Thursday, September 4, 2014

Spiderman

Hindi totoong isang photographer si Spiderman.


Siya ay nagtatrabaho bilang isang ...


Web Developer. ;)

Tuesday, August 26, 2014

Sex

Ano ang tagalog ng sex?

Kasarian ...
Pagtatalik ...
Anem

Kung ang tagalog ng six ay anim, ang tagalog ng sex ay anem.

Monday, August 25, 2014

Butiki

Ang mga bahay sa siyudad ay hindi masyadong binabahayan ng mga butiki.  Sa probinsiya ay talaga namang sobrang talamak sa dami ng butiki.  Ang sabi nga ay nag-aadjust daw ang kulay ng butiki sa kulay ng bahay.  Hindi ko lang din masabi kung totoo nga ito dahil hindi naman hunyango ang mga butiki.  Kung sakaling totoo ito ay masarap sigurong pinturahan ang bahay ng iba't ibang kulay kada buwan para ang mga butiki ay mag-iiba din ng kulay.  Haha.

Ilan na nga ba sa atin ang nakakakita ng mga butiking nagtatalik?  Haha.  Hinayupak na tanong ito.  Pati ba naman pribadong buhay at gawain ng mga hayop ay dapat pang pagkaabalahan natin?  Malamang ay marami pa rin sa atin ang hindi nakakakita ng eksena ng mga butiki gaya ng nasa litratong ito.  Hala!  Baka naman aabangan niyo ang mga butiki sa bahay niyo na magtalik tapos magtatalon kayo sa tuwa sabay sabi ng "Yes! Na-witness ko na rin ang pagtatalik nila."  Haha  Para kang timang kung sakaling mangyari iyon.

Masarap sigurong isipin at ma-experience ang ginagawang ito ng mga butiki.  Haha.  Baka iba ang tumatakbo sa isipan niyo.  Ang ibig kong sabihin ay ang abilidad ng mga butiki na kumapit. Isipin na lang natin na kaya din nating kumapit kagaya ng mga butiki.  Ang sarap sigurong lumambitin kasabay ng iyong katalik.  At kahit na nasa kisame na kayo nakakapit ay tuloy pa rin ang ligaya.  Haha.

Friday, August 22, 2014

Puto

Kung ang puto ay lalake, ano ang tawag sa babae nito?  Haha.  Malamang ay bigla kang ngumiti o di kaya'y tumawa sa joke na ito.  At malamang sa hindi ay biglang pumasok sa utak mo ang isang berdeng pag-iisip.  Haha.  Kung aaminin mo na naging malikot nga ang iyong pag-iisip ay isa ka pa ring normal na tao.

Sino nga ba naman ang hindi nakakakilala ng puto at malamang ay nakatikim ka na rin ng puto.  Patuloy ngang dumadami ang lahi ng puto dahil habang tumatagal ay lalong nagiging malikhain ang panlasa nating mga Pinoy.  Kapag umuuwi ako sa amin ay merong gumagawa doon ng puto na talaga namang sobrang sarap ang pagkagawa.  Wala itong halong keso o itlog na maalat.  Ang ginagawa nila ay regular na puto lang pero nagiging espesyal ang lasa nito.  Siguro nga minsan ay aalamin ko ang sekreto ng kanilang timpla kung bakit ito nagiging masarap.

Pero teka lang.  Lumayo na ako doon sa una kong tanong.  Ano nga ba ang babaeng katapat ng puto?  Sirit na ba?  Ang sagot ay kutsinta o bibingka.  Haha.  Kaya nga madalas pinagsasama ang puto at kutsinta dahil magpartner sila.  

Wednesday, August 20, 2014

Hipon

Hipon sa salitang kanto ay tapon ang ulo at iwan ang katawan.  Madalas itong nagiging joke sa mga taong hindi daw kaaya-aya ang mukha pero maganda ang katawan, mapalalake man o babae.

Ang ibang mga tao ay sadyang matalim ang tabas ng kanilang dila para magbitaw ng ganitong klaseng biro.  Wala silang pakundangan kung meron silang masasaktan.  Hindi nila isinasaalang-alang ang magiging damdamin ng ibang tao.

Ang bawat society ay may kanya-kanyang pamantayan kung ano ang maganda at pangit.  Ang mga pinoy daw ay likas na matabil ang dila at sadyang malakas kung makapintas ng kanyang kapwa.  Ang iba sa atin ay hindi na marunong magpasintabi at kadalasan ay mas nakikita pa natin ang kapintasan o kakulangan ng isang tao lalo na kapag hindi natin ito kilala ng personal.  

Lahat ng tao ay may kapintasan.  Sana kung ano ang kapintasan ng ibang tao na ating nakikita ay wag na nating ipagsigawan pa.  Hindi naman natin kawalan kung may kapintasan ang isang tao kung atin pa itong ipagsigawan sa buong mundo.  Bakit big deal para sa iba sa atin na tawanan o hamakin ang kapintasan ng ibang tao?  Mas magiging masaya ba tayo o mas magiging angat ba tayo kung pagtawanan o hamakin natin ang kapintasan ng iba?  Hindi ba ipinapakita natin na mal-edukado tayo at hindi kanaisnais ang ating pag-uugali at personalidad kung sakali mang maging sobrang taas ng tingin natin sa ating sarili para maging mas mababa ang ibang tao?

At higit sa lahat, bilang isang mabuting Kristiyano, nakalimutan na ba natin na ang bawat isa sa atin ay nilikha na kamukha at kawangis ng ating kinikilalang Panginoon Diyos.  Kung pagtatawanan at hamakin natin ang ating kapwa, hindi ba na nilalait din natin ang siyang Dakilang Lumikha?  Isip-isip din pag may time, mga tol.

