Sa aking pag-iikot sa loob ng libingan ay may nakita akong bata na pagala-gala rin. Nag-iisa lang siya at marahil ay na-curious din kung ano ang ginagawa ko. Taga-kabilang bakod lang pala siya ng libingan at meron daw isang lagusan mula sa kanilang tinitirhan papasok ng libingan. Madalas daw silang gumagala dito at ito na ang kanilang ginagawang palaruan. Napa-elibs naman ako sa batang ito at hindi natatakot gumala mag-isa sa loob ng libingan. Habang ako ay panay ang kabog ng dibdib ko dahil sa takot na idinidikta ng isip kong mapaglaro, ang batang ito naman ay kampante na gumagala dito kahit mag-isa lang siya. Hindi ko man lang siya nakitaan ng pagkatakot o pangingilag.
Dahil sa presensiya ng bata ay medyo lumuwag ang dibdib ko at nawala ang kaba ko. Habang nag-iikot kami ay nakabuntot siya at panay ang tanong din sa akin. Sa aming kakagala sa loob ng libingan ay nagsulputan ang iba pa niyang mga kasama. Hindi ko tuloy maiwasang mangiti at mapabilib sa mga batang ito. Ginawa na nilang parte ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang loob ng libingan na ito. Halos araw-araw daw silang namamalagi at naglalaro dito dahil tahimik at walang nakikialam sa kanila.
Sabagay, kung hindi naman talaga i-program sa isipan natin na dapat nating kakatakutan ang isang lugar ay hindi naman talaga ito nakakatakot. Meron pa ngang mga sementeryo na ginagawang tirahan na ng ating mga kakabayan at sa mismong tabi o ibabaw pa sila ng nitso natutulog. Minsan, kung saan ka pwedeng mabuhay kahit na kapiling mo ang mga patay ay gagawin mo para lang maka-survive.
No comments:
Post a Comment