Saturday, March 29, 2014

Crab Meatballs

Ang sabi ng kasabayan ko nang bumibili kami sa food stall ay sobrang mahal daw ng balls ng crab.  Haha.  Humirit naman ang isa pa na ang lalaki daw ng balls ng crab.  Haha pa ulit.

Minsan ay napagawa ako sa Divi dahil free time ko naman.  Sa kakaikot ko ay napagawi ako sa mga food stalls sa labas ng mall kung saan marami ang mga nagtitinda ng mga pamatid-gutom at pamatid-uhaw.  Dahil sa sobrang naengganyo ako sa hitsura ng crab meatballs, kahit na may kamahalan ito sa halagang 50 pesos ang isang tuhog ay pinatos ko na rin.  

Sa totoo lang, ang halagang 50 pesos ay dalawang order na ng kanin at isang madaming ulam na ang katapat noon sa tindahan malapit sa amin.  Pagkain ko na sana iyon ng tanghalian at hapunan.  Huhu. Pero dahil mas malakas ng hatak ng crab meatballs at para maiba naman ang mantikang dumapo sa bibig ko ay pinagbigyan ko na rin ang kaunting luho ng katawan este ng bibig ko.  Hindi naman ako nagsisisi at rewarding naman ang lasa.  Lasang crab.  Bwahaha.  

Iyon nga lang at halos malalasahan mo na rin ang iba pa nilang itinitinda dahil sa iisang lutuan lang sila piniprito.  Pati ang mga sawsawan ay pare-pareho lang din.  

Wednesday, March 26, 2014

Daing na Bangus

Tawa ng tawa ang kasamahan ko nang minsang kumain kami sa isang kilalang steakhouse.  Paano ba naman kasi ay umorder ako ng bangus kung saan ang specialty ng restaurant na iyon ay steak.  Inaasar tuloy niya ako habang tinatakam ako sa bawat subo niya ng steak.  

Paano ba naman kasi, pinagbawalan muna ako ng doktor na maghinay-hinay muna sa mga matatabang pagkain dahil mataas ang aking kolesterol count.  Naramdaman ko kasing sumasakit na ang batok ko ng mga panahong iyon at gusto ko pa namang mabuhay pa ng mas mahaba.  Parusa nga ang paglalaway ko sa steak habang sarap na sarap ang kasama ko samantalang todo tiis naman ako sa walang kabuhay-buhay na lasa ng pritong bangus na iyon.  Kunswelo ko na lang ang gravy dahil nagmukha ding steak ang kinakain ko.  Huhu.

Sunday, March 23, 2014

Iced Tea

Nakarinig ka na ba nang umorder ng iced tea pero walang ice?  Haha.  

Kapag medyo nangangati ang lalamunan ko at walang service water o di kaya'y mineral water ang isang kainan, ang madalas kong inoorder ay tea.  Minsan nakakarinig ako ng correction galing sa sales clerk dahil kapag umoorder ako ng tea ay sinasabi nila na wala daw silang tea o tsa-a.  Ang meron lang sila ay iced tea.  Kaya't sinasabihan ko na lang na sige iced tea na lang pero wag niyang lagyan ng ice.  At kapag narerealize ng sales clerk na tea nga ang siyang binibigay niya sa akin ay napapangiti na lang ito.

Mayroon ngang joke na rated PG at siguro ay narinig nyo na rin ito tungkol sa tsa-a.  Kapag ang isang babae daw ay nag-order ng tsa-a, alam nyo na na meron na itong karanasan.  Dahil kapag wala pa daw itong muwang sa mundo, ang tipo ng inumin nito ay pipsi.  Hehe.  Uy, walang pikunan.  Joke lang po ito.

Friday, March 21, 2014

Pasaway na Driver Take Two

May nasakyan akong jeep na kung saan ay may pasaway na driver.  Style na ata ng driver na ito at talagang sinasadya niya ang kanyang bulok na diskarte.  Hindi ko tuloy alam kung marami ba siyang binubuhay o sadyang nanarantado lang talaga ng mga pasahero.

Bilang isang pasahero ay alam naman natin ang halagang ating binabayaran mula sa kung saan tayo sumakay at kung saan tayo bababa.  Kung baga, nakaukit na sa atin ang pagiging tapat sa dapat nating babayaran.  Kahit na nga may taripa o fare matrix ay hindi pa rin pare-pareho ang singil ng mga driver.  Kaya't para makaiwas na magulangan ka ng isang driver ay saktong barya dapat lagi ang ipambabayad mo.

