Sunday, August 17, 2014

Disiplina

Bakit kaya kapag nasa sariling bansa ang mga Pinoy, mayroong iba sa atin na mahirap pairalin ang disiplina?  Kahit sa mga simpleng pagkakataon lang ay nahirapan ang iba sa atin na pairalin ang disiplina lalo na kapag may ibang mga taong maaapektuhan?  Sana maisip ng iba sa atin na hindi puro pansariling kapakanan lang dapat pairalin lalo na kapag may mga napeperwisyong ibang tao.  At kapag mahuli at maparusahan ay doon na lalabas ang mukhang kaawa-awa at mga palusot na nakakapikon.

May mga drivers ng jeep na kahit green light ay hindi mahindian ang mga pasaherong pumapara sa kanto.  Wala silang pakialam sa green light at mas lalong wala silang pakialam basta makapagsakay sila ng pasahero kahit na nasa kanto iyon o mismong nasa pedestrian lane ang kanilang minamanehong jeep.  

Nakakaasar ang ganitong eksena dahil ang ganitong mga uring driver ay walang malasakit sa kanilang kapwa dahil sa kawalan nila ng disiplina.  Kapag pinapairal nila ang kanilang pansariling kapakanan, hindi nila naisip na may iba pang maaapektuhan.  At ang basic na rule lang naman sa kalsada ay dapat tuloy-tuloy lang ang takbo ng sasakyan kapag green light na at bawal magsakay ng pasahero kapag wala sila sa tamang sakayan o habang hindi nakahimpil ang sasakyan.

Pasaway na mamang driver, sana darating ang araw na pairalin mo naman ang pagiging Pilipino mo.  Ang alam ko kasing Pilipino ay hindi makasarili at may malasakit sa kanyang bayan at kapwa Pilipino.

No comments:

Post a Comment