Friday, February 28, 2014

Langaw

Bakit nga ba ginawa ang langaw kahit na ang turing natin dito ay isang peste?

Minsan ay napadaan ako sa isang tambakan ng basura sa may tabing kalsada.  Ang makulit na kasama ko ay binulabog pa ang mga langaw na kasalukuyang nagpipiyesta sa mga nabubulok at mabahong basura na nandoon.  Bad trip ika nga dahil biglang nagliparan ang mga langaw at tumakbo kaming papalayo sa bahaging iyon ng kalsada.  Haha.  Baliw talaga ang kasama kong iyon.

Ang isang logical na naisip ko kung bakit ginawa ang langaw ay para ipaalam sa atin na marumi ang ating paligid dahil sa basurang ating ikinakalat.  Siguro ito marahil ang purpose ng mga langaw na kahit hindi man sila nagsasalita ay ipabatid sa atin na kailangan nating linisin ang ating kapaligiran.  Nandidiri man tayo sa kanilang presensiya ay wala tayong magagawa dahil sa ating kapabayaan kaya't sila ay dumadami at naghahatid pa ng sakit.  Malamang kung alam natin ang salitang madumi, dugyot, at nakakarimarim ay pwede din tayong matawag na langaw kapag nagiging pabaya na tayo at nagiging sanhi tayo para dumumi ang ating kapaligiran.  Kaya't kung matawag kang langaw ay alam mo na kung anong klaseng tao ka.

Thursday, February 27, 2014

Halo-halo

Kapag dumadating na ang panahon ng tag-init ay muling magsusulputan ang mga halo-halo carts sa bawat kanto.  Patok kasi itong pamatid uhaw.

Doon sa may kanto, malapit sa bahay, may paborito akong bilihan ng halo-halo.  Paano ba naman, kalahati ng baso ay sari-saring mga ingredients ang kanilang inilalagay.  Ang kalahati nito ay kinayod na yelo na.  Pagkatapos ay may toppings pa na minatamis na langka, ube, at leche flan.  O, laban ka?  Hehe.  Tapos, kapag bitin ka sa gatas ay pwede ka pang magrequest ng additional na gatas for free.  Pwede ding haluan mo pa ng asukal kung talagang adik ka sa matamis.  Panalo ang halo-halo ng suki ko sa halagang 20 pesos lang.

Ang galing nga ng nakaisip nito.  Basta lahat ng mga minamatamis na pagkain ay pwedeng maging sangkap ng halo-halo.  Sa probinsiya namin, ang red beans ay ginagawa naming gulay na gaya ng monggo.  Pero pagdating dito sa siyudad ay pang merienda ang turing nila dito.  Hindi pa nga ako nakakita ng kainan o karinderya na nagluluto ng red beans bilang gulay.  Kapag galing kami ng probinsiya ay kadalasang may mga dala kaming iba't ibang klaseng beans.  At kung magluto kami nito na kasama ang ibang gulay, ang akala ng mga kapitbahay namin na inaabutan namin ng lutong gulay ay pang merienda ito dahil sa presensiya ng red beans.  Hehe.

Balik tayo sa halo-halo.  Minsan ay tinanong ko ang suki ko kung bakit may ritwal siyang sinusunod sa paglagay ng mga sangkap.  Bakit dapat mauna ang ganito at huli ang ganoon?  Bakit kailangang may toppings pa kung hahaluin din naman tapos bababa ang toppings kasama ang iba pang mga sangkap?  Nabigla ata ang suki at hindi inaasahan ang tanong ko.  Nangiti na lang siya sabay sabi ng "basta" kasi iyon na ang nakasanayan niya.  Hehe.  I rest my case na lang at baka hindi na ako makalibre ng dagdag na sangkap sa halo-halo ko sa mga susunod pang pagkakataon.  Haha.

Wednesday, February 26, 2014

10

Simpleng kababawan lang ng trip kung bakit nakuhaan ko ito ng picture.  Kasalukuyang nakapaikot sa mesa ang mga kasamahan ko at meron silang binubuting na kung ano at sa paglingon ko sa kanila ay ito agad ang napansin ko.