Ang nasumpungan kong driver minsan ay sobrang pasaway talaga.  Kapag nagbayad na ang pasahero ay walang sukli na bumabalik.  Kahit na magsisigaw ang pasahero sa kanyang hinihinging sukli ay para bang walang narinig ang driver.  Diretso lang siya sa pagmamaneho.  Ang mga kasabay kong pasahero ay nagkakantiyawan na tuloy sa loob ng jeep.  Malamang ay naririnig na rin ito ng driver dahil maingay na at marami na ang nagrereklamo tungkol sa kanilang sukli.  Pero si mamang pasaway na driver ay deadma lang at tuloy lang siya sa pagmamaneho.

Tapos ay bigla na lang kaming nagkatawanan ng malakas.  Iyon bang tipong mga tawang nakakaasar din.  Meron kasing isang lalakeng pasahero na sumigaw nang "Bayad po."  Pagkarinig ng "bayad po" po ay mabilis na nakasahod agad ang palad ng driver.  Hindi pala bingi at naririnig kami.  Hagalpak tuloy kami sa tawanan dahil kapag "sukli" ang hinihingi ay talagang sadyang wala siyang naririnig.  Haha.  Ayos ang style ni mamang driver.  Style niya bulok.

Thursday, March 20, 2014

Bibingka

Sa may kanto ay merong nagtitinda ng bibingka.  Bigla akong nag comment na "Sobrang mahal naman!" dahil talagang mahal ang tinda nilang bibingka na halos kasing lapad ng palad ko.  Akalain mo ba namang 40 pesos ang isang order.  

Naging defensive naman si ateng tindera at ipinagmamalaki na merong Star Margarine, keso, at higit sa lahat ay espesyal daw ang bibingka nila.  Napatanong ako kung bakit naging espesyal ang bibingka nila.  Buong pagmamalaki na sinabi ni ate na meron daw itong itlog na maalat.  Nagtanong ulit ako na porke't may itlog na maalat ay espesyal na agad?  Napa-oo naman siya at kahit daw ano basta merong itlog na maalat ay espesyal na ito.  Natawa ako bigla sa sagot niya.  Sinabihan ko si ateng tindera na espesyal din pala ako dahil meron din akong itlog na maalat.  Natawa ang katabi kong mama na naghihintay ng order niyang bibingka.  Si ate ay napakunot noo na lang at hindi na gets ang joke ko.  Haha.  Slow.

Monday, March 17, 2014

Guisadong Pusit

Nasubukan mo na bang kumain ng pusit lalo na iyong nanggigita sa malapot nitong maitim na dagta?  Ang sarap noon lalo na kapag talagang masarap ang pagkaluto.

Doon po sa amin kung saan laging sariwa ang mga itinitindang mga pusit ay palaging naglalakihan ang mga pusit na itinitinda.  Bibihira ka lang makakita ng mga maliliit na mga pusit.  Karamihan ay mga malalaking pusit at talaga namang sobrang itim ng mga ito dahil sa kanilang mga tinta.

Sa isang lugar kagaya sa amin, mayroon ding mga kakatwang kwento na lumalabas tungkol sa pusit.  Minsan daw ay mayroong isang mangingisda na nakahuli ng hindi gaanong karaming pusit.  Dahil sa alanganin ang dami nito para maibenta, inuwi na lang niya ang kanyang huli at agad na ipinaluto sa kanyang asawa.  Ang sarap ng pagkaluto ng kanyang asawa at agad silang kumain ng hapunan.  Habang kumakain sila ay merong bumabangabag sa kanila lalo na sa lalakeng mangingisda.  Hindi siya mapakali at pilit na hinahanap ang pinagmumulan ng kakasukang amoy.  Amoy tae daw kasi sa paligid.  Nang hindi niya makita ay balik hapag kainan siya.  Laking gulat na lang niya nang hiwain niya ang tiyan ng isang malaking pusit at doon na umalingasaw ng tuluyan ang amoy ng ebaks.  Yaikss.

Kung totoo man o hindi ang kuwentong ito, bago ako magluto ng pusit ay inaalam ko muna ang laman ng katawan nito.  Kadalasan sa mga natutuklasan kong laman ng tiyan nito ay ang buong isda na kanyang nakain o di kaya'y ang kanyang itlog.  At mas masarap ang lasa ng pusit kapag puno ng itlog ang kanyang tiyan.

