Showing posts with label food. Show all posts
Showing posts with label food. Show all posts

Friday, August 22, 2014

Puto

Kung ang puto ay lalake, ano ang tawag sa babae nito?  Haha.  Malamang ay bigla kang ngumiti o di kaya'y tumawa sa joke na ito.  At malamang sa hindi ay biglang pumasok sa utak mo ang isang berdeng pag-iisip.  Haha.  Kung aaminin mo na naging malikot nga ang iyong pag-iisip ay isa ka pa ring normal na tao.

Sino nga ba naman ang hindi nakakakilala ng puto at malamang ay nakatikim ka na rin ng puto.  Patuloy ngang dumadami ang lahi ng puto dahil habang tumatagal ay lalong nagiging malikhain ang panlasa nating mga Pinoy.  Kapag umuuwi ako sa amin ay merong gumagawa doon ng puto na talaga namang sobrang sarap ang pagkagawa.  Wala itong halong keso o itlog na maalat.  Ang ginagawa nila ay regular na puto lang pero nagiging espesyal ang lasa nito.  Siguro nga minsan ay aalamin ko ang sekreto ng kanilang timpla kung bakit ito nagiging masarap.

Pero teka lang.  Lumayo na ako doon sa una kong tanong.  Ano nga ba ang babaeng katapat ng puto?  Sirit na ba?  Ang sagot ay kutsinta o bibingka.  Haha.  Kaya nga madalas pinagsasama ang puto at kutsinta dahil magpartner sila.  

Saturday, August 16, 2014

Tamarind

Kapag ikaw ay isang masipag na tao, wag kang kakain ng sampalok dahil ikaw ay tatamarind.  Hehe.

Mula pa pagkabata ay trip ko nang kaining ang sampalok.  Lalo na kapag bagong pitas at talagang sobrang tamis.  Iyong bang tipong umaalog na sa kanyang shell at kakulay ng tutuli.  Ewwww.  Haha.  Ang sarap noon.  Pero bakit kahit na matamis ang lasa ng hinog na sampalok ay nakakangilo na rin ito kapag masobrahan ka sa pagkain?

Minsan ay merong nagregalo sa akin na isang supot ng sampalok.  Siyempre, dalawang kamay kong inabot at abot-tenga ang ngiti ko dahil paborito ko ito.  Nang basahin ko ang label ay may halo daw itong sili.  Nyay.  Tunay nga at hindi lang basta halo.  Kalahati ata ng bawat isang pirasong sampalok ay sili ang kasama.  Sobrang anghang.  Haha.  Masarap na nakakabwisit kainin dahil sa anghang nito.  Ang ending, hayun at dalawang piraso lang lagi ang kinakain ko bawat araw hanggang sa maubos ito.  Hinayupak ang taong nagtimpla nito.  Parang galit sa sili ang drama.  O baka naman sili talaga iyon na hinaluan lang ng sampalok.  Hehe.

Monday, April 28, 2014

Native Chicken

Isa sa mga masasarap na pagkain na tiyak na mahirap tanggihan ay ang tinola lalo na kapag native na manok ang gamit na sangkap.

Dahil natural ang pagkain at hindi puro feeds, laging angat ang sarap na dulot ng native na tinolang manok.  Ito palagi ang inihahanda namin kapag espesyal na okasyon.  At para mabawasan ang langsa nito ay ikinukulong muna ito ng halos isang linggo at doon na pinapakain sa kulungan.

Isa pang pinakagusto ko ay kapag may itlog ito na nabubuo sa loob ng kanyang katawan.  Mas malinamnam kasi ang lasa nito kapag kasama ang mga itlog na manilaw-nilaw pa.

