Ano ang tagalog ng sex?
Kasarian ...
Pagtatalik ...
Anem
Kung ang tagalog ng six ay anim, ang tagalog ng sex ay anem.
Tuesday, August 26, 2014
Monday, August 25, 2014
Butiki
Ang mga bahay sa siyudad ay hindi masyadong binabahayan ng mga butiki. Sa probinsiya ay talaga namang sobrang talamak sa dami ng butiki. Ang sabi nga ay nag-aadjust daw ang kulay ng butiki sa kulay ng bahay. Hindi ko lang din masabi kung totoo nga ito dahil hindi naman hunyango ang mga butiki. Kung sakaling totoo ito ay masarap sigurong pinturahan ang bahay ng iba't ibang kulay kada buwan para ang mga butiki ay mag-iiba din ng kulay. Haha.
Ilan na nga ba sa atin ang nakakakita ng mga butiking nagtatalik? Haha. Hinayupak na tanong ito. Pati ba naman pribadong buhay at gawain ng mga hayop ay dapat pang pagkaabalahan natin? Malamang ay marami pa rin sa atin ang hindi nakakakita ng eksena ng mga butiki gaya ng nasa litratong ito. Hala! Baka naman aabangan niyo ang mga butiki sa bahay niyo na magtalik tapos magtatalon kayo sa tuwa sabay sabi ng "Yes! Na-witness ko na rin ang pagtatalik nila." Haha Para kang timang kung sakaling mangyari iyon.
Masarap sigurong isipin at ma-experience ang ginagawang ito ng mga butiki. Haha. Baka iba ang tumatakbo sa isipan niyo. Ang ibig kong sabihin ay ang abilidad ng mga butiki na kumapit. Isipin na lang natin na kaya din nating kumapit kagaya ng mga butiki. Ang sarap sigurong lumambitin kasabay ng iyong katalik. At kahit na nasa kisame na kayo nakakapit ay tuloy pa rin ang ligaya. Haha.
Friday, August 22, 2014
Puto
Kung ang puto ay lalake, ano ang tawag sa babae nito? Haha. Malamang ay bigla kang ngumiti o di kaya'y tumawa sa joke na ito. At malamang sa hindi ay biglang pumasok sa utak mo ang isang berdeng pag-iisip. Haha. Kung aaminin mo na naging malikot nga ang iyong pag-iisip ay isa ka pa ring normal na tao.
Sino nga ba naman ang hindi nakakakilala ng puto at malamang ay nakatikim ka na rin ng puto. Patuloy ngang dumadami ang lahi ng puto dahil habang tumatagal ay lalong nagiging malikhain ang panlasa nating mga Pinoy. Kapag umuuwi ako sa amin ay merong gumagawa doon ng puto na talaga namang sobrang sarap ang pagkagawa. Wala itong halong keso o itlog na maalat. Ang ginagawa nila ay regular na puto lang pero nagiging espesyal ang lasa nito. Siguro nga minsan ay aalamin ko ang sekreto ng kanilang timpla kung bakit ito nagiging masarap.
Pero teka lang. Lumayo na ako doon sa una kong tanong. Ano nga ba ang babaeng katapat ng puto? Sirit na ba? Ang sagot ay kutsinta o bibingka. Haha. Kaya nga madalas pinagsasama ang puto at kutsinta dahil magpartner sila.
Wednesday, August 20, 2014
Hipon
Hipon sa salitang kanto ay tapon ang ulo at iwan ang katawan. Madalas itong nagiging joke sa mga taong hindi daw kaaya-aya ang mukha pero maganda ang katawan, mapalalake man o babae.
Ang ibang mga tao ay sadyang matalim ang tabas ng kanilang dila para magbitaw ng ganitong klaseng biro. Wala silang pakundangan kung meron silang masasaktan. Hindi nila isinasaalang-alang ang magiging damdamin ng ibang tao.