Sunday, March 16, 2014

Siesta Time

Sa taong pagod at inaantok, walang basagan ng trip kung saan pwedeng magpahinga.  Hehe.

Sa siyudad, kung isa kang taong NPA (No Permanent Address) ay hindi mo na kailangang maging choosy pagdating sa tulugan.  Basta ba hindi ka nakakasagabal o nakaka-istorbo sa ibang tao, pasok na iyon.

Sadyang mahirap talaga ang makahanap ng isang lugar kung saan pwede ka matulog o maidlip nang hindi ka nag-alala sa iyong kaligtasan pati na ang iyong mga gamit.  Alam naman natin na hindi ka pwedeng makampante sa iyong paligid lalo na kapag marami kang dala-dalahan at kapag bagong mukha ka sa isang lugar.  Marami kasing mga bantay-salakay sa paligid at kung pwede ngang pati ang tao ay kukuhain nila ay tiyak nilang gagawin.

Kaya sa mga taong gustong mag-adventure sa siyudad at walang tiyak na matitirhan ay tamang diskarte lang ang kailangan.  Kung baga, ang mga taong nakakasurvive sa magulong siyudad ay dapat maging street smart.

Saturday, March 15, 2014

Pasaway na Driver

Naranasan mo na bang maiinis o di kaya'y maasar sa isang jeepney driver dahil lahat ata ng tao sa bangketa ay kanyang hinihintuan at niyayang sumakay sa minamaneho niyang jeep?  Parang adik lang ang dating ano?

Alam naman natin na mahirap ang trabaho ng isang jeepney driver.  Lalo na kapag mahina ang pasada, kailangan talaga nilang dumiskarte para makakuha ng maraming pasahero.  Sa mga terminal ng jeep ay talagang maiintindihan natin na kailangang mapuno muna ito bago lumarga.  Pero kapag wala sa terminal at ginagawang terminal ang bawat kanto ng kalye ay ibang usapan na yan.  Tapos makakasakay ka pa sa jeep na kung saan ang driver ay binubusinahan at kinakawayan ang lahat ng kanyang madadaan at pipiliting sumakay.  Parang timang lang ang drama.  Hehe.  Siyempre kung sasakay ang isang pasahero ay talagang papara ng jeep yan.  Hindi mo kailangang hintuan ng matagal at ayain na sumakay kung hindi naman sa ruta mo ang kanyang pupuntahan.

Hay, kung minsan talaga may mga pasaway ding mga driver.  Hindi alam kung paano lumugar at sa kagustuhan niyang makarami ay marami na rin siyang naaabala.  Dyahe naman kung babawiin mo ang binayad mo sa kanya tapos lilipat ka ng ibang jeep.  Baka magalit at bigla ka pang sagasaan.  Haha.

Friday, March 14, 2014

Lupok-lupok

Hindi ko alam ang actual na pangalan ng halaman na ito.  Kadalasan itong nakikita sa bukirin at mga bundok.  Para itong ligaw na halaman na kahit saan tumutubo.

Kinalakhan ko na ito at noong kabataan ko ay isa ito sa mga pinaglalaruan at kinakain namin.  Ang tawag nito sa amin ay lupok-lupok dahil ang bunga nito ay puwedeng papaputukin.  Kapag hindi pa hinog ang bunga nito ay kulay berde ang pabalat ng bunga nito pati na rin ang kanyang bunga mismo.  Kapag hinog na ay parehong nagkukulay dilaw na ang pabalat at bunga nito.  At kapag hinog na ito ay puwede nang kainin.  

Thursday, March 13, 2014

Honeybee

Meron akong kabarkada na nagtitinda ng mga prutas.  Ang kanyang kariton na puno ng prutas ay palaging nakaparada sa may kanto kung saan ay maraming tao ang dumadaan.  Sa tinagal-tagal ng panahon ay marami na siyang naging suki at kasama na dito ay ang mga honeybees.

Karamihan sa mga documentary shows na napapanood ko na tunggol sa mga honeybees ay ipinapakita nila ang pagkuha ng mga ito sa nektar ng mga bulaklak.  Ipinapakita doon kung papaano nila ituro ang direksyon sa iba pa nilang mga kasamahan at ilang saglit pa ay marami na silang sumusugod sa lugar na iyon.  Sadyang nakakagilalas ang paraan ng kanilang komunikasyon sa bawat isa.  At ang ginagamit nilang guide sa kanilang paglipad ay ang posisyon ng araw.