Friday, April 25, 2014

Salagubang Delicacy

Matagal na akong nakakarinig na delicacy sa bandang norte ng Pinas ang mga salagubang.  Napanood ko ito sa mga magazine show sa tv kung saan ay hinuhukay ng mga tao ang lupa kung saan kadalasan ay pugad ng mga salagubang.  Mayroon lang kasi na tipo ng salagubang ang pwedeng kainin.  Kaya kapag dumadating na ang summer ay tila ba isang biyaya ito sa mga residenteng madalas na magluto ng ganitong tipo ng pagkain.

Pagkakuha nila ng mga salagubang ay kanila itong tatanggalan ng ulo, pakpak, at mga paa.  Hindi ko lang sigurado kung pati ang mga bituka nito ay kanila ding inaalis.  Pero dahil na dahon ng halaman ang siyang kinakain ng mga salagubang ay hindi naman ito nakakasama kong sakaling buo ang kanilang laman-loob.  Pagkatapos na malinisan at mahugasan ay kanila itong ipiprito o gawing adobo.  Para ka ring nagluto ng karne kapag ito'y ginawa mong adobo.

Sana kapag may pagkakataon ay matikman ko rin ito.  Masarap daw at juicy kapag ito'y iyong kinakagat.  Hindi ko lang sure kong makakaya ko ang katas nito kapag nasa bibig ko na.  Pero ika nga, wala namang masama kung susubukin.  Kapag kaya ng iba ay tiyak makakaya ko rin.  Hehe.

Tuesday, April 22, 2014

Beef Pares

Isa siguro sa mga all-time favorite ko na pagkain ay ang beef pares.  Simula kasi ng bata pa ako ay talagang mahilig na ako sa karne ng baka.  At kapag proven na masarap talaga ang luto ng isang putahe nito ay talaga namang babalik-balikan ko ito.

Dati-rati ay nagtatanong pa ko kung ano ba ang ibig sabihin ng pares.  Iyon pala ay simpleng ulam na kapares ng kanin.  Akala ko naman ay may kakaiba doon.  Malamang ang naiiba doon ay ang kakaibang sarap na timpla ng ng karne ng baka.

Pag beef pares ang inoorder ko ay tiyak na magrerequest ako na dadagdagan ang sabaw nito.  Paano kasi, sabaw pa lang ay ulam na.  Kahit na siguro wala itong kasamang karne ng baka ay papatusin ko pa rin dahil sa sarap ng sabaw nito.  At kadalasan ay napapa-extra rice pa ako dahil hindi ko kayang papakin ang ulam ng walang kanin.

Hay, naglalaway na naman ako dahil sa post na ito.  Tiyak takbo na naman ako nito sa paborito kong pares house para lang muling mamantikaan ang bibig ko ng beef pares.  Hehe.

Saturday, April 19, 2014

May

Sa pag-abot sa akin ng aking pamangkin ng baso na may alak, kunwari ay marunong akong uminom ng wine.  Pinaikot ko muna ang laman ng baso at pagkatapos ay inamoy ito bago tikman.  Ang sarap!

Noong nasa mall kami ay talagang parte ng kanilang listahan ang pagbili ng wine.  Masarap daw ang gusto nilang wine dahil natikman na nila ito mula sa isang kasalan.

"May" ang label ng wine at wala itong halong alcohol.  Noong una ay akala ko na katulad din ito ng ibang grape wines na natikman ko.  nang amuyin ko ito ay wala itong strong odor di gaya ng ibang wine.  At higit sa lahat ay masarap ito at manamis-namis na para bang galing ito sa fresh grape extract na kakagawa lang.

Dahil nagustuhan ko ang "May", tiyak na kapag may okasyon o kahit simpleng salu-salo man lang ay isasama ko ito sa handaan.  Cheers, guys.

Wednesday, April 16, 2014

Pinsec House

Sa kapapanood ko ng mga public affairs program ay nagkakaroon ako ng ideya sa mga lugar at pagkain na kanilang tinatampok.  At kung may pagkakataon ay dinadayo ko ang mga lugar ito at ma-experience kung ano ang kanilang mga ino-offer.

