Friday, March 14, 2014

Lupok-lupok

Hindi ko alam ang actual na pangalan ng halaman na ito.  Kadalasan itong nakikita sa bukirin at mga bundok.  Para itong ligaw na halaman na kahit saan tumutubo.

Kinalakhan ko na ito at noong kabataan ko ay isa ito sa mga pinaglalaruan at kinakain namin.  Ang tawag nito sa amin ay lupok-lupok dahil ang bunga nito ay puwedeng papaputukin.  Kapag hindi pa hinog ang bunga nito ay kulay berde ang pabalat ng bunga nito pati na rin ang kanyang bunga mismo.  Kapag hinog na ay parehong nagkukulay dilaw na ang pabalat at bunga nito.  At kapag hinog na ito ay puwede nang kainin.  

Thursday, March 13, 2014

Honeybee

Meron akong kabarkada na nagtitinda ng mga prutas.  Ang kanyang kariton na puno ng prutas ay palaging nakaparada sa may kanto kung saan ay maraming tao ang dumadaan.  Sa tinagal-tagal ng panahon ay marami na siyang naging suki at kasama na dito ay ang mga honeybees.

Karamihan sa mga documentary shows na napapanood ko na tunggol sa mga honeybees ay ipinapakita nila ang pagkuha ng mga ito sa nektar ng mga bulaklak.  Ipinapakita doon kung papaano nila ituro ang direksyon sa iba pa nilang mga kasamahan at ilang saglit pa ay marami na silang sumusugod sa lugar na iyon.  Sadyang nakakagilalas ang paraan ng kanilang komunikasyon sa bawat isa.  At ang ginagamit nilang guide sa kanilang paglipad ay ang posisyon ng araw.

Sa madalas kong pagtambay sa kabarkada kong nagtitinda ng mga prutas ay palaging napapansin ko ang maraming honeybees na dumadapo doon kapag ang tinda niya ay pinya o pakwan.  Ang mga balat ng tinalupan niyang pinya o pakwan ay siyang pinagpipiyestahan ng mga honeybees na ito.  Hindi lang pala sila sa mga bulaklak kumukuha ng nektar kundi maging sa mga prutas kagaya ng pinya at pakwan.  Sa tuwing may dumadapong honeybee sa balat ng tinalupang pinya o pakwan ay tuwang-tuwa naman ako lalo na kapag nakakakuha ako ng close up shot sa kanila.  Sa kabutihang palad ay hindi pa naman ako natutusok ng karayom nila.  Hehe.

Wednesday, March 12, 2014

Bata sa Libingan

Sa aking pag-iikot sa loob ng libingan ay may nakita akong bata na pagala-gala rin.  Nag-iisa lang siya at marahil ay na-curious din kung ano ang ginagawa ko.  Taga-kabilang bakod lang pala siya ng libingan at meron daw isang lagusan mula sa kanilang tinitirhan papasok ng libingan.  Madalas daw silang gumagala dito at ito na ang kanilang ginagawang palaruan.  Napa-elibs naman ako sa batang ito at hindi natatakot gumala mag-isa sa loob ng libingan.  Habang ako ay panay ang kabog ng dibdib ko dahil sa takot na idinidikta ng isip kong mapaglaro, ang batang ito naman ay kampante na gumagala dito kahit mag-isa lang siya.  Hindi ko man lang siya nakitaan ng pagkatakot o pangingilag.

Dahil sa presensiya ng bata ay medyo lumuwag ang dibdib ko at nawala ang kaba ko.  Habang nag-iikot kami ay nakabuntot siya at panay ang tanong din sa akin.  Sa aming kakagala sa loob ng libingan ay nagsulputan ang iba pa niyang mga kasama.  Hindi ko tuloy maiwasang mangiti at mapabilib sa mga batang ito.  Ginawa na nilang parte ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang loob ng libingan na ito.  Halos araw-araw daw silang namamalagi at naglalaro dito dahil tahimik at walang nakikialam sa kanila.  

Sabagay, kung hindi naman talaga i-program sa isipan natin na dapat nating kakatakutan ang isang lugar ay hindi naman talaga ito nakakatakot.  Meron pa ngang mga sementeryo na ginagawang tirahan na ng ating mga kakabayan at sa mismong tabi o ibabaw pa sila ng nitso natutulog.  Minsan, kung saan ka pwedeng mabuhay kahit na kapiling mo ang mga patay ay gagawin mo para lang maka-survive.

Tuesday, March 11, 2014

Turon

Kapag simple lang ang pamatid-gutom mo at hindi ka naman masyadong pihikan, sa halagang 5 o 6 pesos ay makakaraos ka na.  Takbo ka lang sa may kanto ay tiyak may nagtitinda na ng turon.

Madali lang naman kasi gawin ang turon.  Isa o dalawang piraso na maninipis na hiwa ng hinog na saging na saba, sabay sasamahan ng kapiranggot na strip ng hinog na langka, ibabalot sa lumpia wrapper, ilulublob sa kumukulong mantika, at bubudburan ng asukal. Ilang sandali lang ay may mainit at masarap na turon ka na.

