Showing posts with label place and landmark. Show all posts
Showing posts with label place and landmark. Show all posts

Wednesday, April 16, 2014

Pinsec House

Sa kapapanood ko ng mga public affairs program ay nagkakaroon ako ng ideya sa mga lugar at pagkain na kanilang tinatampok.  At kung may pagkakataon ay dinadayo ko ang mga lugar ito at ma-experience kung ano ang kanilang mga ino-offer.

Ang Pinsec House na kainan ng mami sa Recto malapit sa Avenida sa Manila ay isa sa mga kilalang kainan na itinayo noon pa.  Hindi ko alam kung lagpas 70 years na itong operational.  Palagi ko itong nadadaanan kapag pauwi na ako galing ng Divisoria.  Iyon nga lang at di talaga ako nakagawa ng paraan para masubukan ito kahit isang beses man lang.

Minsan ay inaya ako ng isang kaibigan na mag night market sa Divisoria.  Nilakad namin mula bahay hanggang makarating kami ng Recto.  Medyo malayo din ang aming nilakad at hindi pa kami natigil doon.  Muli akong hinamon ng aking kaibigan na maglakad hanggang Divi.  Dahil nagkasubuan na ay pumayag na rin ako.

Pagkalagpas namin ng Avenida ay nadaanan namin ang Pinsec House.  Dahil matagal ko nang inaasam na makakain dito ay inaya ko ang aking kaibigan na sumaglit at mag foodtrip.

Pareho naming inorder ang regular serving nila ng beef wanton sa halagang 77 pesos.  Isa daw ito sa mga favorite na orderin ng kanilang mga customers kahit noon pa.  Ang kanilang regular serving ay good for two na pala at pwedeng pagsaluhan kung hindi naman kayo ganoon katakaw sa pagkain.  At kapag gutom ka at paborito mo ay mami, tiyak sulit at busog-sarap ka kahit sa regular serving pa lang.

Gustong-gusto ko ang timpla ng kanilang mami.  Kumbaga, sabaw pa lang ay solve ka na.  Masarap din at sobrang lambot ng kanilang beef.  Idagdag mo pa diyan ang ilang pirasong siomai ay talaga namang mabigat na ang mga ito sa tiyan.  Talagang solve, pinagpawisan, at sulit ang pagkain namin ng gabing iyon.

Meron lang isang downside ang experience namin ng gabing iyon.  Marahil dahil sa kalumaan ay napabayaan na nila ang lugar.  Sobrang kadiri ng kanilang banyo at barado ang kanilang drainage.  Pagpasok mo pa lang ay ramdam mo na agad ang mapangheng sorang tapang ng hindi kaaya-ayang amoy ng banyo.  Sana ay gawa nila ng paraan para linisin at ayusin ang kanilang banyo para na rin sa kaginhawaan ng kanilang customers.

Wednesday, March 12, 2014

Bata sa Libingan

Sa aking pag-iikot sa loob ng libingan ay may nakita akong bata na pagala-gala rin.  Nag-iisa lang siya at marahil ay na-curious din kung ano ang ginagawa ko.  Taga-kabilang bakod lang pala siya ng libingan at meron daw isang lagusan mula sa kanilang tinitirhan papasok ng libingan.  Madalas daw silang gumagala dito at ito na ang kanilang ginagawang palaruan.  Napa-elibs naman ako sa batang ito at hindi natatakot gumala mag-isa sa loob ng libingan.  Habang ako ay panay ang kabog ng dibdib ko dahil sa takot na idinidikta ng isip kong mapaglaro, ang batang ito naman ay kampante na gumagala dito kahit mag-isa lang siya.  Hindi ko man lang siya nakitaan ng pagkatakot o pangingilag.

Dahil sa presensiya ng bata ay medyo lumuwag ang dibdib ko at nawala ang kaba ko.  Habang nag-iikot kami ay nakabuntot siya at panay ang tanong din sa akin.  Sa aming kakagala sa loob ng libingan ay nagsulputan ang iba pa niyang mga kasama.  Hindi ko tuloy maiwasang mangiti at mapabilib sa mga batang ito.  Ginawa na nilang parte ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang loob ng libingan na ito.  Halos araw-araw daw silang namamalagi at naglalaro dito dahil tahimik at walang nakikialam sa kanila.  

Sabagay, kung hindi naman talaga i-program sa isipan natin na dapat nating kakatakutan ang isang lugar ay hindi naman talaga ito nakakatakot.  Meron pa ngang mga sementeryo na ginagawang tirahan na ng ating mga kakabayan at sa mismong tabi o ibabaw pa sila ng nitso natutulog.  Minsan, kung saan ka pwedeng mabuhay kahit na kapiling mo ang mga patay ay gagawin mo para lang maka-survive.