Ang bawat society ay may kanya-kanyang pamantayan kung ano ang maganda at pangit. Ang mga pinoy daw ay likas na matabil ang dila at sadyang malakas kung makapintas ng kanyang kapwa. Ang iba sa atin ay hindi na marunong magpasintabi at kadalasan ay mas nakikita pa natin ang kapintasan o kakulangan ng isang tao lalo na kapag hindi natin ito kilala ng personal.
Lahat ng tao ay may kapintasan. Sana kung ano ang kapintasan ng ibang tao na ating nakikita ay wag na nating ipagsigawan pa. Hindi naman natin kawalan kung may kapintasan ang isang tao kung atin pa itong ipagsigawan sa buong mundo. Bakit big deal para sa iba sa atin na tawanan o hamakin ang kapintasan ng ibang tao? Mas magiging masaya ba tayo o mas magiging angat ba tayo kung pagtawanan o hamakin natin ang kapintasan ng iba? Hindi ba ipinapakita natin na mal-edukado tayo at hindi kanaisnais ang ating pag-uugali at personalidad kung sakali mang maging sobrang taas ng tingin natin sa ating sarili para maging mas mababa ang ibang tao?
At higit sa lahat, bilang isang mabuting Kristiyano, nakalimutan na ba natin na ang bawat isa sa atin ay nilikha na kamukha at kawangis ng ating kinikilalang Panginoon Diyos. Kung pagtatawanan at hamakin natin ang ating kapwa, hindi ba na nilalait din natin ang siyang Dakilang Lumikha? Isip-isip din pag may time, mga tol.
Pasaway
Habang binabagtas ng sasakyan ang daan patungo sa pinapasukan ko ay nagmamasid ako sa aming dinadaanan. Para hindi maburyo sa mabagal na usad ng sasakyan ay mas maige pang manood ng mga kaganapan sa paligid kesa sa maging aburido.
Nakuha ang aking atensiyon ng isang tusok-tusok stand kung saan ay may mga parokyanong nag-eenjoy ng kanilang fishball at kikiam. Kahit tanghali na ay hindi ko alam kung almusal nila ito o merienda. Mabuti pa sila at kahit papaano ay may laman ang kanilang sikmura. Nakasanayan ko na kasi na hindi nag-aalmusal pero bumabawi naman ako ng pagkain habang nasa trabaho.
Ayun at napako nga ang aking mga mata sa kanila. Sa lugar kung saan nakahimpil ang tusok-tusok stand at kasama ang ilang mga parokyano ay may mga iilang piraso na ng bamboo sticks na nakakalat sa bangketa. Hindi ko tuloy maiwasang tanungin ang sarili ko kung ilang bamboo sticks pa kaya ang madadagdag sa buong araw at habang nandoon ang tusok-tusok stand na iyon. Nakita kong meron namang basurahan na isang hakbang lang mula sa tusok-tusok stand na iyon. Pero bakit may mga kalat pa rin?
Maraming mga kababayan natin ang pasaway at walang patumanggang nagkakalat sa paligid. Ewan ko kung anong klaseng pag-iisip at disiplina ang meron sila at 'by their convenience' silang nagkakalat. Kahit na may tamang tapunan naman sa kanilang tabi ay tila ba invisible ang basurahan at parang wala lang sa kanila na ihulog ang kanilang basura sa bangketa at kalye. Ang resulta tuloy ay ang hindi kaaya-ayang hitsura ng bangketa dahil sa naiipong mga basura na pwede pang magresulta sa mas malaking problema gaya ng pagkabara ng daluyan ng tubig at sa kalaunan ay magbabaha sa lugar na iyon.
Sana ay magkaroon ng tamang disiplina ang mga pasaway nating kababayan at sana ay maisip nilang ang simpleng pasaway nilang gawain nang hindi pagtatapon ng kanilang basura sa tamang lugar ay mas malaking perwisyo ang posibleng maiidulot nito.
