Friday, February 28, 2014

Langaw

Bakit nga ba ginawa ang langaw kahit na ang turing natin dito ay isang peste?

Minsan ay napadaan ako sa isang tambakan ng basura sa may tabing kalsada.  Ang makulit na kasama ko ay binulabog pa ang mga langaw na kasalukuyang nagpipiyesta sa mga nabubulok at mabahong basura na nandoon.  Bad trip ika nga dahil biglang nagliparan ang mga langaw at tumakbo kaming papalayo sa bahaging iyon ng kalsada.  Haha.  Baliw talaga ang kasama kong iyon.

Ang isang logical na naisip ko kung bakit ginawa ang langaw ay para ipaalam sa atin na marumi ang ating paligid dahil sa basurang ating ikinakalat.  Siguro ito marahil ang purpose ng mga langaw na kahit hindi man sila nagsasalita ay ipabatid sa atin na kailangan nating linisin ang ating kapaligiran.  Nandidiri man tayo sa kanilang presensiya ay wala tayong magagawa dahil sa ating kapabayaan kaya't sila ay dumadami at naghahatid pa ng sakit.  Malamang kung alam natin ang salitang madumi, dugyot, at nakakarimarim ay pwede din tayong matawag na langaw kapag nagiging pabaya na tayo at nagiging sanhi tayo para dumumi ang ating kapaligiran.  Kaya't kung matawag kang langaw ay alam mo na kung anong klaseng tao ka.

Thursday, February 27, 2014

Halo-halo

Kapag dumadating na ang panahon ng tag-init ay muling magsusulputan ang mga halo-halo carts sa bawat kanto.  Patok kasi itong pamatid uhaw.

Doon sa may kanto, malapit sa bahay, may paborito akong bilihan ng halo-halo.  Paano ba naman, kalahati ng baso ay sari-saring mga ingredients ang kanilang inilalagay.  Ang kalahati nito ay kinayod na yelo na.  Pagkatapos ay may toppings pa na minatamis na langka, ube, at leche flan.  O, laban ka?  Hehe.  Tapos, kapag bitin ka sa gatas ay pwede ka pang magrequest ng additional na gatas for free.  Pwede ding haluan mo pa ng asukal kung talagang adik ka sa matamis.  Panalo ang halo-halo ng suki ko sa halagang 20 pesos lang.

Ang galing nga ng nakaisip nito.  Basta lahat ng mga minamatamis na pagkain ay pwedeng maging sangkap ng halo-halo.  Sa probinsiya namin, ang red beans ay ginagawa naming gulay na gaya ng monggo.  Pero pagdating dito sa siyudad ay pang merienda ang turing nila dito.  Hindi pa nga ako nakakita ng kainan o karinderya na nagluluto ng red beans bilang gulay.  Kapag galing kami ng probinsiya ay kadalasang may mga dala kaming iba't ibang klaseng beans.  At kung magluto kami nito na kasama ang ibang gulay, ang akala ng mga kapitbahay namin na inaabutan namin ng lutong gulay ay pang merienda ito dahil sa presensiya ng red beans.  Hehe.

Balik tayo sa halo-halo.  Minsan ay tinanong ko ang suki ko kung bakit may ritwal siyang sinusunod sa paglagay ng mga sangkap.  Bakit dapat mauna ang ganito at huli ang ganoon?  Bakit kailangang may toppings pa kung hahaluin din naman tapos bababa ang toppings kasama ang iba pang mga sangkap?  Nabigla ata ang suki at hindi inaasahan ang tanong ko.  Nangiti na lang siya sabay sabi ng "basta" kasi iyon na ang nakasanayan niya.  Hehe.  I rest my case na lang at baka hindi na ako makalibre ng dagdag na sangkap sa halo-halo ko sa mga susunod pang pagkakataon.  Haha.

Wednesday, February 26, 2014

10

Simpleng kababawan lang ng trip kung bakit nakuhaan ko ito ng picture.  Kasalukuyang nakapaikot sa mesa ang mga kasamahan ko at meron silang binubuting na kung ano at sa paglingon ko sa kanila ay ito agad ang napansin ko.

Kung ikaw ang papipiliin, ano ang mas trip mo - payatot o sobrang taba?

May mga tao na kahit anong gawin nila ay sadyang maliit ang built ng kanilang katawan.  Ang biro nga ng iba ay may bulate sila sa katawan dahil hindi sila tumataba.  Kahit na sabihing matakaw naman sila kumain ay hindi talaga sila tumataba.  

