Sa aming probinsiya ay tinatawag ang lutong ito na paksiw na tulingan. Pero dito sa Manila ay sinaing na tulingan naman ang turing.
Hindi ako mahilig sa suka. Ewan ko ba at masyadong suplado ang taste bud ko kapag ang pagkain ay may suka na. Sobrang napapangiwi ako at para bang ayaw pumasok sa lalamunan ko ang bawat isinusubong pagkain kapag may suka ito. Ang ending tuloy ay kapiranggot lang ang aking nakakain kapag may suka na ang ulam. Haha. Siguro mainam itong pampapayat para sa akin.
Kapag panahon ng tulingan sa aming probinsiya, asahan mong simula agahan hanggang hapunan at hanggang sa mga susunod pang mga araw ay halos tulingan ang ulam ng karamihan ng mga tao sa amin. Mura kasi ang bentahan at talagang ikaw na lang ang magsasawa sa kakakain ng tulingan.
Kadalasan ang luto ng tulingan sa amin ay sinaing na tulingan na may halong suka. Yaiks. Heto na naman ang parusang ulam para sa akin. Kaya't sa pagtagal ng panahon ay natuto akong mag-improvise ng ulam na ito. Ang solusyon? Piniprito ko ito.
Wow! Hanep sa sarap. Nawawala ang lasa ng suka kapag ito ay piniprito at talagang malasang-malasa ang karne ng isda. Lalo na kapag crunchy at bagong luto, talagang marami akong nakakain at ga-munggo pa ang mga pawis ko. Ang sarap tuloy magkamay kapag ganito ang ulam ko. Kaya't ayun, hinayaan ko lang silang magluto ng sinaing na tulingan at kapag luto na, pritong version naman ang gagawin ko. Hehe. Para-paraan lang iyan pag may time at para makakain.
No comments:
Post a Comment