Monday, August 18, 2014
Bird Romance
Nagbakasyon ako sa kapatid ko sa isang probinsiya. Dahil talagang probinsiya ay maraming mga puno pa dito at ang likuran ng bahay nila ay taniman ng gulay, mais, at palay. Minsan ay may nasumpungan akong isang ibon na tipong cool ang dating sa pagkadapo nito sa ibabaw ng isang maliit na poste ng kawayan. Kahit na matagal na akong nakadungaw sa bintana ay wala siyang pakialam sa akin at baka alam niyang hindi ko naman siya maaabot dahil ilang dipa din ang layo ng bintana mula sa kanyang puwesto.
Pagkatapos ng mahabang panahon, kahit na ilang beses na akong nagbabakasyon sa kapatid ko, recently ko lang muling nasumpungan ang klase ng ibon na iyon.
Pupungas-pungas pa akong gumising ng bandang alas-otso ng umaga. Malamig kasi ang hangin dahil Disyembre na. Kapag ganitong panahon kasi ay talagang nagsisimula nang lumamig ang gabi hanggang umaga, lalo na sa isang probinsiya. Kakatayo ko pa lang ng higaan at medyo antok pa talaga ako. Pagkaupo ko sa sofa ay napatingin ako sa bintana dahil may lumilipad sa tapat nito at paulit-ulit. Hindi ako umaalis sa aking kinauupuan at talagang inaabangan ko ang muling pagdaan ng lumilipad na iyon. Nang bahagya akong umusog ng upo ay nakita kong merong ibon na katayo sa isang sanga at para siyang tuwang-tuwa na halos nagtatalon sa kanyang pagkakatayo sa sanga at humuhuni siya ng paulit-ulit din. Pagkatapos ng ilang sandali ay muli na naman siyang lumipad at patuloy na bumabalik sa parehong puwestong iyon ng sanga. Sa aking nakita ay biglang naalala ko ang napanood ko dati sa animal planet. Ang ritwal na iyon ng ibon ay kapareho ng mga ibon na nagpapakitang gilas sa kanyang kapareha. Iisa lang ang ibig sabihin ng tagpong iyon. Nanliligaw ang ibong nakita ko na paulit-ulit na lumilipad sa tapat ng bintana.
Para makasiguro na tama nga ang hinala ko, marahan akong umusog ng upo at nakita ko nga ang isa pang ibon na nakapuwesto naman ng halos isang metro lang ang layo sa una kong nakitang ibon. Kung ano ang gawain ng unang ibon ay siya rin palang ginagawa ng pangalawang ibon. Hindi ko lang agad nakikita ang pangalawang ibon dahil halos nasa gilid at ibabang bahagi na ito ng bintana nakapuwesto.
Medyo matagal din silang nagliligawan at paulit-ulit ang kanilang mga huni, paglipad, at mga senyas sa isa't isa. Kalaunan ay bigla na lang silang nawala sa sanga at medyo nagkakagulo na sa mga dahon ng puno dahil para na silang naghahabulan o naglalampungan. Ayos na ang umaga ng dalawa. Kung baga ay solve na ang kanilang early morning ligawan na nauwi sa lambingan. Hehe.
Sunday, August 17, 2014
Disiplina
Bakit kaya kapag nasa sariling bansa ang mga Pinoy, mayroong iba sa atin na mahirap pairalin ang disiplina? Kahit sa mga simpleng pagkakataon lang ay nahirapan ang iba sa atin na pairalin ang disiplina lalo na kapag may ibang mga taong maaapektuhan? Sana maisip ng iba sa atin na hindi puro pansariling kapakanan lang dapat pairalin lalo na kapag may mga napeperwisyong ibang tao. At kapag mahuli at maparusahan ay doon na lalabas ang mukhang kaawa-awa at mga palusot na nakakapikon.