Ang Pinsec House na kainan ng mami sa Recto malapit sa Avenida sa Manila ay isa sa mga kilalang kainan na itinayo noon pa.  Hindi ko alam kung lagpas 70 years na itong operational.  Palagi ko itong nadadaanan kapag pauwi na ako galing ng Divisoria.  Iyon nga lang at di talaga ako nakagawa ng paraan para masubukan ito kahit isang beses man lang.

Minsan ay inaya ako ng isang kaibigan na mag night market sa Divisoria.  Nilakad namin mula bahay hanggang makarating kami ng Recto.  Medyo malayo din ang aming nilakad at hindi pa kami natigil doon.  Muli akong hinamon ng aking kaibigan na maglakad hanggang Divi.  Dahil nagkasubuan na ay pumayag na rin ako.

Pagkalagpas namin ng Avenida ay nadaanan namin ang Pinsec House.  Dahil matagal ko nang inaasam na makakain dito ay inaya ko ang aking kaibigan na sumaglit at mag foodtrip.

Pareho naming inorder ang regular serving nila ng beef wanton sa halagang 77 pesos.  Isa daw ito sa mga favorite na orderin ng kanilang mga customers kahit noon pa.  Ang kanilang regular serving ay good for two na pala at pwedeng pagsaluhan kung hindi naman kayo ganoon katakaw sa pagkain.  At kapag gutom ka at paborito mo ay mami, tiyak sulit at busog-sarap ka kahit sa regular serving pa lang.

Gustong-gusto ko ang timpla ng kanilang mami.  Kumbaga, sabaw pa lang ay solve ka na.  Masarap din at sobrang lambot ng kanilang beef.  Idagdag mo pa diyan ang ilang pirasong siomai ay talaga namang mabigat na ang mga ito sa tiyan.  Talagang solve, pinagpawisan, at sulit ang pagkain namin ng gabing iyon.

Meron lang isang downside ang experience namin ng gabing iyon.  Marahil dahil sa kalumaan ay napabayaan na nila ang lugar.  Sobrang kadiri ng kanilang banyo at barado ang kanilang drainage.  Pagpasok mo pa lang ay ramdam mo na agad ang mapangheng sorang tapang ng hindi kaaya-ayang amoy ng banyo.  Sana ay gawa nila ng paraan para linisin at ayusin ang kanilang banyo para na rin sa kaginhawaan ng kanilang customers.

Sunday, April 13, 2014

Cheese Donut

Dahil sa walang magawa at nang gutumin dahil sa aking pag-iikot ay nasumpungan ko ang isang bakery store.  Meydo matagal ko ring tinitigan ang kanilang mga paninda hanggang sa mapako ang paningin ko sa kanilang panindang bicho-bicho.

Cheese donut ang label na nakalagay sa harap ng tray kung saan madaming pahabang donut ang nakadisplay.  Malamang ay hirap silang gumawa ng bilog na donut kaya't pahaba na lang ang kanilang ginawa.  Hehe.

Nagtanong ako sa salesgirl kung talagang may palaman na cheese nga ang donut nila.  Sabi niya ay cheese donut nga iyon at may laman ngang cheese.  Hiyang-hiya naman ako sa sagot niya.  Oo o hindi lang naman pero ang haba ng sagot niya. Haha.  

Sabi ko ay susubukin ko nga kung anong meron sa cheese donut nila.  Anim na piso ang isang piraso na halos isang dangkal ko ang haba.  Pagkagat ko ng isa ay agad na hinahanap ng panlasa ko ang cheese.  Isang kagat pa ulit bago ko nalasahan ang cheese.  Putik na cheese yan.  Parang gatingting ng walis ang laki.  Haha.  sa liit ng cheese ay pahirapan ang paghanap dito at halos hahanapin ng dila mo ang lasa ng cheese.  Sabagay, mahal nga naman ang cheese at sa halagang anim na peso ay hindi mo dapat asahan ang isang blokeng cheese na palaman ng kanilang donut.

