaksiyon niya ay natawa ako.  Kaya't nakipagkulitan na lang ako sa paraan na hindi siya ma-offend o mapikon.

Nagtanong siya kung bakit flower ang siya kong napiling picture.  Ang sagot ko naman ay sino ba ang may ayaw ng flower lalo na kung mabango ito.  Agad siyang nagtanong sa mga lalake kong kasama sa loob ng klase kung gusto rin nila ng flower.  Maraming nagtaas ng kamay at may kasama pang hiyawan at tawanan.  Haha.  Malamang ay nakuha na niya ang mensahe kung bakit marami sa amin ang may gusto ng flower.  Hehe.

Thursday, January 23, 2014

Niyog

Last year ay galing ako ng Leyte.  Doon ko nakita ang sangkatutak na niyog na produkto ng probinsiya.  Isa ang niyog sa mga pangunahing produkto ng probinsiya ng Leyte.  Mayroong mga lugar doon na kahit saan ka tumingin ay puro puno ng niyog ang tangi mong makikita.  

May nakilala ako doon na sobrang lapad ng lupain niya na puro niyog ang tanim.  Marami siyang mga tenants na mismong sa lupa niya nakatira.  Sa loob ng ilang taon ay gumanda din ang buhay ng kanyang mga tenants.  Nakakapag-aral ang mga anak nila at nakakapagpaayos na rin sila ng kanilang mga bahay. 

Doon ko nakita ang dami ng niyog na ngayon ko pa lang nakita sa tanang buhay ko.  Nagkataon na nagsisimula na silang magprepare ng copra.  Dito sa Leyte ay pinapausukan nila ang mga copra para mabilis na matuyo.  Sa ibang lugar ay simpleng binibilad ang mga ito sa araw para matuyo.  Sa pagpapausok nga namn ay mas mabilis na matuyo ang mga copra kahit na makulimlim ang panahon o kahit na umulan pa.

Sa pananalasa ng bagyong Yolanda, sinasabing 20 years pa ang bubunuin bago manumbalik ang pagbunga ng mga niyog.  Kung dito lang umaasa ang mga tao sa kanilang hanapbuhay ay tiyak na ibayong hirap ang kanilang dadanasin bago pa muling magkaroon ng bunga ang mga niyog.  Tiyak na magiging malaking challenge sa mga tao dito ang kanilang haharapin dahil tiyak na magbabago ang takbo ng kanilang buhay pati na ang kanilang mga hanapbuhay.  

Sana muling makabangon at muling manumbalik ang sigla ng kanilang buhay at ang kanilang hanapbuhay.   Walang kagustuhan sa nangyaring kalamidad na ito pero sa mga naka-survive at piniling manirahan pa rin sa Leyte at Samar ay nandoon palagi ang kagustuhan na muling makabangon at makapagsimula ulit.