Friday, March 7, 2014

Bonding Moment

Masuwerte ang mga batang lumaki kapiling ang kanilang mga magulang at ganoon din ang kanilang mga lolo't lola.  Kadalasan ay buhos ang pagmamahal sa mga bata na galing sa kanilang lolo at lola.

Ang sabi nga ay masyadong emotional ang mga matatanda at sobrang buhos din sila magmahal.  Hindi man nila sasabihin ito ay maging sila man ay gustong mahalin din sila ng lubos.

Dahil nga may edad na sila at wala nang masyadong ginagawa pa, ang pagkakaroon nila ng apo ay isa sa mga bagay na talagang kinakagiliwan.  Kadalasan ay mas spoiled pa ang mga apo kumpara sa kanilang mga anak.  Malamang ay malaking bagay ang palaging pagkakaroon ng bonding moment ng maglolo o maglola kumpara sa mag-ama o mag-ina.

Nang masulyapan ko ang maglolo na ito ay lihim akong humanga sa kanila.  Naisip ko na masuwerte ang batang ito at naranasan niya na magkaroon ng lolo at maipadama ng matanda ang pagmamahal nito sa kanya.  Sa murang edad ng bata ay hindi pa niya maiisip ito subalit pagdating ng panahon, tiyak na isa ito sa mga bagay na ipagmamalaki niya at hindi kailanman mabubura sa kanyang isip.

Thursday, March 6, 2014

Daya

Bakit madadaya tingnan ang mga pictures at promotional food items ng mga resto at food chains?  Hindi ba nila isinasapuso ang katuturan ng "truth in advertising?"  Bakit mukhang naguguyo ng iba ang kanilang mga customers?

Kadalasan, kapag pumapasok tayo sa resto o fast food ay madalas nating tingnan ang mga pictures na nakapost sa counter o di kaya'y sa menu.  Kapag hindi tayo sigurado sa ating oorderin ay malaking bagay ang ginagampanan ng mga pictures ng pagkain.  Kaya nga ganoon na lang ang paggastos ng mga ito pag dating sa kanilang commercials at promotional gimiks para sa kanilang mga pagkain.

May mga pagkakataon na sobrang nakakadismaya lang at pakiramdam natin ay natanso tayo sa pagkaing ating inorder.  Minsan ay iba ang hitsura at sobrang nakakatakam ang nasa picture tapos pag atin na itong na order ay iba din ang hitsura nito.  Kung pwede nga lang na picture na lang ang orderin ay ginawa na natin basta ba pwede itong kainin.  At ang mahirap pa ay sobrang mahina ang sistema sa ating bansa pagdating sa reklamo tungkol sa mga karapatan natin pagdating sa mga "deceiving tactics" ng ibang mga resto o fast food chains.

Wednesday, March 5, 2014

Hopia

Isa marahil sa mga masarap na kainin ay ang hopia.  Nakalikahan ko rin kasi itong kainin at ang mga unang hopia na nakain ko ay matigas ang dough o tinapay.  Sa totoo lang, isa din ata ang hopia sa mga halos hindi nagbabago ang anyo sa mga lugar kung saan mura lang ang benta nito.  At malamang ay makakarelate kayo sa salaysay ko kapag nakakain na kayo ng Tipas brang ng hopia.

Meron akong kaibigan na sa tuwing maliligaw sa Quiapo ay palagi siyang nag-uuwi ng hopia sa kanila.  Ang Master Hopia kasi sa Quiapo ay isa sa mga nagluluto ng masarap na hopia.  Madalas ay marami ang dumadayo dito para lang makabili ng kanilang hopia.  At kapag maligaw kayo dito ay talaga namang sobrang daming varieties ng hopia na mapagpipilian.  

Ayan, tulo-laway tuloy ako sa post na ito.  Malamang ay biglang maligaw na lang ako sa Quiapo at kapag magawi ako sa lugar ng Master Hopia ay tiyak na foodtrip ulit ako.

PS.  Wala silang flavor ng hopia na pusa ang palaman.  Hehe.

Tuesday, March 4, 2014

Manhole

Isa sa mga problema na hindi matapos-tapos sa isang matao at progresibong siyudad gaya ng Manila ay ang nakawan ng takip ng manhole.  Kadalasan ay iisa lang ang itinuturong culprit sa gawaing ito.