Pasaway

Habang binabagtas ng sasakyan ang daan patungo sa pinapasukan ko ay nagmamasid ako sa aming dinadaanan.  Para hindi maburyo sa mabagal na usad ng sasakyan ay mas maige pang manood ng mga kaganapan sa paligid kesa sa maging aburido.

Nakuha ang aking atensiyon ng isang tusok-tusok stand kung saan ay may mga parokyanong nag-eenjoy ng kanilang fishball at kikiam.  Kahit tanghali na ay hindi ko alam kung almusal nila ito o merienda.  Mabuti pa sila at kahit papaano ay may laman ang kanilang sikmura.  Nakasanayan ko na kasi na hindi nag-aalmusal pero bumabawi naman ako ng pagkain habang nasa trabaho.

Ayun at napako nga ang aking mga mata sa kanila.  Sa lugar kung saan nakahimpil ang tusok-tusok stand at kasama ang ilang mga parokyano ay may mga iilang piraso na ng bamboo sticks na nakakalat sa bangketa.  Hindi ko tuloy maiwasang tanungin ang sarili ko kung ilang bamboo sticks pa kaya ang madadagdag sa buong araw at habang nandoon ang tusok-tusok stand na iyon.  Nakita kong meron namang basurahan na isang hakbang lang mula sa tusok-tusok stand na iyon.  Pero bakit may mga kalat pa rin?

Maraming mga kababayan natin ang pasaway at walang patumanggang nagkakalat sa paligid.  Ewan ko kung anong klaseng pag-iisip at disiplina ang meron sila at 'by their convenience' silang nagkakalat.  Kahit na may tamang tapunan naman sa kanilang tabi ay tila ba invisible ang basurahan at parang wala lang sa kanila na ihulog ang kanilang basura sa bangketa at kalye.  Ang resulta tuloy ay ang hindi kaaya-ayang hitsura ng bangketa dahil sa naiipong mga basura na pwede pang magresulta sa mas malaking problema gaya ng pagkabara ng daluyan ng tubig at sa kalaunan ay magbabaha sa lugar na iyon.

Sana ay magkaroon ng tamang disiplina ang mga pasaway nating kababayan at sana ay maisip nilang ang simpleng pasaway nilang gawain nang hindi pagtatapon ng kanilang basura sa tamang lugar ay mas malaking perwisyo ang posibleng maiidulot nito.  

Monday, August 18, 2014

Bird Romance

Nagbakasyon ako sa kapatid ko sa isang probinsiya.  Dahil talagang probinsiya ay maraming mga puno pa dito at ang likuran ng bahay nila ay taniman ng gulay, mais, at palay.  Minsan ay may nasumpungan akong isang ibon na tipong cool ang dating sa pagkadapo nito sa ibabaw ng isang maliit na poste ng kawayan.  Kahit na matagal na akong nakadungaw sa bintana ay wala siyang pakialam sa akin at baka alam niyang hindi ko naman siya maaabot dahil ilang dipa din ang layo ng bintana mula sa kanyang puwesto.

Pagkatapos ng mahabang panahon, kahit na ilang beses na akong nagbabakasyon sa kapatid ko, recently ko lang muling nasumpungan ang klase ng ibon na iyon.  

Pupungas-pungas pa akong gumising ng bandang alas-otso ng umaga.  Malamig kasi ang hangin dahil Disyembre na.  Kapag ganitong panahon kasi ay talagang nagsisimula nang lumamig ang gabi hanggang umaga, lalo na sa isang probinsiya.  Kakatayo ko pa lang ng higaan at medyo antok pa talaga ako.  Pagkaupo ko sa sofa ay napatingin ako sa bintana dahil may lumilipad sa tapat nito at paulit-ulit.  Hindi ako umaalis sa aking kinauupuan at talagang inaabangan ko ang muling pagdaan ng lumilipad na iyon.  Nang bahagya akong umusog ng upo ay nakita kong merong ibon na katayo sa isang sanga at para siyang tuwang-tuwa na halos nagtatalon sa kanyang pagkakatayo sa sanga at humuhuni siya ng paulit-ulit din.  Pagkatapos ng ilang sandali ay muli na naman siyang lumipad at patuloy na bumabalik sa parehong puwestong iyon ng sanga.  Sa aking nakita ay biglang naalala ko ang napanood ko dati sa animal planet.  Ang ritwal na iyon ng ibon ay kapareho ng mga ibon na nagpapakitang gilas sa kanyang kapareha.  Iisa lang ang ibig sabihin ng tagpong iyon.  Nanliligaw ang ibong nakita ko na paulit-ulit na lumilipad sa tapat ng bintana.

Para makasiguro na tama nga ang hinala ko, marahan akong umusog ng upo at nakita ko nga ang isa pang ibon na nakapuwesto naman ng halos isang metro lang ang layo sa una kong nakitang ibon.  Kung ano ang gawain ng unang ibon ay siya rin palang ginagawa ng pangalawang ibon.  Hindi ko lang agad nakikita ang pangalawang ibon dahil halos nasa gilid at ibabang bahagi na ito ng bintana nakapuwesto.

Medyo matagal din silang nagliligawan at paulit-ulit ang kanilang mga huni, paglipad, at mga senyas sa isa't isa.  Kalaunan ay bigla na lang silang nawala sa sanga at medyo nagkakagulo na sa mga dahon ng puno dahil para na silang naghahabulan o naglalampungan.  Ayos na ang umaga ng dalawa.  Kung baga ay solve na ang kanilang early morning ligawan na nauwi sa lambingan.  Hehe.