Sabi ko tuloy sa sarili ko.  Next time, donut buy na lang. Haha.

Thursday, April 10, 2014

Mangga

Kapag panahon ng mangga sa Pilipinas ay talaga namang bumabaha ito.  Simula ng maliit pa ako hanggang ngayon ay paborito ko rin ang mangga at inuulam ko din ito sa kanin.

Pero hindi lahat ng mangga ay kaaya-ayang kainin.  Minsan ay nabibighani tayo sa hinog na mangga dahil mabango ito.  Ang akala natin ay matamis din ito dahil sa kanyang bango.  Minsan din ay ipinagmamalaki ng mga tindera na galing sa Zambales ang kanilang panindang mangga pero wala namang kasiguraduhan ito.

Ang ayaw ko sa mangga ay yaong kinalburo.  Kahit na mabango ito ay maasim ang laman nito.  Hinog sa pilit kung baga.  Bagay dito ay gawing ensalada.  Kahit na nga sigurong mamatamisin ito ay lalabas pa rin ang pagkamaasim nito.  Ang isa pang iniiwasan ko sa mangga ay yaong mga mapuputing tuldok na naglilitawan sa laman nito.  Kapag ganito na ang hitsura ng mangga ay hindi ko na ito kinakain.  Malamang ay nasobrahan ito sa gamot.

Paminsan-minsan ay nakaktikim ako ng mangga na walang spray at tanging usok lang na nagmumula sa siga ang siyang tumutulong para mamulaklak at mamunga ito.  Dahil natural na proseso ang pinagdadaan nito para mamunga ay talaga namang sulit sa tamis at hindi makati sa lalamunan pag nakain mo ito.  Kadalasan ay pang personal na kunsumo ng isang pamilya ang ganitong estilo at hindi masyadong madami ang bunga ng isang puno.  At least masasabi mong safe ang kinakain nyong mangga.

At ang pinakagusto kong kainin na mangga ay yaong manibalang.  Sarap na sarap ako kapag manibalang na mangga na ang usapan tapos ay meron pang sawsawan na bagoong alamang.  Wow!  Heaven ang feeling.  Hehe.


Monday, April 7, 2014

Sinigang na Ulo ng Isda

Kapag sariwa ang isang malaking isda, trip ko itong gawing sinigang.  

Kadalasan, ang ulo, belly, at laman loob nito ang masarap gawing sinigang.  Ito daw kasi ang pinakamasarap at pinakamalasang parte ng isda.  Hindi ko alam kung ano ang explanation kung bakit masarap ang ulo ng isda lalo na kapag may sabaw ito.  Kahit nga simpleng pangat lang ito ay pasok na.  Sa tagal ng inilagi ko sa probinsiya ay nakasanayan ko na ang magbutingting ng ulo ng isda at the best lagi pag nakakamay ka kung kumain.

Ang hindi marunong kumain ng ulo ng isda ay kadalasang ini-ignore ito.  Hindi kasi nila alam na merong masarap na laman na nakapaligid sa mata nito at ganoon din sa mga gilid gilid ng mga buto nito.  Hay, tulo laway na naman ako kapag isda ang pinag-usapan.  Tiyak maghahanap na naman ako ng sinigang na isda sa paborito kong kainan nito.

Friday, April 4, 2014

Chatime Milk Tea

Simula nang mauso ang milk tea ay nagsulputang parang kabute ang mga iba't ibang establishments na nagtitinda ng milk tea.  Halos lahat na ata ng brands ay natikman ko na.  Merong totoong milk tea drinks at meron din diyang joke joke lang ang dating.

Isa sa mga naging paborito ko ay ang Chatime.  Ang madalas kong inoorder dito ay ang strawberry flavor.  Ewan ko ba kung bakit sobrang loko ako kapag usapang strawberry na.  Pakiramdam ko ay parang may magnet ang strawberry sa akin.  At patok sa panlasa ko ang milk tea na may chocolate at strawberry.

