Habang binabagtas ng sasakyan ang daan patungo sa pinapasukan ko ay nagmamasid ako sa aming dinadaanan. Para hindi maburyo sa mabagal na usad ng sasakyan ay mas maige pang manood ng mga kaganapan sa paligid kesa sa maging aburido.
Nakuha ang aking atensiyon ng isang tusok-tusok stand kung saan ay may mga parokyanong nag-eenjoy ng kanilang fishball at kikiam. Kahit tanghali na ay hindi ko alam kung almusal nila ito o merienda. Mabuti pa sila at kahit papaano ay may laman ang kanilang sikmura. Nakasanayan ko na kasi na hindi nag-aalmusal pero bumabawi naman ako ng pagkain habang nasa trabaho.
Ayun at napako nga ang aking mga mata sa kanila. Sa lugar kung saan nakahimpil ang tusok-tusok stand at kasama ang ilang mga parokyano ay may mga iilang piraso na ng bamboo sticks na nakakalat sa bangketa. Hindi ko tuloy maiwasang tanungin ang sarili ko kung ilang bamboo sticks pa kaya ang madadagdag sa buong araw at habang nandoon ang tusok-tusok stand na iyon. Nakita kong meron namang basurahan na isang hakbang lang mula sa tusok-tusok stand na iyon. Pero bakit may mga kalat pa rin?
Maraming mga kababayan natin ang pasaway at walang patumanggang nagkakalat sa paligid. Ewan ko kung anong klaseng pag-iisip at disiplina ang meron sila at 'by their convenience' silang nagkakalat. Kahit na may tamang tapunan naman sa kanilang tabi ay tila ba invisible ang basurahan at parang wala lang sa kanila na ihulog ang kanilang basura sa bangketa at kalye. Ang resulta tuloy ay ang hindi kaaya-ayang hitsura ng bangketa dahil sa naiipong mga basura na pwede pang magresulta sa mas malaking problema gaya ng pagkabara ng daluyan ng tubig at sa kalaunan ay magbabaha sa lugar na iyon.
Sana ay magkaroon ng tamang disiplina ang mga pasaway nating kababayan at sana ay maisip nilang ang simpleng pasaway nilang gawain nang hindi pagtatapon ng kanilang basura sa tamang lugar ay mas malaking perwisyo ang posibleng maiidulot nito.
No comments:
Post a Comment