Wednesday, August 20, 2014

Hipon

Hipon sa salitang kanto ay tapon ang ulo at iwan ang katawan.  Madalas itong nagiging joke sa mga taong hindi daw kaaya-aya ang mukha pero maganda ang katawan, mapalalake man o babae.

Ang ibang mga tao ay sadyang matalim ang tabas ng kanilang dila para magbitaw ng ganitong klaseng biro.  Wala silang pakundangan kung meron silang masasaktan.  Hindi nila isinasaalang-alang ang magiging damdamin ng ibang tao.

Ang bawat society ay may kanya-kanyang pamantayan kung ano ang maganda at pangit.  Ang mga pinoy daw ay likas na matabil ang dila at sadyang malakas kung makapintas ng kanyang kapwa.  Ang iba sa atin ay hindi na marunong magpasintabi at kadalasan ay mas nakikita pa natin ang kapintasan o kakulangan ng isang tao lalo na kapag hindi natin ito kilala ng personal.  

Lahat ng tao ay may kapintasan.  Sana kung ano ang kapintasan ng ibang tao na ating nakikita ay wag na nating ipagsigawan pa.  Hindi naman natin kawalan kung may kapintasan ang isang tao kung atin pa itong ipagsigawan sa buong mundo.  Bakit big deal para sa iba sa atin na tawanan o hamakin ang kapintasan ng ibang tao?  Mas magiging masaya ba tayo o mas magiging angat ba tayo kung pagtawanan o hamakin natin ang kapintasan ng iba?  Hindi ba ipinapakita natin na mal-edukado tayo at hindi kanaisnais ang ating pag-uugali at personalidad kung sakali mang maging sobrang taas ng tingin natin sa ating sarili para maging mas mababa ang ibang tao?

At higit sa lahat, bilang isang mabuting Kristiyano, nakalimutan na ba natin na ang bawat isa sa atin ay nilikha na kamukha at kawangis ng ating kinikilalang Panginoon Diyos.  Kung pagtatawanan at hamakin natin ang ating kapwa, hindi ba na nilalait din natin ang siyang Dakilang Lumikha?  Isip-isip din pag may time, mga tol.

No comments:

Post a Comment