Malas nga ba talaga ang number 13 lalo na kapag dumadating ang Friday the 13th? Sino ba ang nagpauso nito at pati tayo ay nakikiayon din? Meron ka bang karanasan na masasabi mong talagang malas nga ito?
Ang ating pang-araw-araw na buhay ay puno ng karanasan. Minsan, ang mga karanasang ito, mabuti man o hindi, ay binibigyan natin ng kahulugan o simbulo. Minsan, may mga paniniwala at tradisyon ang ibang mga tao na pilit din nating sinusunod kahit na hindi naman natin alam at nasaksihan ang puno't dulo ng kanyang pinaniniwalaan. Ang sabi nga ay wala namang masama kung sumunod ka na lang.
Kung talagang malas ang number 13 ay sana tinanggal na rin ito sa listahan ng mga numero. Kung may kakaibang sumpa man ang meron sa numerong ito ay sana hindi na ito ipapagamit kailan man. Kadalasan ay wala kang makikitang number 13 sa elevator, bahay, numero ng kuwarto, at iba pang mga bagay na may kinalaman sa komersiyo. Sadyang napakalaking impluwensiya ng numerong ito para tayo't matakot at mangilag dito.
Pero kung talagang matatag at buo ang ating paniniwala sa may Dakilang Lumikha, wala tayong mga numero at iba pang mga bagay na dapat kakatakutan. O sadyang nakaprogram na sa ating pagkatao na meron tayong iba't-ibang mga bagay na pinapaniwalaan maliban sa ating Panginoon na siyang may likha ng lahat. Dahil ang paniniwala ko ay walang nilikha ang ating Panginoon na malas. Tayong mga tao lang ang nagpapauso ng kamalasang ito.