Sa madalas kong pagtambay sa kabarkada kong nagtitinda ng mga prutas ay palaging napapansin ko ang maraming honeybees na dumadapo doon kapag ang tinda niya ay pinya o pakwan.  Ang mga balat ng tinalupan niyang pinya o pakwan ay siyang pinagpipiyestahan ng mga honeybees na ito.  Hindi lang pala sila sa mga bulaklak kumukuha ng nektar kundi maging sa mga prutas kagaya ng pinya at pakwan.  Sa tuwing may dumadapong honeybee sa balat ng tinalupang pinya o pakwan ay tuwang-tuwa naman ako lalo na kapag nakakakuha ako ng close up shot sa kanila.  Sa kabutihang palad ay hindi pa naman ako natutusok ng karayom nila.  Hehe.

Wednesday, March 12, 2014

Bata sa Libingan

Sa aking pag-iikot sa loob ng libingan ay may nakita akong bata na pagala-gala rin.  Nag-iisa lang siya at marahil ay na-curious din kung ano ang ginagawa ko.  Taga-kabilang bakod lang pala siya ng libingan at meron daw isang lagusan mula sa kanilang tinitirhan papasok ng libingan.  Madalas daw silang gumagala dito at ito na ang kanilang ginagawang palaruan.  Napa-elibs naman ako sa batang ito at hindi natatakot gumala mag-isa sa loob ng libingan.  Habang ako ay panay ang kabog ng dibdib ko dahil sa takot na idinidikta ng isip kong mapaglaro, ang batang ito naman ay kampante na gumagala dito kahit mag-isa lang siya.  Hindi ko man lang siya nakitaan ng pagkatakot o pangingilag.

Dahil sa presensiya ng bata ay medyo lumuwag ang dibdib ko at nawala ang kaba ko.  Habang nag-iikot kami ay nakabuntot siya at panay ang tanong din sa akin.  Sa aming kakagala sa loob ng libingan ay nagsulputan ang iba pa niyang mga kasama.  Hindi ko tuloy maiwasang mangiti at mapabilib sa mga batang ito.  Ginawa na nilang parte ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang loob ng libingan na ito.  Halos araw-araw daw silang namamalagi at naglalaro dito dahil tahimik at walang nakikialam sa kanila.  

Sabagay, kung hindi naman talaga i-program sa isipan natin na dapat nating kakatakutan ang isang lugar ay hindi naman talaga ito nakakatakot.  Meron pa ngang mga sementeryo na ginagawang tirahan na ng ating mga kakabayan at sa mismong tabi o ibabaw pa sila ng nitso natutulog.  Minsan, kung saan ka pwedeng mabuhay kahit na kapiling mo ang mga patay ay gagawin mo para lang maka-survive.

Tuesday, March 11, 2014

Turon

Kapag simple lang ang pamatid-gutom mo at hindi ka naman masyadong pihikan, sa halagang 5 o 6 pesos ay makakaraos ka na.  Takbo ka lang sa may kanto ay tiyak may nagtitinda na ng turon.

Madali lang naman kasi gawin ang turon.  Isa o dalawang piraso na maninipis na hiwa ng hinog na saging na saba, sabay sasamahan ng kapiranggot na strip ng hinog na langka, ibabalot sa lumpia wrapper, ilulublob sa kumukulong mantika, at bubudburan ng asukal. Ilang sandali lang ay may mainit at masarap na turon ka na.

Kadalasan ay isa o dalawang order ng turon ay busog ka na.  Mabigat kasi sa tiyan ang saging na saba.  Tapos ang bawat pagkagat mo ay susundan mo ng inum ng tubig.  Sigurado, panalo ka sa kabusugan sa murang halaga lang.

Monday, March 10, 2014

Ligawan

Ang isa daw sa pinaka-best part ng isang relationship ay ang pagliligawan.  Sa pagliligawan ay mae-experience natin ang lahat ng kilig at kasiyahan na siyang nagpapakabog ng ating puso.  Lahat na ata ng mga masasayang sandali at alaala ay laging nagsimula sa ligawan.  Kaya nga nauuwi sa totohanang relasyon ang namamagitan sa dalawang taong nag-iibigan dahil malamang ay naging maganda ang takbo ng kanilang pagliligawan.