May mga tao ding walang kahirap-hirap magpataba.  Kahit na kaunti lang ang kanilang kinakain ay mabilis na lumubo ang kanilang katawan.  Meron din naman na sadyang ganado lang kumain at ito na ata ang kanilang favorite past time, ang kumain.

Sabi nga, hindi naman importante kung payat ka o mataba.  Ang mahalaga ay kumportable ka sa katawan mo, hindi mo ito ikinakahiya, at higit sa lahat ay wala kang sakit.  Iyon nga lang ay dapat medyo maghanap ka rin ng isang ka-partner na hindi masyadong magkakalayo ang built ninyo dahil kapag matulad kayo sa mga taong nasa litrato, palagi kayong magmumukhang 10 tingnan.  Hehe.

Tuesday, February 25, 2014

Sa Monumento ni Ninoy

Minsang napagawi ako sa monumentong iyon ni Ninoy sa may QC.  Maganda ang pagkagawa ngunit parang hindi kamukha ni Ninoy ang estatwa doon.  Palaging maayos at malinis ang harapan ng bantayog na iyon.  Pero napa-ngeee ako nang makita ko ang likuran ng bantayog na iyon.  Lalo na kapag dumating ang takipsilim.  Ginagawang hang-out o tulugan ng mga taong nakatira sa kalye ang likurang bahagi nito.  Kahit na nasa gitna sila ng kalsada ay wala silang pakialam sa mga taong dumadaan doon.  Ang importante ay meron silang matutulugan.

Wala naman ako sa posisyon para husgahan ang mga taong tumatambay doon.  Malamang ay nagpupumilit lang din silang makisabay sa agos ng buhay sa siyudad para sila at ang kanilang pamilya ay mabuhay din.  Dahil sa mahal ng upa sa mga bahay, ultimong parang kahon ng posporo sa laki ay mahal ang upa, sadyang isang malaking ginhawa sa kanila ang magkaroon ng ganitong lugar para man lang makapagpalipas ng gabi at ng kanilang antok.  Pero imagine na lang kung ang bawat makikipagsapalaran sa Maynila ay ganito ang gagawin.  Ang mga public places ay gagawin nilang kanilang tulugan at pahingahan.  Tiyak isang napakalaking problema ito para sa gobyerno natin.  At malamang kung buhay si Ninoy at makita niya ang natutulog na isang ito sa pampublikong lugar at sa kanyang bantayog pa mismo, masasabi pa kaya niyang "The Filipino is worth dying for?"

Monday, February 24, 2014

McDo Coffee Float

Buti na lang at nauso ang coffee float.  Kahit hindi kami magkita ng kape ay okay lang.  Eto iyong tipo n a kahit hindi kami magkita o magkasalubong ay hindi ko siya mamimiss.  Hehe.

Dahil mahilig ako sa sweets ay hindi ko nakahiligan ang uminum ng kape.  Pero kapag choco drink ang ibibigay mo sa akin, tiyak abot-tenga ang ngiti at todo ang pasasalamat ko.  Pag kape naman ay pass ako diyan.

Nang mauso ang coffee float, mas gusto kong inumin ang kape na malamig tapos may choco syrup.  One time ay pinalagyan ko ang aking order ng kaunting yelo.  Ayun, sobrang pait.  Haha.  Ang tapang pala ng kape ng McDo.  Parusa tuloy ang aking bawat pag-inum dahil ang pait to the max.  Kaya pala pag naglagay sila ng yelo ay halos kalahati ng baso.  Style kaya nila iyon para dumami ang benta nila?  Hehe.  Nagtatanong lang po.

Nang sumunod na pagbili ko ng coffee float ay nagrequest ako sa counter na dadagdagan ng choco syrup.  Mabuti at mabait ang nasa counter at pinagbigyan naman ako.  Ayun, nasa alapaap na naman ako dahil sa sarap.  Talagang masasabi kong lab ko kahit papaano ang coffee float ng McDo.

Sunday, February 23, 2014

MacArthur Landing Site

Mayo 2013 ang huling bisita ko sa Leyte.  Mabuti na lang kamo at hindi ako bumalik doon noong bagyong Yolanda at kung nagkataon ay tiyak isang malaking bangungot ang inabot ko.  Pero naranasan ko rin ang bagsik ni Yolanda dahil inabot din kami ng signal number 4 sa probinsiya pero hindi ganoon katindi ang inabot naming pinsala.

