Thursday, February 27, 2014

Halo-halo

Kapag dumadating na ang panahon ng tag-init ay muling magsusulputan ang mga halo-halo carts sa bawat kanto.  Patok kasi itong pamatid uhaw.

Doon sa may kanto, malapit sa bahay, may paborito akong bilihan ng halo-halo.  Paano ba naman, kalahati ng baso ay sari-saring mga ingredients ang kanilang inilalagay.  Ang kalahati nito ay kinayod na yelo na.  Pagkatapos ay may toppings pa na minatamis na langka, ube, at leche flan.  O, laban ka?  Hehe.  Tapos, kapag bitin ka sa gatas ay pwede ka pang magrequest ng additional na gatas for free.  Pwede ding haluan mo pa ng asukal kung talagang adik ka sa matamis.  Panalo ang halo-halo ng suki ko sa halagang 20 pesos lang.

Ang galing nga ng nakaisip nito.  Basta lahat ng mga minamatamis na pagkain ay pwedeng maging sangkap ng halo-halo.  Sa probinsiya namin, ang red beans ay ginagawa naming gulay na gaya ng monggo.  Pero pagdating dito sa siyudad ay pang merienda ang turing nila dito.  Hindi pa nga ako nakakita ng kainan o karinderya na nagluluto ng red beans bilang gulay.  Kapag galing kami ng probinsiya ay kadalasang may mga dala kaming iba't ibang klaseng beans.  At kung magluto kami nito na kasama ang ibang gulay, ang akala ng mga kapitbahay namin na inaabutan namin ng lutong gulay ay pang merienda ito dahil sa presensiya ng red beans.  Hehe.

Balik tayo sa halo-halo.  Minsan ay tinanong ko ang suki ko kung bakit may ritwal siyang sinusunod sa paglagay ng mga sangkap.  Bakit dapat mauna ang ganito at huli ang ganoon?  Bakit kailangang may toppings pa kung hahaluin din naman tapos bababa ang toppings kasama ang iba pang mga sangkap?  Nabigla ata ang suki at hindi inaasahan ang tanong ko.  Nangiti na lang siya sabay sabi ng "basta" kasi iyon na ang nakasanayan niya.  Hehe.  I rest my case na lang at baka hindi na ako makalibre ng dagdag na sangkap sa halo-halo ko sa mga susunod pang pagkakataon.  Haha.

No comments:

Post a Comment