May mga drivers ng jeep na kahit green light ay hindi mahindian ang mga pasaherong pumapara sa kanto. Wala silang pakialam sa green light at mas lalong wala silang pakialam basta makapagsakay sila ng pasahero kahit na nasa kanto iyon o mismong nasa pedestrian lane ang kanilang minamanehong jeep.
Nakakaasar ang ganitong eksena dahil ang ganitong mga uring driver ay walang malasakit sa kanilang kapwa dahil sa kawalan nila ng disiplina. Kapag pinapairal nila ang kanilang pansariling kapakanan, hindi nila naisip na may iba pang maaapektuhan. At ang basic na rule lang naman sa kalsada ay dapat tuloy-tuloy lang ang takbo ng sasakyan kapag green light na at bawal magsakay ng pasahero kapag wala sila sa tamang sakayan o habang hindi nakahimpil ang sasakyan.
Pasaway na mamang driver, sana darating ang araw na pairalin mo naman ang pagiging Pilipino mo. Ang alam ko kasing Pilipino ay hindi makasarili at may malasakit sa kanyang bayan at kapwa Pilipino.
Saturday, August 16, 2014
Motel
Pauwi na ako galing sa trabaho at balak kong sumaglit muna sa bahay bago tumuloy sa aking part time job. Nang biglang bumuhos ang malakas na ulan ay nagbago ang aking isip. Malamang ay mababasa lang ako sa lakas ng ulan at ihip ng hangin at ang tatlong oras na extra time ko ay hindi ko na tuluyang mapakinabangan bago tumungo sa aking part time job. At malamang sa hindi, dahil sa lakas ng ulan, ay baka tatamarin na akong pumasok.
Naisip kong dumiretso na lang sa aking part time job subalit wala akong mapagtatambayan. Dahil sa inaantok na rin ako ay sinubukan kong pumasok sa ilang mga motel para magtanong ng kanilang mga rates. Hindi kasi ako kumbinsido sa mga nakapaskel nilang mga rates dahil madalas ay deceiving ang mga ito. At tama nga ako. Ang sinasabi nilang rate na mababa ay mas mahal sa actual nilang rates. Ang sabi nga ng isang nakakaalam sa mga kalakaran sa mga motel na walang standard rates ay kadalasang ang ibinibigay sa mga guests ay ang mas mahal na room. Putik! Gusto ko lang namang mag rent ng room para matulog ng dalawang oras tapos ang singil ay mahigit 300 at meron pang 500. Ang ending, naubos ang oras ko sa kakaikot sa lugar na iyon hanggang sa pumasok na ako sa part time job ko.
Tapos, may ilang motel pala na hayagan at bulgar ang mga bugawang nagaganap. Pwede kang mag check-in mag-isa at may mga nakatambay ng mga bugaw para bigyan ka ng babae. Kahit na ang ilan sa kanila ay mukhang disente tingnan, may mga kalakaran palang parehong pinapakinabangan ng mga motel na ito at ng mga nagbebenta ng aliw. Kumbaga, fu** at your own risk na lang. Hehe.
Tamarind
Kapag ikaw ay isang masipag na tao, wag kang kakain ng sampalok dahil ikaw ay tatamarind. Hehe.
Mula pa pagkabata ay trip ko nang kaining ang sampalok. Lalo na kapag bagong pitas at talagang sobrang tamis. Iyong bang tipong umaalog na sa kanyang shell at kakulay ng tutuli. Ewwww. Haha. Ang sarap noon. Pero bakit kahit na matamis ang lasa ng hinog na sampalok ay nakakangilo na rin ito kapag masobrahan ka sa pagkain?
