Sa kapapanood ko ng mga public affairs program ay nagkakaroon ako ng ideya sa mga lugar at pagkain na kanilang tinatampok. At kung may pagkakataon ay dinadayo ko ang mga lugar ito at ma-experience kung ano ang kanilang mga ino-offer.
Ang Pinsec House na kainan ng mami sa Recto malapit sa Avenida sa Manila ay isa sa mga kilalang kainan na itinayo noon pa. Hindi ko alam kung lagpas 70 years na itong operational. Palagi ko itong nadadaanan kapag pauwi na ako galing ng Divisoria. Iyon nga lang at di talaga ako nakagawa ng paraan para masubukan ito kahit isang beses man lang.
Minsan ay inaya ako ng isang kaibigan na mag night market sa Divisoria. Nilakad namin mula bahay hanggang makarating kami ng Recto. Medyo malayo din ang aming nilakad at hindi pa kami natigil doon. Muli akong hinamon ng aking kaibigan na maglakad hanggang Divi. Dahil nagkasubuan na ay pumayag na rin ako.
Pagkalagpas namin ng Avenida ay nadaanan namin ang Pinsec House. Dahil matagal ko nang inaasam na makakain dito ay inaya ko ang aking kaibigan na sumaglit at mag foodtrip.
Pareho naming inorder ang regular serving nila ng beef wanton sa halagang 77 pesos. Isa daw ito sa mga favorite na orderin ng kanilang mga customers kahit noon pa. Ang kanilang regular serving ay good for two na pala at pwedeng pagsaluhan kung hindi naman kayo ganoon katakaw sa pagkain. At kapag gutom ka at paborito mo ay mami, tiyak sulit at busog-sarap ka kahit sa regular serving pa lang.
Gustong-gusto ko ang timpla ng kanilang mami. Kumbaga, sabaw pa lang ay solve ka na. Masarap din at sobrang lambot ng kanilang beef. Idagdag mo pa diyan ang ilang pirasong siomai ay talaga namang mabigat na ang mga ito sa tiyan. Talagang solve, pinagpawisan, at sulit ang pagkain namin ng gabing iyon.
Meron lang isang downside ang experience namin ng gabing iyon. Marahil dahil sa kalumaan ay napabayaan na nila ang lugar. Sobrang kadiri ng kanilang banyo at barado ang kanilang drainage. Pagpasok mo pa lang ay ramdam mo na agad ang mapangheng sorang tapang ng hindi kaaya-ayang amoy ng banyo. Sana ay gawa nila ng paraan para linisin at ayusin ang kanilang banyo para na rin sa kaginhawaan ng kanilang customers.