Kadalasan ay isa o dalawang order ng turon ay busog ka na.  Mabigat kasi sa tiyan ang saging na saba.  Tapos ang bawat pagkagat mo ay susundan mo ng inum ng tubig.  Sigurado, panalo ka sa kabusugan sa murang halaga lang.

Monday, March 10, 2014

Ligawan

Ang isa daw sa pinaka-best part ng isang relationship ay ang pagliligawan.  Sa pagliligawan ay mae-experience natin ang lahat ng kilig at kasiyahan na siyang nagpapakabog ng ating puso.  Lahat na ata ng mga masasayang sandali at alaala ay laging nagsimula sa ligawan.  Kaya nga nauuwi sa totohanang relasyon ang namamagitan sa dalawang taong nag-iibigan dahil malamang ay naging maganda ang takbo ng kanilang pagliligawan.

Iyon nga lang at kapag tumatagal na ang relasyon ng magsing-irog, ang ligawang nangyari dati ay unti-unti nang nababawasan.  Para bang habang tumatagal ay nababawasan na rin ang kilig.  Siguro dahil kayo na nga at ang susunod na stage ay makilala pa ng todo ang isa't-isa.  At ang masaklap pa ay dumadating ang panahon na ang mga nakagawian na mga ligaw styles dati ay tuluyan nang naglaho.

Ganoon talaga siguro ang isang relasyon.  Maraming mga stages ang pinagdadaanan at patuloy na pinagdadaanan.  Wala kasing kasiguraduhan ang lahat at dapat ay patuloy itong magawan ng paraan ng bawat isa na panatilihin itong exciting at masaya para mas lalo pang tumibay ang samahan.  Pero iyon nga, ang pinakaunang stage kung atin lang babalikan ay siyang pinakamasaya at pinakakilig sa lahat.  Malamang kung kaya nating ma-maintain ang ganitong stage ng ating relasyon kahit na tumanda na tayo ay tiyak na ang bawat araw na lumilipas ay puno pa rin ng kilig at sweetness.  Hehe.  Cheesy moment ito.

Sunday, March 9, 2014

Binyag

Kumakailan lang ay dumalo ako sa isang binyag kung saan ay inimbitahan ako.  Akala ko ay bisita lang ako subalit instant ninong pala ako.  Haha.  Ang galing ng kumpare ko at doon lang sinabi na ninong daw ako.

Sa okasyong iyon ay nagkita-kita kami ng mga matagal ng kaibigan at kakilala.  Isa ito sa mga okasyon na pwede kaming magkasama dahil na rin abala ang bawat isa sa trabaho at iba pang mga personal na dahilan.  At sa tuwing magkikita ay maraming mga alaala ang siyang bumabalik at paulit-ulit na pinagkukuwentuhan.

Mapalad siguro tayo na magkaroon ng mga kaibigan na maituturing natin na yaman ng ating buhay.  Kahit na lumipas pa ang mahabang panahon at kahit na hindi madalas ang pagkikita, kapag dumadating ang mga espesyal na sandali sa buhay ng isa't isa ay nagtitipon ang lahat para dumalo.  Isa itong bagay na bumubuo at nagpapanatili ng isang matibay na samahan.

Sa aking mga kaibigan, salamat sa pambihirang pagkakataon na ito at ganoon na din sa patuloy na pagpapahalaga at pagpapaalab sa ating samahan at pagkakaibigan.    

Saturday, March 8, 2014

Spaghetti

May kasabihan na ang pancit daw ay pampahaba ng buhay.  Kaya ang pagkain na ito ay madalas na nakikita natin sa mga hapag-kainan.  Pero may narinig na ba kayong ang spaghetti ay pampahaba din ng buhay?  Haha.

Dahil sa impluwensiya ng mga Tsino kaya't nakahiligan at inadopt na rin natin ang maraming aspeto ng kanilang kultura at kasama na nga dito ang pagkain ng pancit.  Dahil sa mahahabang hibla ng pancit ay pinaniniwalaan ng mga Tsino na pampahaba ito ng kanilang buhay.  Pero ang paniniwalang ito ay tanging sila lang ang nagpapalaganap.

Sa paglipas ng panahon ay naiimpluwensiyahan na rin tayo ng kulturang kanluranin.  Pati ang pagkaing kanluranin ay swak na rin sa ating panlasa.  At sino nga naman ang tatanggi kapag spaghetti na ang kakainin?

Kung ang pancit ay pampahaba ng buhay dahil sa mahabang hibla nito, bakit hindi natin nakaringgan na ganoon din ang spaghetti?  Dahil ba ang  pancit ay gawang Tsino at ang spaghetti ay galing sa mga puti?  Kailan kaya isasali ng mga Tsino ang spaghetti sa kanilang listahan ng pagkain bilang pampahaba ng buhay?  Wala pong magagalit at simpleng nagtatanong lang. :)