Sa bayan ng Mandaluyong ay merong city ordinance na "no relation, no back ride." Papaano mo daw naman yayakapin ang taong nasa iyong harapan kung hindi mo ito kaano-ano. Isa pa, paraan daw ito para maiwasan ang mga criminalidad dulot ng riding in tandem.
Sa kaugnay na ordinansa ng Mandaluyong, may isang senador daw na nagsusulong na gawin itong batas para ipatupad sa buong bansa. Dapat daw ang kaangkas mo sa motor ay kamag-anak mo.
Ang masasabi ko sa panukalang ito ay wagas. Sobrang matalino ang nag-isip nito. Malamang ay puro de-kotse ang mga nag-isip at nag-apruba nito. Malamang ay hindi nila naranasan sumakay sa public transport. Kaya nga umaangkas para makatipid.
Natawa ako nang mabasa ko ang katagang "papaano mo yayakin ang taong nasa harapan mo kung hindi mo ito kaano-ano habang ito ay nagmamaneho." Haha. Kailangan ba kung nakaangkas ka sa motor ay yakap talaga ang gagawin mo sa nagmamaneho. Pwede namang kumapit sa balikat o di kaya'y sa likuran ng motor na may bakal o pwede din sa tenga mo habang tumatakbo ang motor.
May isa ding nagtanong na papaano daw kung magkakamag-anak ang nakasakay sa motor tapos mga kriminal pala sila? Papaano mo malalaman ang kriminal na magkaangkas sa hindi kriminal? \\
At nakakatuwang isipin kung ano ang magiging kaparusahan kung sakaling pumasa ang panukalang batas na ito. Papaano kung ang magkakaangkas ay in relation o di kaya'y ang status nila ay it's complicated? Ano ang pwedeng parusa para sa kanila gayong hindi naman sila magkakamag-anak.
Siguro ang mga nagpapanukala ng ganitong klaseng batas ay subukin nila kung papaano magcommute sa araw-araw gaya nang ginagawa ng isang ordinaryong pinoy. Sana masubukan nilang maglakad, sumabit, mag-abang nang matagal, makipagsiksikan, o di kaya'y abutin ng siyam-siyam sa daan para lang makasakay. O di kaya'y subukin nilang tumungo sa mga lugar kung saan ang motorsiklo ang siyang pinakamabisang pampublikong transportasyon dahil sa mga makikitid, lubak-lubak at sirang mga daan na hindi napapaayos ng gobyerno. Sana matutong bumaba at umapak sa lupa ang mga paa ng ating mga mambabatas para mas maintindihan nila ang "totoong" suliranin ng ating mga kababayan pagdating sa isang maayos na transportasyon at ang problema sa pang araw-araw nitong pagbiyahe.
No comments:
Post a Comment