Noong nandoon ako sa Leyte ay nagkaroon kami ng pagkakataon na maligo sa dagat na katabi lang ng landing site na ito.  Dahil bago sa lugar ay inikot ko ito at napadpad nga kami sa shrine ni MacArthur.  Siyempre pa at mga bata ang kasama ko, excited silang magpakuha ng picture kahit na taga doon din sila.

Mabilis na lumusong ang mga bata sa mga higanteng rebulto nina MacArthur.  Maya't maya pa ay sinita na kami ng isang tao.  Hindi naman siya pulis o anumang kawani ng gobyerno.  Siya ay isang photographer na rumaraket sa lugar.  Bawal daw lumusong doon at kailangan mo ng bota para makalusong at para daw hindi dumumi ang tubig na ng mga sandaling iyon ay nilulumot na at may mga basura na rin sa paligid.  Haha.  Natawa na lang ako sa kanyang paninita dahil nga nakakaraket siya sa pagpapahiram ng mga bota at sa pagkuha ng mga litrato ng mga bisita doon.  At katulad ng dati,  nagpanggap na lang ako na hindi ko siya naiintindihan at deadma na lang kung ano man ang sinasabi niya.  Wala din namang siyang nagawa at kaagad din naman kaming umalis pagkatapos magpakuha ng pictures.  Kung baga e, para-paraan lang iyan.  Hehe.

Saturday, February 22, 2014

Deds

Minsan ay nakakita ako ng mga taong nagkakagulo.  Pagkababa ko pa lang ng jeep ay maraming mga tao ang nakapalibot sa kung ano man iyon sa gitna ng kalsada.  Nakiusyuso din ako at narinig ko sa mga miron na meron daw isang lalakeng estudyante na nasaksak ng holdaper dahil ayaw ibigay ang kanyang celphone.  Nakipag-agawan daw siya sa holdaper kaya't ang ending ay nasaksak siya at namatay.  Ang kanyang celphone ay natangay din.

Dahil dala ko ang aking kamera ay gusto kong lumapit at makita ang nakabulagta sa gitna ng kalsada kung saan ay maraming nakapaligid na mga tao.  Gusto kong makuhaan ito ng litrato ala using-reporter kuno.  Haha.  Mga ilang hakbang papalapit sa pinangyarihan ng aksidente ay biglang pihit na agad ang mga paa ko.  Nakita ko agad ang itim na pares na mga sapatos ng biktima at agad na nabulabog ang utak ko sa posibleng kakahinatnan ko.  Malamang kung makuhaan ko ito ng litrato ay hindi ako makakatulog ng madaming mga gabi.  Haha.  Eto ang madalas kong problema kapag patay na ang usapan.  Patay kang bata ka pagdating na ng gabi at oras nang matulog.  Ang mukha kasi ng patay, lalo na kapag hindi ko kakilala o hindi malapit sa akin, ay nananatiling nakarehistro sa isipan ko ng mahaba-habang panahon.  Kaya ayun, hindi na ako nagmatapang pa.  Diretso uwi na lang para wala na akong poproblemahin sa aking pagtulog.

Friday, February 21, 2014

Dessert

Malaking bagay talaga ang magkaroon ng dessert o panghimagas.  Minsan ay nakakatulong ito pantanggal umay sa iyong kinain lalo na kapag mamantika ang halos karamihan sa mga nakain mo.

Madalas ay trip ko ang matamis na panghimagas dahil nga mahilig talaga ako sa matamis.  Mapakendi o salad o ice cream ay wala akong hihindian dito.  Kapag may prutas ay hindi ko rin ito tatanggihan lalo na kapag paborito ko ang mga ito.  

Ang sarap kasi sa pakiramdam na merong dessert o panghimagas dahil nakakadagdag ito sa kaginhawaan ng iyong tiyan.  Pero ibang usapan naman kapag sobrang puno na ang iyong tiyan na halos hindi ka na makahinga sa kabusugan at kakain ka pa ng dessert.  Ang tawag doon ay dupang na.  Hehe.

Thursday, February 20, 2014

Old Skul

Ang nanay namin ay napapabilang sa old skul.  Maraming mga bagay-bagay ang kanyang sinusunod at mayroon din siyang mga paniniwala na siyang kinagisnan niya.  Minsan ay masarap mag-usisa pero gaya ng mga nakaugalian noong unang panahon, ang kanilang motto ay basta sumunod ka na lang at wala namang mawawala sa iyo.  Hindi na raw kailangang magpaliwanag pa dahil para naman sa ikakabuti ng lahat.  Hehe.