Iyon nga lang at kapag tumatagal na ang relasyon ng magsing-irog, ang ligawang nangyari dati ay unti-unti nang nababawasan.  Para bang habang tumatagal ay nababawasan na rin ang kilig.  Siguro dahil kayo na nga at ang susunod na stage ay makilala pa ng todo ang isa't-isa.  At ang masaklap pa ay dumadating ang panahon na ang mga nakagawian na mga ligaw styles dati ay tuluyan nang naglaho.

Ganoon talaga siguro ang isang relasyon.  Maraming mga stages ang pinagdadaanan at patuloy na pinagdadaanan.  Wala kasing kasiguraduhan ang lahat at dapat ay patuloy itong magawan ng paraan ng bawat isa na panatilihin itong exciting at masaya para mas lalo pang tumibay ang samahan.  Pero iyon nga, ang pinakaunang stage kung atin lang babalikan ay siyang pinakamasaya at pinakakilig sa lahat.  Malamang kung kaya nating ma-maintain ang ganitong stage ng ating relasyon kahit na tumanda na tayo ay tiyak na ang bawat araw na lumilipas ay puno pa rin ng kilig at sweetness.  Hehe.  Cheesy moment ito.

Sunday, March 9, 2014

Binyag

Kumakailan lang ay dumalo ako sa isang binyag kung saan ay inimbitahan ako.  Akala ko ay bisita lang ako subalit instant ninong pala ako.  Haha.  Ang galing ng kumpare ko at doon lang sinabi na ninong daw ako.

Sa okasyong iyon ay nagkita-kita kami ng mga matagal ng kaibigan at kakilala.  Isa ito sa mga okasyon na pwede kaming magkasama dahil na rin abala ang bawat isa sa trabaho at iba pang mga personal na dahilan.  At sa tuwing magkikita ay maraming mga alaala ang siyang bumabalik at paulit-ulit na pinagkukuwentuhan.

Mapalad siguro tayo na magkaroon ng mga kaibigan na maituturing natin na yaman ng ating buhay.  Kahit na lumipas pa ang mahabang panahon at kahit na hindi madalas ang pagkikita, kapag dumadating ang mga espesyal na sandali sa buhay ng isa't isa ay nagtitipon ang lahat para dumalo.  Isa itong bagay na bumubuo at nagpapanatili ng isang matibay na samahan.

Sa aking mga kaibigan, salamat sa pambihirang pagkakataon na ito at ganoon na din sa patuloy na pagpapahalaga at pagpapaalab sa ating samahan at pagkakaibigan.    

Saturday, March 8, 2014

Spaghetti

May kasabihan na ang pancit daw ay pampahaba ng buhay.  Kaya ang pagkain na ito ay madalas na nakikita natin sa mga hapag-kainan.  Pero may narinig na ba kayong ang spaghetti ay pampahaba din ng buhay?  Haha.

Dahil sa impluwensiya ng mga Tsino kaya't nakahiligan at inadopt na rin natin ang maraming aspeto ng kanilang kultura at kasama na nga dito ang pagkain ng pancit.  Dahil sa mahahabang hibla ng pancit ay pinaniniwalaan ng mga Tsino na pampahaba ito ng kanilang buhay.  Pero ang paniniwalang ito ay tanging sila lang ang nagpapalaganap.

Sa paglipas ng panahon ay naiimpluwensiyahan na rin tayo ng kulturang kanluranin.  Pati ang pagkaing kanluranin ay swak na rin sa ating panlasa.  At sino nga naman ang tatanggi kapag spaghetti na ang kakainin?

Kung ang pancit ay pampahaba ng buhay dahil sa mahabang hibla nito, bakit hindi natin nakaringgan na ganoon din ang spaghetti?  Dahil ba ang  pancit ay gawang Tsino at ang spaghetti ay galing sa mga puti?  Kailan kaya isasali ng mga Tsino ang spaghetti sa kanilang listahan ng pagkain bilang pampahaba ng buhay?  Wala pong magagalit at simpleng nagtatanong lang. :)

Friday, March 7, 2014

Bonding Moment

Masuwerte ang mga batang lumaki kapiling ang kanilang mga magulang at ganoon din ang kanilang mga lolo't lola.  Kadalasan ay buhos ang pagmamahal sa mga bata na galing sa kanilang lolo at lola.