Minsan ay merong nagregalo sa akin na isang supot ng sampalok. Siyempre, dalawang kamay kong inabot at abot-tenga ang ngiti ko dahil paborito ko ito. Nang basahin ko ang label ay may halo daw itong sili. Nyay. Tunay nga at hindi lang basta halo. Kalahati ata ng bawat isang pirasong sampalok ay sili ang kasama. Sobrang anghang. Haha. Masarap na nakakabwisit kainin dahil sa anghang nito. Ang ending, hayun at dalawang piraso lang lagi ang kinakain ko bawat araw hanggang sa maubos ito. Hinayupak ang taong nagtimpla nito. Parang galit sa sili ang drama. O baka naman sili talaga iyon na hinaluan lang ng sampalok. Hehe.
Thursday, August 14, 2014
Debugging
Ang debugging ay isang pamamaraan kung saan ay dapat mahanap ang isang kamalian at aayusin ito. Pero alam niyo bang kahit si Tarzan ay magaling sa debugging kahit na hindi pa uso ang computer noong panahon niya?
Debaging kasi si Tarzan kapag palipat-lipat sa mga puno kapag siya ay gumagala sa gubat.
Aksidente at Kamatayan
Kaninang umaga nang papasok na ako sa trabaho ay may nadaanan kami na isang aksidente. Sa pagsilip ko ay nakita kong tumba ang isang motorsiklo at nakadapa ang rider nito. Ayun sa mga miron ay dedo na daw ang driver. Sa hitsura ng tao ay tipong papasok pa lang ito sa trabaho.
Naalala ko tuloy noong minsan. Dala ko ang aking camera at may nadaanan akong nakabulagta sa gitna ng kalsada malapit sa amin. Naholdap daw iyong tao at nang manlaban ay sinaksak ng holdaper at napatay ang biktima. Lakas-loob akong lumapit sa mga kumpon ng tao na nakiusyuso. Subalit nang makita ko ang pares ng mga paa ng biktima ay kagyat akong tumalikod at hindi ko na nagawang lumingon pa. Isa kasi sa mga hindi ko nakasanayang tagpo ay ang makakita ng isang taong patay. Masyadong nagtatagal ang imahe ng isang patay sa aking isipan at mga ilang buwan ding pagdurusa ang aking pagdadaanan bago sila tuluyang mawala sa aking isip.
Ang buhay natin ay sadyang unpredictable. Hindi talaga natin alam kung kailan tayo kakalabitin ni kamatayan. Kahit na anong pag-iingat ang siya nating gagawin ay hindi talaga natin matatakasan ang kamatayan.
Ikaw? Handa ka na bang mamatay?
Tuesday, August 12, 2014
Pasaway na Driver
Minsan talaga, malakas mang bad trip ang tadhana. Pero kahit na bad trip ka, minsan ay may laugh trip itong dulot.
Ilang minuto lang at late na ko sa trabaho. Dahil tanghali na ay madalang na ang jeep at ang nasakyan ko ay iyong nakaabang sa kanto. Kahit na kating-kati na ang puwet ko para umandar ang jeep ay nasa kamay ng driver ang kapalaran ko kung makakarating ako sa trabaho na hindi masyadong late (pero late pa rin haha). Ayun, himala naman at naiinip yata sa paghihintay nang wala namang hinihintay. Ayos na sana ang takbo ng sasakyan nang biglang may bumulagang pulis at hinuli ang driver. Patay! Dagdag aberya.
Ang pasaway na driver kasi ay nagsakay ng dalawang babae na nakatayo sa center island. Pasaway kasi minsan ang mga pasahero. Tipong at their convenience sila papara kahit sa hindi tamang lugar. Ito namang si mamang driver ay humahabol ng kanyang boundary at kahit na alanganing lugar ay pinahinto ang sasakyan. Tapos ang sarap batukan ng driver dahil nagsalita ito na "Bilisan nyo at bawal dito." Haha. Alam na nga ng driver na bawal magsakay doon pero mapilit siya. Ayun at hindi siya nakaligtas sa mamang pulis na nakatayo sa hindi kalayuan. Akala yata ay invisible siya ng pagkakataong iyon.