Minsang naospital si nanay at nagkaroon ng major operation.  Siyempre pa ay aligaga kaming lahat kasi hindi naman sanay maospital iyon at may kaba kami kasi nga may nerbiyos ang tao.  Sa awa naman ng Diyos ay matiwasay siyang nakaraos at hindi rin nagtagal ay gumaling siya.

Habang naka-confine siya sa ospital ay dinalhan ko siya ng isang bouquet ng puting rosas.  Hala!  Biglang umayaw siya sa mga bulaklak na dala ko.  Ang sabi niya ay hindi pa raw siya patay para dalhan ng bulaklak.  Hehe.  Iba talaga ang paniniwala ng nanay namin.  Ang sabi ko naman ay sa buhay ibinibigay ang mga bulaklak para ma-appreciate nila ito at hindi sa patay.  Ano naman ang gagawin  ng patay sa bulaklak?  Malamang ay hindi nabigyan ng yumao naming tatay ng bulaklak ang nanay namin kaya't ganoon na lang ang pag-ayaw niya sa dala ko.  O baka naman ay ganoon talaga ang mga paniniwala sa amin na kapag may dala kang isang bouquet ng bulaklak ay dapat pang patay lang ito.  Maya't-maya pa ay nagsabi siya na ialay na lang daw ito sa simbahan.  Haha.  Ang ending, wala din naman siyang nagawa at nandoon lang ang bulaklak sa ibabaw ng mesang katabi ng kanyang hospital bed hanggang sa siya ay makalabas ng hospital.

May kanya-kanya talaga tayong paniniwala at kapag embedded na ang paniniwalang ito sa isang tao ay mahirap nang mabago.  Kahit na ano pang paliwanag ang gagawin mo ay pahirapan talagang magbago ang pananaw niya at talagang mahirap itong magbago pa.  Kahit pa nga may mga paliwanag doon sa mga paniniwala nila ay sadyang nakatuon pa rin sila sa kanilang old skul na nakagisnan.  

Happy birthday nga pala sa nanay ko.  Nagdiriwang siya ng kanyang 82nd birthday ngayon.  Maligayang kaarawan, mahal naming Nanay.

Wednesday, February 19, 2014

Bangaw

May mga bagay-bagay sa ating paligid na sadyang kakaiba at kakatuwa kung ito ay atin lang makikita.  

Malamang ay nakakadiri at nakakapanindig balahibo na agad ang ating mararamdaman kapag usapang bangaw na.  Paano ba naman kasi ay wala itong sinasantong lugar na pagdadaupuan at sadyang mahilig talaga ito sa alingasaw ng nabubulok at mabahong mga bagay.  Lahat na ata ng mga kadiring bagay ay pinagpipiyestahan ng mga insektong ito.  Pero kung peste ang turing sa mga kagaya nila, bakit kaya kasama sila sa nilalang ni Lord?  Marahil ay meron din silang silbi na hindi lang natin matanggap na kapaki-pakinabang rin.

Katulad ng iba pang mga nilalang sa mundo, kailangan din ng mga bangaw ang magparami.  Kung tayong mga tao kaya ay pwedeng maging bangaw at kasalukuyan tayong nakikipagtalik sa ating kapareho, ano kaya ang pakiramdam na lumilipad kayong mag-partner sa ere habang patuloy ang pagtatalik ninyo?  Hmmmm.  Sounds exciting.  Hehe.  Sa muli po, no malice intended.  Curious mind lang po kung bakit naisipan ko ang bagay na ito.

Tuesday, February 18, 2014

Ice Tea with Cream

Minsan ay wala akong magawa.  Kapag nasa bahay lang at medyo nababagot na, naglalakbay ang aking utak sa pwedeng makain.  At kung makakatamaran ang paglabas, kung ano ang meron sa cabinet iyon ang aking pagtitiyagaan.

Kapag naghanda ako ng pagkain ay sinisiguro ko na kaya ko itong kainin.  Kahit na hindi ito masikmura ng iba, basta ako ang naghanda ay talagang kakainin ko ito kahit na ano man ang mangyari.  Katulad na lang ng kumbinasyon ng ice tea at creamer.