Kung ikaw ang papipiliin, ano ang mas trip mo - payatot o sobrang taba?

May mga tao na kahit anong gawin nila ay sadyang maliit ang built ng kanilang katawan.  Ang biro nga ng iba ay may bulate sila sa katawan dahil hindi sila tumataba.  Kahit na sabihing matakaw naman sila kumain ay hindi talaga sila tumataba.  

May mga tao ding walang kahirap-hirap magpataba.  Kahit na kaunti lang ang kanilang kinakain ay mabilis na lumubo ang kanilang katawan.  Meron din naman na sadyang ganado lang kumain at ito na ata ang kanilang favorite past time, ang kumain.

Sabi nga, hindi naman importante kung payat ka o mataba.  Ang mahalaga ay kumportable ka sa katawan mo, hindi mo ito ikinakahiya, at higit sa lahat ay wala kang sakit.  Iyon nga lang ay dapat medyo maghanap ka rin ng isang ka-partner na hindi masyadong magkakalayo ang built ninyo dahil kapag matulad kayo sa mga taong nasa litrato, palagi kayong magmumukhang 10 tingnan.  Hehe.

Tuesday, February 25, 2014

Sa Monumento ni Ninoy

Minsang napagawi ako sa monumentong iyon ni Ninoy sa may QC.  Maganda ang pagkagawa ngunit parang hindi kamukha ni Ninoy ang estatwa doon.  Palaging maayos at malinis ang harapan ng bantayog na iyon.  Pero napa-ngeee ako nang makita ko ang likuran ng bantayog na iyon.  Lalo na kapag dumating ang takipsilim.  Ginagawang hang-out o tulugan ng mga taong nakatira sa kalye ang likurang bahagi nito.  Kahit na nasa gitna sila ng kalsada ay wala silang pakialam sa mga taong dumadaan doon.  Ang importante ay meron silang matutulugan.

Wala naman ako sa posisyon para husgahan ang mga taong tumatambay doon.  Malamang ay nagpupumilit lang din silang makisabay sa agos ng buhay sa siyudad para sila at ang kanilang pamilya ay mabuhay din.  Dahil sa mahal ng upa sa mga bahay, ultimong parang kahon ng posporo sa laki ay mahal ang upa, sadyang isang malaking ginhawa sa kanila ang magkaroon ng ganitong lugar para man lang makapagpalipas ng gabi at ng kanilang antok.  Pero imagine na lang kung ang bawat makikipagsapalaran sa Maynila ay ganito ang gagawin.  Ang mga public places ay gagawin nilang kanilang tulugan at pahingahan.  Tiyak isang napakalaking problema ito para sa gobyerno natin.  At malamang kung buhay si Ninoy at makita niya ang natutulog na isang ito sa pampublikong lugar at sa kanyang bantayog pa mismo, masasabi pa kaya niyang "The Filipino is worth dying for?"

Monday, February 24, 2014

McDo Coffee Float

Buti na lang at nauso ang coffee float.  Kahit hindi kami magkita ng kape ay okay lang.  Eto iyong tipo n a kahit hindi kami magkita o magkasalubong ay hindi ko siya mamimiss.  Hehe.

Dahil mahilig ako sa sweets ay hindi ko nakahiligan ang uminum ng kape.  Pero kapag choco drink ang ibibigay mo sa akin, tiyak abot-tenga ang ngiti at todo ang pasasalamat ko.  Pag kape naman ay pass ako diyan.

Nang mauso ang coffee float, mas gusto kong inumin ang kape na malamig tapos may choco syrup.  One time ay pinalagyan ko ang aking order ng kaunting yelo.  Ayun, sobrang pait.  Haha.  Ang tapang pala ng kape ng McDo.  Parusa tuloy ang aking bawat pag-inum dahil ang pait to the max.  Kaya pala pag naglagay sila ng yelo ay halos kalahati ng baso.  Style kaya nila iyon para dumami ang benta nila?  Hehe.  Nagtatanong lang po.

