Nagbakasyon ako sa kapatid ko sa isang probinsiya. Dahil talagang probinsiya ay maraming mga puno pa dito at ang likuran ng bahay nila ay taniman ng gulay, mais, at palay. Minsan ay may nasumpungan akong isang ibon na tipong cool ang dating sa pagkadapo nito sa ibabaw ng isang maliit na poste ng kawayan. Kahit na matagal na akong nakadungaw sa bintana ay wala siyang pakialam sa akin at baka alam niyang hindi ko naman siya maaabot dahil ilang dipa din ang layo ng bintana mula sa kanyang puwesto.
Pagkatapos ng mahabang panahon, kahit na ilang beses na akong nagbabakasyon sa kapatid ko, recently ko lang muling nasumpungan ang klase ng ibon na iyon.
Pupungas-pungas pa akong gumising ng bandang alas-otso ng umaga. Malamig kasi ang hangin dahil Disyembre na. Kapag ganitong panahon kasi ay talagang nagsisimula nang lumamig ang gabi hanggang umaga, lalo na sa isang probinsiya. Kakatayo ko pa lang ng higaan at medyo antok pa talaga ako. Pagkaupo ko sa sofa ay napatingin ako sa bintana dahil may lumilipad sa tapat nito at paulit-ulit. Hindi ako umaalis sa aking kinauupuan at talagang inaabangan ko ang muling pagdaan ng lumilipad na iyon. Nang bahagya akong umusog ng upo ay nakita kong merong ibon na katayo sa isang sanga at para siyang tuwang-tuwa na halos nagtatalon sa kanyang pagkakatayo sa sanga at humuhuni siya ng paulit-ulit din. Pagkatapos ng ilang sandali ay muli na naman siyang lumipad at patuloy na bumabalik sa parehong puwestong iyon ng sanga. Sa aking nakita ay biglang naalala ko ang napanood ko dati sa animal planet. Ang ritwal na iyon ng ibon ay kapareho ng mga ibon na nagpapakitang gilas sa kanyang kapareha. Iisa lang ang ibig sabihin ng tagpong iyon. Nanliligaw ang ibong nakita ko na paulit-ulit na lumilipad sa tapat ng bintana.
Para makasiguro na tama nga ang hinala ko, marahan akong umusog ng upo at nakita ko nga ang isa pang ibon na nakapuwesto naman ng halos isang metro lang ang layo sa una kong nakitang ibon. Kung ano ang gawain ng unang ibon ay siya rin palang ginagawa ng pangalawang ibon. Hindi ko lang agad nakikita ang pangalawang ibon dahil halos nasa gilid at ibabang bahagi na ito ng bintana nakapuwesto.
Medyo matagal din silang nagliligawan at paulit-ulit ang kanilang mga huni, paglipad, at mga senyas sa isa't isa. Kalaunan ay bigla na lang silang nawala sa sanga at medyo nagkakagulo na sa mga dahon ng puno dahil para na silang naghahabulan o naglalampungan. Ayos na ang umaga ng dalawa. Kung baga ay solve na ang kanilang early morning ligawan na nauwi sa lambingan. Hehe.
No comments:
Post a Comment