Ewan ko ba kung bakit gumana ang imahinasyon ko na pagsamahin ang dalawang ito.  Trip lang baga.  Wala namang todo seremonyas sa paghanda nito.  Tutunawin lang naman sa malamig na tubig ang powder ng ice tea at ihahalo pagkatapos ang creamer.  Mas maganda kung merong ice na kasama para masarap.  At hindi nga ako nagkamali.  Masarap nga ang kumbinasyon ng dalawa.  Bago sa panlasa ko ang dulot ng mga ito at talagang sarap na sarap ako.

Iyon nga lang at may side effect ang kumbinasyon ng ice tea at creamer.  Ang bilis mag-alburuto ang tiyan ko.  Para tuloy akong nagcleansing diet sa nangyari.  Haha.

Monday, February 17, 2014

Uhog

Lahat naman yata tayo, lalo na  noong mga paslit pa tayo, ay nakaranas na sipunin o uhugin.  Malamang ay may naging kaklase o kalaro tayo noon na ayaw tantanan ng sipon at basa lagi ang kanyang ilong.  Malala na ang kanyang sipon kapag nakikitaan na ito ng pamumula sa ilong kung saan dumadaloy ang kanyang sipon.  At palibhasa'y bata, hindi pa ganoon ka-conscious sa kanyang sarili at personal hygiene kaya't halos buong araw na lumalabas-masok sa kanyang ilong ang maninilaw-nilaw na uhog na akala mo ay isang gel o uod.  Haha.  Tapos kapag kanya itong pupunasan ay gamit pa ang kanyang bisig.  Makikita mo pagkatapos na nakadikit sa kanyang bisig hanggang kamay ang kanyang uhog at saka niya ito ipupunas sa kanyang damit.  Pagkatingin sa iyo ay may nakaguhit ding uhog mula sa kanyang ilong at halos umabot pa sa kanyang tenga.  Yaiks.  Pero ganoon talaga pag bata.  Hindi pa alam kung papaano ang pagsinga ng tama at muli ay hindi pa nahihiya sa kanyang ayos lalo na kapag kasagsagan ng kasarapan sa kanyang paglalaro kasama ang kanyang mga kaibigan.

Naalala ko tuloy ang aking Grade 2 teacher.  Mayroon akong kaklase na sipunin noon at paborito niya itong punahin.  Ewan ko ba kung joke lang niya iyon kapag sinisita niya ang aking kaklase.  Madalas naming marinig sa kanya ang salitang, "Punasan mo ang uhog mo at malansa ang amoy.  At huwag kang masyadong uminum ng gatas kasi ang sobra ay lumalabas sa ilong mo."  Haha.

Sunday, February 16, 2014

Mata

Ang mata daw ay bintana ng kaluluwa ng isang tao.  Sa pamamagitan ng mga mata ng isang tao ay makikilala mo kung totoo at tapat siya sa iyon.  Gaano kaya katotoo ito?

Kapag gusto mo raw malaman na sincere at totoo ang taong kausap mo, ang mga mata niya ang siyang magiging barometro mo.  Habang kausap mo siya ay tumingin ka sa kanyang mga mata at doon mo malalaman kung anong klaseng tao ang siyang kausap mo.

Pero sabi nga, there is an exception in every rule.  Paano?  

Kapag mahiyain ang kausap mo ay hindi mo talaga mapipilit itong tumingin nang diretso sa mga mata mo.    Mahiyain nga e at bibihira itong makikipag eye contact sa isang kausap.  Kung hindi ito makatingin ng diretso sa iyo ay hindi ito nangangahulugan na hindi siya totoo at tapat sa iyo.  Sadyang mahiyain lang wala ka nang magagawa doon.

Hindi porke't duling ay hindi din tapat.  Kasabigan nga ay ang taong duling ay walang gawang magaling.  Pero kahit na duling ay pwede ding magiging matapat dahil kapareho ding natin na tao siya.  E kung tayo kaya ang lumagay sa posisyon ng taong duling.  Siyempre mararamdaman din natin kung ano ang damdamin ng isang taong duling at minsan ay hindi maiiiwasan na makakarinig tayo ng hindi maganda.  At muli, hindi porke't duling at sa tingin natin ay hindi makatingin ng diretso ay hindi na tapat.