Dahil purong bakal ang takip ng manhole at madali itong tanggalin ay isa ito sa mga malimit na target ng mga taong nagkakalakal.  Mahal kasi ang presyo nito kapag kanilang ibinenta.  Tapos ang mga may ari ng junk shop ay sila naman ang agad na pinagbibilhan ng mga nagkakalakal sa mga nakuha nilang takip ng manhole.  Masyado din silang naglalaway sa kanilang tutubuin sa takip ng manhole at kahit na ipinagbabawal ang pagbili nito ay pikit-mata nilang tinatapatan ng pera ang gawaing ito ng mga nagkakalakal.  Kaya't para na rin nilang sinusuportahan ang maling gawaing ito.

Ilan pa kayang disgrasya at buhay ang malalagay sa alanganin bago maisip ng mga taong kumukuha ng takip ng manhole ang kanilang maling gawain.  Mas matindi ba ang tawag nang kumakalam na sikmura kumpara sa disgrasyang maidudulot nila sa ibang tao?  Sabagay, kapag survival na ang pinag-uusapan (kahit sa mga edukado at matataas pang tao) ay walang sinisino ang kapakanan ng ibang tao.

Monday, March 3, 2014

Dugo

Noong una ay takot talaga ako sa karayom.  Ang karayom na tinutukoy ko ay ang karayom na ginagamit sa pagkuha ng dugo.  

Dati ay bibihira lang talaga ako maka-encounter ng doktor dahil hindi naman ganoon ako malimit na magkakasakit.  Nang dumating ang panahon na napapadalas na ang dalaw ko sa doktor dahil sa required check up o di kaya'y nagkakasakit ay doon ko natutunan na makipagtuos sa karayom.

Dati rati ay malakas ang kabog ng dibdib ko sa tuwing kinukuhaan ako ng dugo.  Malaki kasi ang karayom at sa pagtusok pa lang sa braso mo lalo na kapag hindi marunong ang nurse ay masakit ito.  Dati rati ay kunwari iniiba ko pa ang usapan para lang malihis ang atensiyon ko sa gagawing pagkuha ng dugo sa akin.

Ngayon ay parang balewala na ito sa akin.  Ngayon ay natitingnan ko na ang proseso habang kinukuhaan ako ng dugo at habang pinupuno ang tubo ng aking dugo.  Kailangan lang pala magiging madalas ang paggawa nito para ma immune ka sa kaba at sakit na dulot nito.

Sunday, March 2, 2014

Brownies

Bakit ang brownies ay tinatawag na brownies?  Dahil ba ito sa kulay nila?  E kung ang kulay nila ay blue, tatawagin ba silang bluenies o pag red ay rednies?  Hehe.

Dahil sa mahilig ako sa chocolates, ang isang masarap, nakakatakam, at irresistible na pagkain gaya ng brownies ay tiyak na hindi ko ito papalampasin.  Marami-rami na akong natikman na brownies.  Ang pinakagusto ko sa lahat ay yaong malambot ang dough, merong halong nuts, at pati na rin ng choco flakes.  At ang pinaka the best sa lahat ay mayroon itong choco syrup.  Wow lupet!  Hehe.

Saturday, March 1, 2014

Sigarilyo

Meron akong isang kaibigan at kasama sa trabaho na naninigarilyo.  Grabe!  Sobrang cool niya tingnan kahit na hawak pa lang niya ang sigarilyo.  Gustong-gusto ko ang ginagawa niyang paglalaro ng sigarilyo sa kanyang mga daliri.  

Bibihira lang akong makakita ng taong naninigarilyo na sobrang galing humawak ng sigarilyo.  Nakakaengganyo siyang tingnan at sa hindi inaasahang pagkakataon ay sinubukan kong manigarilyo.

Kahit noong una pa man ay wala talaga sa listahan ko ang tumikim ng sigarilyo.  Sinabihan na rin ako ng kapatid ko na mas mabuti pang uminum kesa manigarilyo.  Bilang masunurin na kapatid ay sinunod ko naman ang kuya ko.  Pero nang makasama ko ang kaibigan kong iyon ay sinubukan dahil sa tingin ko ay pampadagdag pogi points iyon.

Siyete, otso, nuwebe ang nangyari.  Napaubo ako sa unang hithit ko pa lang.  Ganoon daw talaga kapag newbie at hindi pa marunong lumunok at bumuga ng usok ng sigarilyo.  Tapos naramdaman ko na biglang lumagkit ang lalamunan ko at kakaiba ang laway ko.  Napaubo ako at nang magtakip ako ng bibig ay naamoy ko ang daliri ko.  Siyete otso ulit at ang baho ng daliri ko.  Haha.  Ayun at tinapon ko ang hawak na sigarilyo at ipinangako ko sa sarili ko na hindi na ako hahawak at titikim noon.