Thursday, February 20, 2014

Old Skul

Ang nanay namin ay napapabilang sa old skul.  Maraming mga bagay-bagay ang kanyang sinusunod at mayroon din siyang mga paniniwala na siyang kinagisnan niya.  Minsan ay masarap mag-usisa pero gaya ng mga nakaugalian noong unang panahon, ang kanilang motto ay basta sumunod ka na lang at wala namang mawawala sa iyo.  Hindi na raw kailangang magpaliwanag pa dahil para naman sa ikakabuti ng lahat.  Hehe.

Minsang naospital si nanay at nagkaroon ng major operation.  Siyempre pa ay aligaga kaming lahat kasi hindi naman sanay maospital iyon at may kaba kami kasi nga may nerbiyos ang tao.  Sa awa naman ng Diyos ay matiwasay siyang nakaraos at hindi rin nagtagal ay gumaling siya.

Habang naka-confine siya sa ospital ay dinalhan ko siya ng isang bouquet ng puting rosas.  Hala!  Biglang umayaw siya sa mga bulaklak na dala ko.  Ang sabi niya ay hindi pa raw siya patay para dalhan ng bulaklak.  Hehe.  Iba talaga ang paniniwala ng nanay namin.  Ang sabi ko naman ay sa buhay ibinibigay ang mga bulaklak para ma-appreciate nila ito at hindi sa patay.  Ano naman ang gagawin  ng patay sa bulaklak?  Malamang ay hindi nabigyan ng yumao naming tatay ng bulaklak ang nanay namin kaya't ganoon na lang ang pag-ayaw niya sa dala ko.  O baka naman ay ganoon talaga ang mga paniniwala sa amin na kapag may dala kang isang bouquet ng bulaklak ay dapat pang patay lang ito.  Maya't-maya pa ay nagsabi siya na ialay na lang daw ito sa simbahan.  Haha.  Ang ending, wala din naman siyang nagawa at nandoon lang ang bulaklak sa ibabaw ng mesang katabi ng kanyang hospital bed hanggang sa siya ay makalabas ng hospital.

May kanya-kanya talaga tayong paniniwala at kapag embedded na ang paniniwalang ito sa isang tao ay mahirap nang mabago.  Kahit na ano pang paliwanag ang gagawin mo ay pahirapan talagang magbago ang pananaw niya at talagang mahirap itong magbago pa.  Kahit pa nga may mga paliwanag doon sa mga paniniwala nila ay sadyang nakatuon pa rin sila sa kanilang old skul na nakagisnan.  

Happy birthday nga pala sa nanay ko.  Nagdiriwang siya ng kanyang 82nd birthday ngayon.  Maligayang kaarawan, mahal naming Nanay.

No comments:

Post a Comment