At ang pinakahuli ay malamang pagtakhan ninyo.  Sa lugar kasi kung saan ay uso ang mga aswang, ang isang aswang daw ay hindi talaga tumitingin ng diretso.  Hindi ko alam kung merong good at bad na aswang. Basta ayon sa naririnig ko, madalas daw na mailap ang mga mata ng isang aswang at kadalasan ay baligtad daw ang anyo ng tao kapag natitigan mo ang mga mata nito.  Kaya't hindi ko na pinangarap pa na makipag eye to eye contact sa mga napapabalitang aswang sa aming lugar.  Katakot kaya.  Hehe.


Saturday, February 15, 2014

Juice, Coke, Tsa-a

Minsan ay nagkakabiruan kami ng mga kaibigan ko at dumadating sa punto na lumalabas paminsan-minsan pati ang mga green jokes.  Normal lang ito sa mga magkakaibigan lalo na kapag kilala na ninyo ang isa't isa at open naman sa mga jokes na pangkiliti ng imahinasyon.

Rated SPG po ang post na ito at malamang ay may nakaalam na ng joke na ito.  Malamang ay mas matanda pa sa akin ang joke na ito.  At wala pong intensiyon nang pambabastos dahil simpleng green joke lang po ito.

Paano daw malalaman kung ang isang bebot ay may "experience" na?  Simple lang daw ang kasagutan at ito ay malalaman depende sa kanyang iniinum kahit na hindi mo siya tatanungin tungkol sa kanyang experience.  Siyempre nga naman ay mahihiya ang isang tao lalo na kapag hindi siya open tungkol sa kanyang sexual experiences.

Ang isang bebot na wala pang karanasan ay laging "juice" ang inoorder.  "Coke" naman sa medyo may karanasan na.  At "tsa-a" naman sa sobrang dami na ng karanasan.  Kailangan pa bang imemorize yan?  Hehe.

Friday, February 14, 2014

Rosas

Ang babae daw ay parang rosas.  Kailangan mo siyang mahalin pati na ang kanyang mga tinik.

Sino nga ba naman ang hindi nagagandahan sa isang bumubukadkad na rosas?  Kahit na anong tipong lalake ka pa ay tiyak na magugustuhan mo ito.  Hindi nga ba at ito ang madalas nating iiabot sa babaeng nagpapatibok ng ating puso?

Sadyang nakakahalina ang bulaklak na ito.  Nagiging simbolo na ito kung paano natin ipabatid at ipadama ang ating nararamdaman sa ating minamahal.  Pero ang taglay niyang ganda ay may kaakibat na pasakit.  Kasama ng kanyang kagandahan ang mga tinik na bumabalot sa kanyang tangkay.  Pero kahit na magkaganoon pa man, gusto pa rin natin ang rosas na ito.

Katulad din ito ng isang babae.  Basta ang babae ay siyang nagpapatibok ng ating puso, kahit na ano pa man siya ay atin din itong tinatanggap.  Kung baga ay package deal na ito.  Hindi lang ang kagandahan ng isang babae ang ating minamahal.  Bagkus pati na ang lahat-lahat sa kanya ay tanggap na rin natin. Ang ating pagmamahal sa kanya ay mas nangingibabaw kesa sa kung ano mang meron siya na hindi kagandahan.

Kaya't hindi na kataka-taka kung bakit ang iba ay nagtatanong kung ano ang nakita natin sa isang babae na ating minamahal na sa tingin ng iba ay hindi ito nararapat sa atin.  Lahat nang kung anong meron sa kanya ay tinanggap na natin ng buo dahil sa pagmamahal na iyon.

Thursday, February 13, 2014

Salisi

Minsan ay may nasumpungan akong kainan kung saan ay merong tirador ng tirang pagkain.  

Nakapanood na ako ng palabas sa states kung saan madami ang mga salisi gang ng pagkain sa ilang lugar doon.  Huwag na huwag mo daw iiwan ang iyong inorder na pagkain dahil pagkalingat mo lang ay meron agad na uupo doon sa silya mo at mabilis na lalantakan ang pagkain mo.  Kapag nasita sila ay sasabihin nilang baka daw hindi mo nagustuhan ang pagkain mo kung kaya't iniwanan mo ito.  Aapela ka pa ba kung nabawasan na nila ang pagkain mo.  Siyempre magagalit ka na lang at mapapakamot ng ulo.  

