Thursday, March 13, 2014

Honeybee

Meron akong kabarkada na nagtitinda ng mga prutas.  Ang kanyang kariton na puno ng prutas ay palaging nakaparada sa may kanto kung saan ay maraming tao ang dumadaan.  Sa tinagal-tagal ng panahon ay marami na siyang naging suki at kasama na dito ay ang mga honeybees.

Karamihan sa mga documentary shows na napapanood ko na tunggol sa mga honeybees ay ipinapakita nila ang pagkuha ng mga ito sa nektar ng mga bulaklak.  Ipinapakita doon kung papaano nila ituro ang direksyon sa iba pa nilang mga kasamahan at ilang saglit pa ay marami na silang sumusugod sa lugar na iyon.  Sadyang nakakagilalas ang paraan ng kanilang komunikasyon sa bawat isa.  At ang ginagamit nilang guide sa kanilang paglipad ay ang posisyon ng araw.

Sa madalas kong pagtambay sa kabarkada kong nagtitinda ng mga prutas ay palaging napapansin ko ang maraming honeybees na dumadapo doon kapag ang tinda niya ay pinya o pakwan.  Ang mga balat ng tinalupan niyang pinya o pakwan ay siyang pinagpipiyestahan ng mga honeybees na ito.  Hindi lang pala sila sa mga bulaklak kumukuha ng nektar kundi maging sa mga prutas kagaya ng pinya at pakwan.  Sa tuwing may dumadapong honeybee sa balat ng tinalupang pinya o pakwan ay tuwang-tuwa naman ako lalo na kapag nakakakuha ako ng close up shot sa kanila.  Sa kabutihang palad ay hindi pa naman ako natutusok ng karayom nila.  Hehe.

No comments:

Post a Comment