Dahil pinara siya ng pulis, aberya ito para sa akin dahil late na ako. Asar man ay natawa ako nang marinig kong nagsalita ang pulis. Ang sabi ng pulis ay "Hindi ko kailangan ang pera mo dahil marami akong pera." Haha. Pilit na inaabutan ng driver ng suhol ang pulis para makalibre siya. Pero dahil disiplinado ang butihing pulis ay hindi siya tumanggap ng lagay. Masakit pa naman sa bulsa ang violation niyang loading at baka abutin siya ng 2k. Kawawang gahaman at pasaway na driver.
Ang ending, ang sinakay niyang dalawang babae ay agad ding bumaba nang hindi nagbabayad at hindi na siya hinintay. Napahamak na nga ang driver dahil sa kanila at sa kagagawan din ng driver, pero ang dalawang pasahero ay mabilis na umiskierda. Dahil alam ko na magtatagal ang aberya ay lumipat na rin ako ng masakyan at hindi ko na hinintay ang pasaway na driver habang nakikipagtsikahan sa pulis na humuli sa kanya.
Monday, August 11, 2014
No Relation, No "Back Ride" Policy
Sa bayan ng Mandaluyong ay merong city ordinance na "no relation, no back ride." Papaano mo daw naman yayakapin ang taong nasa iyong harapan kung hindi mo ito kaano-ano. Isa pa, paraan daw ito para maiwasan ang mga criminalidad dulot ng riding in tandem.
Sa kaugnay na ordinansa ng Mandaluyong, may isang senador daw na nagsusulong na gawin itong batas para ipatupad sa buong bansa. Dapat daw ang kaangkas mo sa motor ay kamag-anak mo.
Ang masasabi ko sa panukalang ito ay wagas. Sobrang matalino ang nag-isip nito. Malamang ay puro de-kotse ang mga nag-isip at nag-apruba nito. Malamang ay hindi nila naranasan sumakay sa public transport. Kaya nga umaangkas para makatipid.
Natawa ako nang mabasa ko ang katagang "papaano mo yayakin ang taong nasa harapan mo kung hindi mo ito kaano-ano habang ito ay nagmamaneho." Haha. Kailangan ba kung nakaangkas ka sa motor ay yakap talaga ang gagawin mo sa nagmamaneho. Pwede namang kumapit sa balikat o di kaya'y sa likuran ng motor na may bakal o pwede din sa tenga mo habang tumatakbo ang motor.
May isa ding nagtanong na papaano daw kung magkakamag-anak ang nakasakay sa motor tapos mga kriminal pala sila? Papaano mo malalaman ang kriminal na magkaangkas sa hindi kriminal? \\
At nakakatuwang isipin kung ano ang magiging kaparusahan kung sakaling pumasa ang panukalang batas na ito. Papaano kung ang magkakaangkas ay in relation o di kaya'y ang status nila ay it's complicated? Ano ang pwedeng parusa para sa kanila gayong hindi naman sila magkakamag-anak.
Siguro ang mga nagpapanukala ng ganitong klaseng batas ay subukin nila kung papaano magcommute sa araw-araw gaya nang ginagawa ng isang ordinaryong pinoy. Sana masubukan nilang maglakad, sumabit, mag-abang nang matagal, makipagsiksikan, o di kaya'y abutin ng siyam-siyam sa daan para lang makasakay. O di kaya'y subukin nilang tumungo sa mga lugar kung saan ang motorsiklo ang siyang pinakamabisang pampublikong transportasyon dahil sa mga makikitid, lubak-lubak at sirang mga daan na hindi napapaayos ng gobyerno. Sana matutong bumaba at umapak sa lupa ang mga paa ng ating mga mambabatas para mas maintindihan nila ang "totoong" suliranin ng ating mga kababayan pagdating sa isang maayos na transportasyon at ang problema sa pang araw-araw nitong pagbiyahe.
Subscribe to:
Posts (Atom)