Dito sa Pinas ay may nabalitaan din akong ganitong estilo pero hindi naman garapal.  May mga resto na alerto din ang mga crew kaya't mahirap ding makasalisi ang mga ganitong klaseng tao.  
Pero ang nasumpungan kong magaling sa pagsalisi ay talagang kakaiba.  Aantayin talaga niyang makatayo at makatalikod ka tapos buong ingat at tahimik siyang sasampa sa mesa.  Patingin-tingin pa muna siya bago niya lalantakan ang iyong naiwang pagkain.  At habang hindi mo siya sinisita ay tiyak magpipiyesta siya sa naiwan mong pagkain.

Wednesday, February 12, 2014

Bananacue

Kinamulatan ko na simula noong aking kabataan ang bananacue.  Bago pa man ako pumasok ng grade school ay tumutulong na ako sa aking nanay sa pagtitinda ng bananacue.  Nang dahil sa pagtitindang iyon ay natuto agad ako ng Math.  Natuto ako ng addition, subtraction, at multiplication.  Kaya't pagtuntong ko ng grade 1 ay naging mas madali sa akin ang Math.

Ang pagkamulat ko sa bananacue ay siya ring nagturo sa akin para magustuhan ito.  Hanggang ngayon ay malakas pa rin ang hatak sa akin ng bananacue lalo na kapag malambot ang saging.  Pakiramdam ko kasi ay bumabalik ako sa pagkabata sa tuwing kumakain ako nito.  Paminsan-minsan ay inuulam ko pa ito sa kanin gaya nang aking nakagawian simula noong bata pa ako.  Kaya't sa tuwing napapadaan ako sa suki ko at maganda ang tipo ng saging ay tiyak na oorder ako.  Ito ang isa sa mga munting kaligayahan ko sa buhay.

Tuesday, February 11, 2014

Chapel ng Quiapo

Napadaan kami sa Basilika ng Quiapo kung saan ay pumasok kami sa kanilang veneracion chapel.  Dahil hindi araw ng Biyernes at may sinundan kami,  kahit sa exit ay puwedeng dumaan papasok.  Hehe.  Pasaway.

Kakaunti lang ang mga taong pumapasok sa chapel ng mga sandaling iyon.  Hindi kami pumasok para magdasal. Sa halip ay ipinakita sa akin ng aking kaibigan ang santong kanilang binihisan.  At dahil nga first time niyang makasali sa ganoong gawain ay nagkuwento siya sa kanyang mga experiences at natuklasan nang gawin nila iyon.

Pagkaraan ng ilang saglit ay kumuha ako ng picture sa loob ng chapel.  Nakailang pictures din ako nang lumapit ang guwardiya sa loob ng chapel.  Bawal daw kumuha ng picture doon at kailangang humingi muna ng permit sa kanilang office.

Hindi ko alam kung bakit hindi puwedeng kumuha ng pictures sa loob ng chapel at maging sa loob ng simbahan ng Quiapo.  Malamang ay may rason sila kung bakit nila ipinagbabawal ito.  Subalit ito lang ang bukod tanging simbahan na ipinagbabawal ang kumuha ng picture sa loob ng kanilang simbahan at chapel.  Marami-rami na rin akong napasukang mga simbahan at wala naman akong na-engkwentro na anumang pagbabawal.

Dahil nga bawal, nakibit-balikat na lang kami.  Ito ang isang pagakakataon kung saan ang sabi ng mga mentors namin sa photography na dapat ay maging bingi kami.  Pagkatapos mong kumuha ng pictures ay patay-mali na lang sa sitwasyon na para bang walang nangyari.  Haha.  Peace be with you na lang para walang problema.

Monday, February 10, 2014

The Pato Secret

Noong kabataan ko ay nagkaroon ng panahon na sinipag mag-alaga ang isang kuya ko ng pato at bibe.  Madali kasi silang alagaan at hindi maselan.  Lalo na kapag makalimutang pakainin ang mga ito ay nagkukusa sila na gumala at maghanap ng kanilang makain.  Hehe.

Kapag dumadating ang panahon na masipag mangitlog ang mga ito ay talaga namang magsasawa ka sa kakaikot sa bakuran at mamulot ng kanilang itlog.  Halos araw-araw ay iba't ibang klase ng luto ng itlog na ginagawa namin.  Buti na lang kamo at hindi tumaas ang cholesterol namin ng mga panahong iyon.

Normal na sa amin ang mga sandaling makita na naghahabulan ang mga pato kapag trip ng lalakeng pato na lambingin ang babaeng pato na kanyang matipuhan.  Parang karinyo brutal lang ang nangyayari dahil sa lakas at bigat ng lalakeng pato kapag pumapatong ito sa kanyang partner.