Ang sabi nga ay masyadong emotional ang mga matatanda at sobrang buhos din sila magmahal.  Hindi man nila sasabihin ito ay maging sila man ay gustong mahalin din sila ng lubos.

Dahil nga may edad na sila at wala nang masyadong ginagawa pa, ang pagkakaroon nila ng apo ay isa sa mga bagay na talagang kinakagiliwan.  Kadalasan ay mas spoiled pa ang mga apo kumpara sa kanilang mga anak.  Malamang ay malaking bagay ang palaging pagkakaroon ng bonding moment ng maglolo o maglola kumpara sa mag-ama o mag-ina.

Nang masulyapan ko ang maglolo na ito ay lihim akong humanga sa kanila.  Naisip ko na masuwerte ang batang ito at naranasan niya na magkaroon ng lolo at maipadama ng matanda ang pagmamahal nito sa kanya.  Sa murang edad ng bata ay hindi pa niya maiisip ito subalit pagdating ng panahon, tiyak na isa ito sa mga bagay na ipagmamalaki niya at hindi kailanman mabubura sa kanyang isip.

Thursday, March 6, 2014

Daya

Bakit madadaya tingnan ang mga pictures at promotional food items ng mga resto at food chains?  Hindi ba nila isinasapuso ang katuturan ng "truth in advertising?"  Bakit mukhang naguguyo ng iba ang kanilang mga customers?

Kadalasan, kapag pumapasok tayo sa resto o fast food ay madalas nating tingnan ang mga pictures na nakapost sa counter o di kaya'y sa menu.  Kapag hindi tayo sigurado sa ating oorderin ay malaking bagay ang ginagampanan ng mga pictures ng pagkain.  Kaya nga ganoon na lang ang paggastos ng mga ito pag dating sa kanilang commercials at promotional gimiks para sa kanilang mga pagkain.

May mga pagkakataon na sobrang nakakadismaya lang at pakiramdam natin ay natanso tayo sa pagkaing ating inorder.  Minsan ay iba ang hitsura at sobrang nakakatakam ang nasa picture tapos pag atin na itong na order ay iba din ang hitsura nito.  Kung pwede nga lang na picture na lang ang orderin ay ginawa na natin basta ba pwede itong kainin.  At ang mahirap pa ay sobrang mahina ang sistema sa ating bansa pagdating sa reklamo tungkol sa mga karapatan natin pagdating sa mga "deceiving tactics" ng ibang mga resto o fast food chains.

Wednesday, March 5, 2014

Hopia

Isa marahil sa mga masarap na kainin ay ang hopia.  Nakalikahan ko rin kasi itong kainin at ang mga unang hopia na nakain ko ay matigas ang dough o tinapay.  Sa totoo lang, isa din ata ang hopia sa mga halos hindi nagbabago ang anyo sa mga lugar kung saan mura lang ang benta nito.  At malamang ay makakarelate kayo sa salaysay ko kapag nakakain na kayo ng Tipas brang ng hopia.

Meron akong kaibigan na sa tuwing maliligaw sa Quiapo ay palagi siyang nag-uuwi ng hopia sa kanila.  Ang Master Hopia kasi sa Quiapo ay isa sa mga nagluluto ng masarap na hopia.  Madalas ay marami ang dumadayo dito para lang makabili ng kanilang hopia.  At kapag maligaw kayo dito ay talaga namang sobrang daming varieties ng hopia na mapagpipilian.  

Ayan, tulo-laway tuloy ako sa post na ito.  Malamang ay biglang maligaw na lang ako sa Quiapo at kapag magawi ako sa lugar ng Master Hopia ay tiyak na foodtrip ulit ako.

PS.  Wala silang flavor ng hopia na pusa ang palaman.  Hehe.

Tuesday, March 4, 2014

Manhole

Isa sa mga problema na hindi matapos-tapos sa isang matao at progresibong siyudad gaya ng Manila ay ang nakawan ng takip ng manhole.  Kadalasan ay iisa lang ang itinuturong culprit sa gawaing ito.

Dahil purong bakal ang takip ng manhole at madali itong tanggalin ay isa ito sa mga malimit na target ng mga taong nagkakalakal.  Mahal kasi ang presyo nito kapag kanilang ibinenta.  Tapos ang mga may ari ng junk shop ay sila naman ang agad na pinagbibilhan ng mga nagkakalakal sa mga nakuha nilang takip ng manhole.  Masyado din silang naglalaway sa kanilang tutubuin sa takip ng manhole at kahit na ipinagbabawal ang pagbili nito ay pikit-mata nilang tinatapatan ng pera ang gawaing ito ng mga nagkakalakal.  Kaya't para na rin nilang sinusuportahan ang maling gawaing ito.