Kaya't kung meron man akong kakilala diyan na gustong manlibre ng milk tea, alam niyo na ang bisyo ko.  Hehe.

Tuesday, April 1, 2014

Nilagang Kamote

Ang kamote ay isang alternatibong pagkain sa kanin at katulad din ng nilagang saba at nilagang mais.  Iyon nga lang kahit na anong klaseng nilagang kamote pa iyan, mapa-dilaw, puti, o ube,  parusa ang hatid sa mga taong makakaamoy ng utot mo.  Haha.  Ano nga ba ang meron sa kamote at ang lakas nitong magpalabas ng di kanais-nais na gas sa ating tiyan.

Meron tayong mga kakabayan na nasanay nang kumain ng nilagang kamote sa halip na kanin.  Sinubukan ko din ito pero talagang iba ang hatid na bigat at pagkabusog kapag kanin ang kinain ko.  Malamang ay sanay na talaga ang tiyan ko sa kanin at siguro ay isip ko ang nagdidikta na maghanap ito ng kanin kahit na halos bundat na ang aking tiyan.  Pero kung sakaling taghirap at tanging kamote lang ang kakainin ay malamang kaya ko namang mag-adjust.

Kapag nagluluto ako ng kamote, ang laging hanap ko ay ang dilaw na kamote.  Di hamak na mas masarap kasi ang dilaw na kamote kumpara sa iba pang variety ng kamote.  At di lang iyon.  Masarap ding ihalo sa karne ang kamote lalo na kapag nilaga o pochero ang putahe.  Haha.  Naglalaway tuloy ako sa mga luto na ito.  Hamo at makapagluto nito mamaya para naman magamot ang biglang pangungulila ko sa ganitong putahe.

Saturday, March 29, 2014

Crab Meatballs

Ang sabi ng kasabayan ko nang bumibili kami sa food stall ay sobrang mahal daw ng balls ng crab.  Haha.  Humirit naman ang isa pa na ang lalaki daw ng balls ng crab.  Haha pa ulit.

Minsan ay napagawa ako sa Divi dahil free time ko naman.  Sa kakaikot ko ay napagawi ako sa mga food stalls sa labas ng mall kung saan marami ang mga nagtitinda ng mga pamatid-gutom at pamatid-uhaw.  Dahil sa sobrang naengganyo ako sa hitsura ng crab meatballs, kahit na may kamahalan ito sa halagang 50 pesos ang isang tuhog ay pinatos ko na rin.  

Sa totoo lang, ang halagang 50 pesos ay dalawang order na ng kanin at isang madaming ulam na ang katapat noon sa tindahan malapit sa amin.  Pagkain ko na sana iyon ng tanghalian at hapunan.  Huhu. Pero dahil mas malakas ng hatak ng crab meatballs at para maiba naman ang mantikang dumapo sa bibig ko ay pinagbigyan ko na rin ang kaunting luho ng katawan este ng bibig ko.  Hindi naman ako nagsisisi at rewarding naman ang lasa.  Lasang crab.  Bwahaha.  

Iyon nga lang at halos malalasahan mo na rin ang iba pa nilang itinitinda dahil sa iisang lutuan lang sila piniprito.  Pati ang mga sawsawan ay pare-pareho lang din.  

Wednesday, March 26, 2014

Daing na Bangus

Tawa ng tawa ang kasamahan ko nang minsang kumain kami sa isang kilalang steakhouse.  Paano ba naman kasi ay umorder ako ng bangus kung saan ang specialty ng restaurant na iyon ay steak.  Inaasar tuloy niya ako habang tinatakam ako sa bawat subo niya ng steak.  