Nang sumunod na pagbili ko ng coffee float ay nagrequest ako sa counter na dadagdagan ng choco syrup.  Mabuti at mabait ang nasa counter at pinagbigyan naman ako.  Ayun, nasa alapaap na naman ako dahil sa sarap.  Talagang masasabi kong lab ko kahit papaano ang coffee float ng McDo.

Sunday, February 23, 2014

MacArthur Landing Site

Mayo 2013 ang huling bisita ko sa Leyte.  Mabuti na lang kamo at hindi ako bumalik doon noong bagyong Yolanda at kung nagkataon ay tiyak isang malaking bangungot ang inabot ko.  Pero naranasan ko rin ang bagsik ni Yolanda dahil inabot din kami ng signal number 4 sa probinsiya pero hindi ganoon katindi ang inabot naming pinsala.

Noong nandoon ako sa Leyte ay nagkaroon kami ng pagkakataon na maligo sa dagat na katabi lang ng landing site na ito.  Dahil bago sa lugar ay inikot ko ito at napadpad nga kami sa shrine ni MacArthur.  Siyempre pa at mga bata ang kasama ko, excited silang magpakuha ng picture kahit na taga doon din sila.

Mabilis na lumusong ang mga bata sa mga higanteng rebulto nina MacArthur.  Maya't maya pa ay sinita na kami ng isang tao.  Hindi naman siya pulis o anumang kawani ng gobyerno.  Siya ay isang photographer na rumaraket sa lugar.  Bawal daw lumusong doon at kailangan mo ng bota para makalusong at para daw hindi dumumi ang tubig na ng mga sandaling iyon ay nilulumot na at may mga basura na rin sa paligid.  Haha.  Natawa na lang ako sa kanyang paninita dahil nga nakakaraket siya sa pagpapahiram ng mga bota at sa pagkuha ng mga litrato ng mga bisita doon.  At katulad ng dati,  nagpanggap na lang ako na hindi ko siya naiintindihan at deadma na lang kung ano man ang sinasabi niya.  Wala din namang siyang nagawa at kaagad din naman kaming umalis pagkatapos magpakuha ng pictures.  Kung baga e, para-paraan lang iyan.  Hehe.

Saturday, February 22, 2014

Deds

Minsan ay nakakita ako ng mga taong nagkakagulo.  Pagkababa ko pa lang ng jeep ay maraming mga tao ang nakapalibot sa kung ano man iyon sa gitna ng kalsada.  Nakiusyuso din ako at narinig ko sa mga miron na meron daw isang lalakeng estudyante na nasaksak ng holdaper dahil ayaw ibigay ang kanyang celphone.  Nakipag-agawan daw siya sa holdaper kaya't ang ending ay nasaksak siya at namatay.  Ang kanyang celphone ay natangay din.

Dahil dala ko ang aking kamera ay gusto kong lumapit at makita ang nakabulagta sa gitna ng kalsada kung saan ay maraming nakapaligid na mga tao.  Gusto kong makuhaan ito ng litrato ala using-reporter kuno.  Haha.  Mga ilang hakbang papalapit sa pinangyarihan ng aksidente ay biglang pihit na agad ang mga paa ko.  Nakita ko agad ang itim na pares na mga sapatos ng biktima at agad na nabulabog ang utak ko sa posibleng kakahinatnan ko.  Malamang kung makuhaan ko ito ng litrato ay hindi ako makakatulog ng madaming mga gabi.  Haha.  Eto ang madalas kong problema kapag patay na ang usapan.  Patay kang bata ka pagdating na ng gabi at oras nang matulog.  Ang mukha kasi ng patay, lalo na kapag hindi ko kakilala o hindi malapit sa akin, ay nananatiling nakarehistro sa isipan ko ng mahaba-habang panahon.  Kaya ayun, hindi na ako nagmatapang pa.  Diretso uwi na lang para wala na akong poproblemahin sa aking pagtulog.