Ilan pa kayang disgrasya at buhay ang malalagay sa alanganin bago maisip ng mga taong kumukuha ng takip ng manhole ang kanilang maling gawain.  Mas matindi ba ang tawag nang kumakalam na sikmura kumpara sa disgrasyang maidudulot nila sa ibang tao?  Sabagay, kapag survival na ang pinag-uusapan (kahit sa mga edukado at matataas pang tao) ay walang sinisino ang kapakanan ng ibang tao.

Monday, March 3, 2014

Dugo

Noong una ay takot talaga ako sa karayom.  Ang karayom na tinutukoy ko ay ang karayom na ginagamit sa pagkuha ng dugo.  

Dati ay bibihira lang talaga ako maka-encounter ng doktor dahil hindi naman ganoon ako malimit na magkakasakit.  Nang dumating ang panahon na napapadalas na ang dalaw ko sa doktor dahil sa required check up o di kaya'y nagkakasakit ay doon ko natutunan na makipagtuos sa karayom.

Dati rati ay malakas ang kabog ng dibdib ko sa tuwing kinukuhaan ako ng dugo.  Malaki kasi ang karayom at sa pagtusok pa lang sa braso mo lalo na kapag hindi marunong ang nurse ay masakit ito.  Dati rati ay kunwari iniiba ko pa ang usapan para lang malihis ang atensiyon ko sa gagawing pagkuha ng dugo sa akin.

Ngayon ay parang balewala na ito sa akin.  Ngayon ay natitingnan ko na ang proseso habang kinukuhaan ako ng dugo at habang pinupuno ang tubo ng aking dugo.  Kailangan lang pala magiging madalas ang paggawa nito para ma immune ka sa kaba at sakit na dulot nito.

Sunday, March 2, 2014

Brownies

Bakit ang brownies ay tinatawag na brownies?  Dahil ba ito sa kulay nila?  E kung ang kulay nila ay blue, tatawagin ba silang bluenies o pag red ay rednies?  Hehe.

Dahil sa mahilig ako sa chocolates, ang isang masarap, nakakatakam, at irresistible na pagkain gaya ng brownies ay tiyak na hindi ko ito papalampasin.  Marami-rami na akong natikman na brownies.  Ang pinakagusto ko sa lahat ay yaong malambot ang dough, merong halong nuts, at pati na rin ng choco flakes.  At ang pinaka the best sa lahat ay mayroon itong choco syrup.  Wow lupet!  Hehe.

Saturday, March 1, 2014

Sigarilyo

Meron akong isang kaibigan at kasama sa trabaho na naninigarilyo.  Grabe!  Sobrang cool niya tingnan kahit na hawak pa lang niya ang sigarilyo.  Gustong-gusto ko ang ginagawa niyang paglalaro ng sigarilyo sa kanyang mga daliri.  

Bibihira lang akong makakita ng taong naninigarilyo na sobrang galing humawak ng sigarilyo.  Nakakaengganyo siyang tingnan at sa hindi inaasahang pagkakataon ay sinubukan kong manigarilyo.

Kahit noong una pa man ay wala talaga sa listahan ko ang tumikim ng sigarilyo.  Sinabihan na rin ako ng kapatid ko na mas mabuti pang uminum kesa manigarilyo.  Bilang masunurin na kapatid ay sinunod ko naman ang kuya ko.  Pero nang makasama ko ang kaibigan kong iyon ay sinubukan dahil sa tingin ko ay pampadagdag pogi points iyon.

Siyete, otso, nuwebe ang nangyari.  Napaubo ako sa unang hithit ko pa lang.  Ganoon daw talaga kapag newbie at hindi pa marunong lumunok at bumuga ng usok ng sigarilyo.  Tapos naramdaman ko na biglang lumagkit ang lalamunan ko at kakaiba ang laway ko.  Napaubo ako at nang magtakip ako ng bibig ay naamoy ko ang daliri ko.  Siyete otso ulit at ang baho ng daliri ko.  Haha.  Ayun at tinapon ko ang hawak na sigarilyo at ipinangako ko sa sarili ko na hindi na ako hahawak at titikim noon.