Paano ba naman kasi, pinagbawalan muna ako ng doktor na maghinay-hinay muna sa mga matatabang pagkain dahil mataas ang aking kolesterol count.  Naramdaman ko kasing sumasakit na ang batok ko ng mga panahong iyon at gusto ko pa namang mabuhay pa ng mas mahaba.  Parusa nga ang paglalaway ko sa steak habang sarap na sarap ang kasama ko samantalang todo tiis naman ako sa walang kabuhay-buhay na lasa ng pritong bangus na iyon.  Kunswelo ko na lang ang gravy dahil nagmukha ding steak ang kinakain ko.  Huhu.

Sunday, March 23, 2014

Iced Tea

Nakarinig ka na ba nang umorder ng iced tea pero walang ice?  Haha.  

Kapag medyo nangangati ang lalamunan ko at walang service water o di kaya'y mineral water ang isang kainan, ang madalas kong inoorder ay tea.  Minsan nakakarinig ako ng correction galing sa sales clerk dahil kapag umoorder ako ng tea ay sinasabi nila na wala daw silang tea o tsa-a.  Ang meron lang sila ay iced tea.  Kaya't sinasabihan ko na lang na sige iced tea na lang pero wag niyang lagyan ng ice.  At kapag narerealize ng sales clerk na tea nga ang siyang binibigay niya sa akin ay napapangiti na lang ito.

Mayroon ngang joke na rated PG at siguro ay narinig nyo na rin ito tungkol sa tsa-a.  Kapag ang isang babae daw ay nag-order ng tsa-a, alam nyo na na meron na itong karanasan.  Dahil kapag wala pa daw itong muwang sa mundo, ang tipo ng inumin nito ay pipsi.  Hehe.  Uy, walang pikunan.  Joke lang po ito.

Thursday, March 20, 2014

Bibingka

Sa may kanto ay merong nagtitinda ng bibingka.  Bigla akong nag comment na "Sobrang mahal naman!" dahil talagang mahal ang tinda nilang bibingka na halos kasing lapad ng palad ko.  Akalain mo ba namang 40 pesos ang isang order.  

Naging defensive naman si ateng tindera at ipinagmamalaki na merong Star Margarine, keso, at higit sa lahat ay espesyal daw ang bibingka nila.  Napatanong ako kung bakit naging espesyal ang bibingka nila.  Buong pagmamalaki na sinabi ni ate na meron daw itong itlog na maalat.  Nagtanong ulit ako na porke't may itlog na maalat ay espesyal na agad?  Napa-oo naman siya at kahit daw ano basta merong itlog na maalat ay espesyal na ito.  Natawa ako bigla sa sagot niya.  Sinabihan ko si ateng tindera na espesyal din pala ako dahil meron din akong itlog na maalat.  Natawa ang katabi kong mama na naghihintay ng order niyang bibingka.  Si ate ay napakunot noo na lang at hindi na gets ang joke ko.  Haha.  Slow.

Monday, March 17, 2014

Guisadong Pusit

Nasubukan mo na bang kumain ng pusit lalo na iyong nanggigita sa malapot nitong maitim na dagta?  Ang sarap noon lalo na kapag talagang masarap ang pagkaluto.

Doon po sa amin kung saan laging sariwa ang mga itinitindang mga pusit ay palaging naglalakihan ang mga pusit na itinitinda.  Bibihira ka lang makakita ng mga maliliit na mga pusit.  Karamihan ay mga malalaking pusit at talaga namang sobrang itim ng mga ito dahil sa kanilang mga tinta.

Sa isang lugar kagaya sa amin, mayroon ding mga kakatwang kwento na lumalabas tungkol sa pusit.  Minsan daw ay mayroong isang mangingisda na nakahuli ng hindi gaanong karaming pusit.  Dahil sa alanganin ang dami nito para maibenta, inuwi na lang niya ang kanyang huli at agad na ipinaluto sa kanyang asawa.  Ang sarap ng pagkaluto ng kanyang asawa at agad silang kumain ng hapunan.  Habang kumakain sila ay merong bumabangabag sa kanila lalo na sa lalakeng mangingisda.  Hindi siya mapakali at pilit na hinahanap ang pinagmumulan ng kakasukang amoy.  Amoy tae daw kasi sa paligid.  Nang hindi niya makita ay balik hapag kainan siya.  Laking gulat na lang niya nang hiwain niya ang tiyan ng isang malaking pusit at doon na umalingasaw ng tuluyan ang amoy ng ebaks.  Yaikss.

