Sa tuwing sumasapit ang summer ay panahon ito ng mga naglalabasang salagubang. Kadalasan ay sa puno ng sampalok o mangga namin sila kinukuha. Kaunting yugyog mo lang sa puno ng sampalok o mangga ay isa-isang maglalaglagan na ang mga ito.
Bibihira na kasi akong umuwi sa probinsiya kapag summer kaya't hindi na ako updated sa mga laro ng mga bata sa aming lugar. Noong kapanahunan kasi namin ay kanya-kanyang bitbit na kami ng lata ng gatas o sardinas at nilalagyan namin ito ng dahon ng sampalok. Ang latang bitbit namin ay nagsisilbing bahay ng mga salagubang na aming nahuhuli at ang dahon ng sampalok ang siyang magiging pagkain nila. Kailangan lang ay masipag kang magpalit ng dahon ng sampalok at linisin ang loob ng lata para hindi ito bumaho.
Ang isa sa mga libangan namin noon ay pag-aawayin namin ang magkasinglaki na salagubang. Itataas namin ang kanilang mga pakpak at ibabaling ito nang paharap saka iipitin sa butas ng maliit ng siit ng kawayan. Ang siit ng kawayan na wala pang halos kalahating dangkal ang haba ang siyang magsisilbing clip ng mga pakpak ng salagubang. Pagkatapos ay paghaharapin namin ang dalawang salagubang na naka-clip ang mga pakpak at magpapambuno na sila. Ang unang salagubang na matutumba ay talo at best of three ang labanan namin. Ang natalong salagubang ay mapupunta sa panalong kalaro.
No comments:
Post a Comment