Tuesday, February 25, 2014

Sa Monumento ni Ninoy

Minsang napagawi ako sa monumentong iyon ni Ninoy sa may QC.  Maganda ang pagkagawa ngunit parang hindi kamukha ni Ninoy ang estatwa doon.  Palaging maayos at malinis ang harapan ng bantayog na iyon.  Pero napa-ngeee ako nang makita ko ang likuran ng bantayog na iyon.  Lalo na kapag dumating ang takipsilim.  Ginagawang hang-out o tulugan ng mga taong nakatira sa kalye ang likurang bahagi nito.  Kahit na nasa gitna sila ng kalsada ay wala silang pakialam sa mga taong dumadaan doon.  Ang importante ay meron silang matutulugan.

Wala naman ako sa posisyon para husgahan ang mga taong tumatambay doon.  Malamang ay nagpupumilit lang din silang makisabay sa agos ng buhay sa siyudad para sila at ang kanilang pamilya ay mabuhay din.  Dahil sa mahal ng upa sa mga bahay, ultimong parang kahon ng posporo sa laki ay mahal ang upa, sadyang isang malaking ginhawa sa kanila ang magkaroon ng ganitong lugar para man lang makapagpalipas ng gabi at ng kanilang antok.  Pero imagine na lang kung ang bawat makikipagsapalaran sa Maynila ay ganito ang gagawin.  Ang mga public places ay gagawin nilang kanilang tulugan at pahingahan.  Tiyak isang napakalaking problema ito para sa gobyerno natin.  At malamang kung buhay si Ninoy at makita niya ang natutulog na isang ito sa pampublikong lugar at sa kanyang bantayog pa mismo, masasabi pa kaya niyang "The Filipino is worth dying for?"

Sunday, February 23, 2014

MacArthur Landing Site

Mayo 2013 ang huling bisita ko sa Leyte.  Mabuti na lang kamo at hindi ako bumalik doon noong bagyong Yolanda at kung nagkataon ay tiyak isang malaking bangungot ang inabot ko.  Pero naranasan ko rin ang bagsik ni Yolanda dahil inabot din kami ng signal number 4 sa probinsiya pero hindi ganoon katindi ang inabot naming pinsala.

Noong nandoon ako sa Leyte ay nagkaroon kami ng pagkakataon na maligo sa dagat na katabi lang ng landing site na ito.  Dahil bago sa lugar ay inikot ko ito at napadpad nga kami sa shrine ni MacArthur.  Siyempre pa at mga bata ang kasama ko, excited silang magpakuha ng picture kahit na taga doon din sila.

Mabilis na lumusong ang mga bata sa mga higanteng rebulto nina MacArthur.  Maya't maya pa ay sinita na kami ng isang tao.  Hindi naman siya pulis o anumang kawani ng gobyerno.  Siya ay isang photographer na rumaraket sa lugar.  Bawal daw lumusong doon at kailangan mo ng bota para makalusong at para daw hindi dumumi ang tubig na ng mga sandaling iyon ay nilulumot na at may mga basura na rin sa paligid.  Haha.  Natawa na lang ako sa kanyang paninita dahil nga nakakaraket siya sa pagpapahiram ng mga bota at sa pagkuha ng mga litrato ng mga bisita doon.  At katulad ng dati,  nagpanggap na lang ako na hindi ko siya naiintindihan at deadma na lang kung ano man ang sinasabi niya.  Wala din namang siyang nagawa at kaagad din naman kaming umalis pagkatapos magpakuha ng pictures.  Kung baga e, para-paraan lang iyan.  Hehe.

Tuesday, February 11, 2014

Chapel ng Quiapo

Napadaan kami sa Basilika ng Quiapo kung saan ay pumasok kami sa kanilang veneracion chapel.  Dahil hindi araw ng Biyernes at may sinundan kami,  kahit sa exit ay puwedeng dumaan papasok.  Hehe.  Pasaway.

Kakaunti lang ang mga taong pumapasok sa chapel ng mga sandaling iyon.  Hindi kami pumasok para magdasal. Sa halip ay ipinakita sa akin ng aking kaibigan ang santong kanilang binihisan.  At dahil nga first time niyang makasali sa ganoong gawain ay nagkuwento siya sa kanyang mga experiences at natuklasan nang gawin nila iyon.

Pagkaraan ng ilang saglit ay kumuha ako ng picture sa loob ng chapel.  Nakailang pictures din ako nang lumapit ang guwardiya sa loob ng chapel.  Bawal daw kumuha ng picture doon at kailangang humingi muna ng permit sa kanilang office.

Hindi ko alam kung bakit hindi puwedeng kumuha ng pictures sa loob ng chapel at maging sa loob ng simbahan ng Quiapo.  Malamang ay may rason sila kung bakit nila ipinagbabawal ito.  Subalit ito lang ang bukod tanging simbahan na ipinagbabawal ang kumuha ng picture sa loob ng kanilang simbahan at chapel.  Marami-rami na rin akong napasukang mga simbahan at wala naman akong na-engkwentro na anumang pagbabawal.

Dahil nga bawal, nakibit-balikat na lang kami.  Ito ang isang pagakakataon kung saan ang sabi ng mga mentors namin sa photography na dapat ay maging bingi kami.  Pagkatapos mong kumuha ng pictures ay patay-mali na lang sa sitwasyon na para bang walang nangyari.  Haha.  Peace be with you na lang para walang problema.