Kung totoo man o hindi ang kuwentong ito, bago ako magluto ng pusit ay inaalam ko muna ang laman ng katawan nito.  Kadalasan sa mga natutuklasan kong laman ng tiyan nito ay ang buong isda na kanyang nakain o di kaya'y ang kanyang itlog.  At mas masarap ang lasa ng pusit kapag puno ng itlog ang kanyang tiyan.

Friday, March 14, 2014

Lupok-lupok

Hindi ko alam ang actual na pangalan ng halaman na ito.  Kadalasan itong nakikita sa bukirin at mga bundok.  Para itong ligaw na halaman na kahit saan tumutubo.

Kinalakhan ko na ito at noong kabataan ko ay isa ito sa mga pinaglalaruan at kinakain namin.  Ang tawag nito sa amin ay lupok-lupok dahil ang bunga nito ay puwedeng papaputukin.  Kapag hindi pa hinog ang bunga nito ay kulay berde ang pabalat ng bunga nito pati na rin ang kanyang bunga mismo.  Kapag hinog na ay parehong nagkukulay dilaw na ang pabalat at bunga nito.  At kapag hinog na ito ay puwede nang kainin.  

Tuesday, March 11, 2014

Turon

Kapag simple lang ang pamatid-gutom mo at hindi ka naman masyadong pihikan, sa halagang 5 o 6 pesos ay makakaraos ka na.  Takbo ka lang sa may kanto ay tiyak may nagtitinda na ng turon.

Madali lang naman kasi gawin ang turon.  Isa o dalawang piraso na maninipis na hiwa ng hinog na saging na saba, sabay sasamahan ng kapiranggot na strip ng hinog na langka, ibabalot sa lumpia wrapper, ilulublob sa kumukulong mantika, at bubudburan ng asukal. Ilang sandali lang ay may mainit at masarap na turon ka na.

Kadalasan ay isa o dalawang order ng turon ay busog ka na.  Mabigat kasi sa tiyan ang saging na saba.  Tapos ang bawat pagkagat mo ay susundan mo ng inum ng tubig.  Sigurado, panalo ka sa kabusugan sa murang halaga lang.

Saturday, March 8, 2014

Spaghetti

May kasabihan na ang pancit daw ay pampahaba ng buhay.  Kaya ang pagkain na ito ay madalas na nakikita natin sa mga hapag-kainan.  Pero may narinig na ba kayong ang spaghetti ay pampahaba din ng buhay?  Haha.

Dahil sa impluwensiya ng mga Tsino kaya't nakahiligan at inadopt na rin natin ang maraming aspeto ng kanilang kultura at kasama na nga dito ang pagkain ng pancit.  Dahil sa mahahabang hibla ng pancit ay pinaniniwalaan ng mga Tsino na pampahaba ito ng kanilang buhay.  Pero ang paniniwalang ito ay tanging sila lang ang nagpapalaganap.

Sa paglipas ng panahon ay naiimpluwensiyahan na rin tayo ng kulturang kanluranin.  Pati ang pagkaing kanluranin ay swak na rin sa ating panlasa.  At sino nga naman ang tatanggi kapag spaghetti na ang kakainin?

Kung ang pancit ay pampahaba ng buhay dahil sa mahabang hibla nito, bakit hindi natin nakaringgan na ganoon din ang spaghetti?  Dahil ba ang  pancit ay gawang Tsino at ang spaghetti ay galing sa mga puti?  Kailan kaya isasali ng mga Tsino ang spaghetti sa kanilang listahan ng pagkain bilang pampahaba ng buhay?  Wala pong magagalit at simpleng nagtatanong lang. :)