Madalas sa mga taong lumaki sa siyudad ay hindi nakakita nang ganitong klaseng eksena.  Siguro ay may mga iba na curious ding malaman kung ano ba ang hitsura ng sex organ ng lalakeng pato.  Pakizoom na lang ng picture para makita nyo ang pinakatatagong lihim ng lalakeng pato.  Hehe.


Sunday, February 9, 2014

Sinaing na Tulingan

Sa aming probinsiya ay tinatawag ang lutong ito na paksiw na tulingan.  Pero dito sa Manila ay sinaing na tulingan naman ang turing.

Hindi ako mahilig sa suka.  Ewan ko ba at masyadong suplado ang taste bud ko kapag ang pagkain ay may suka na.  Sobrang napapangiwi ako at para bang ayaw pumasok sa lalamunan ko ang bawat isinusubong pagkain kapag may suka ito.  Ang ending tuloy ay kapiranggot lang ang aking nakakain kapag may suka na ang ulam.  Haha.  Siguro mainam itong pampapayat para sa akin.

Kapag panahon ng tulingan sa aming probinsiya, asahan mong simula agahan hanggang hapunan at hanggang sa mga susunod pang mga araw ay halos tulingan ang ulam ng karamihan ng mga tao sa amin.  Mura kasi ang bentahan at talagang ikaw na lang ang magsasawa sa kakakain ng tulingan.

Kadalasan ang luto ng tulingan sa amin ay sinaing na tulingan na may halong suka.  Yaiks.  Heto na naman ang parusang ulam para sa akin.  Kaya't sa pagtagal ng panahon ay natuto akong mag-improvise ng ulam na ito.  Ang solusyon?  Piniprito ko ito.

Wow!  Hanep sa sarap.  Nawawala ang lasa ng suka kapag ito ay piniprito at talagang malasang-malasa ang karne ng isda.  Lalo na kapag crunchy at bagong luto, talagang marami akong nakakain at ga-munggo pa ang mga pawis ko.  Ang sarap tuloy magkamay kapag ganito ang ulam ko.  Kaya't ayun, hinayaan ko lang silang magluto ng sinaing na tulingan at kapag luto na, pritong version naman ang gagawin ko.  Hehe.  Para-paraan lang iyan pag may time at para makakain. 

Saturday, February 8, 2014

Yelo sa Sementeryo

Sigurado ka ba kung saan galing ang yelong binibili mo na siya mong ineenjoy kasama ang favorite drinks mo?

Minsan ay sumama akong makipaglibing at hindi na nakakapagtaka sa mga sementeryo sa Manila na merong mga nakatirang mga buhay na tao dito.  Kung baga e magkakasama ang mga buhay at patay dito.  Ang katwiran ng mga naninirahan dito ay libre sila sa upa at hindi daw dapat katakutan ang mga patay.  Mas takot pa nga daw sila sa buhay kasi nga nakakapanakit ang mga ito kumpara sa mga patay.

Sa aming paglalakad patungo sa huling hantungan ng ililibing ay napansin ko ang isang lalakeng kasalukuyang naglalagare ng isang bloke ng yelo.  Malamang ay paninda nila ito.  Pero ang nakakagulat dito ay sa mismong loob ng sementeryo sila nagpeprepare ng kanilang panindang yelo.  Nakakatakot isipin na hindi na ito malinis at malamang kung malaman mo na galing pala ito sa sementeryo ay baka bumaligtad agad ang sikmura mo.  Ang pagkakaalam ko kasi sa mga sangkap ng pagkain o inumin ay dapat sa isang malinis na lugar ito inilalagay.  Hindi naman natin nakikita ang mga germs na siyang magdudulot ng sakit sa atin kaya't hindi natin masasabi na malinis ang ating kinakain kung wala tayong nakikitang dumi dito.



Friday, February 7, 2014

Kalabaw

Sa aming paggala ay nakaengkwentro namin ang mga kalabaw na ito na ineenjoy ang kanilang ligo ng umagang iyon.  Medyo matagal ding nakatingin sa akin ang isang kalabaw habang kinukuhaan ko sila ng pictures.  Cooperative siya kung baga at hindi naman siya nagkaroon ng violent reaction habang kinukuhaan ko siya ng pictures.

Nang makita ng pamangkin ko ang aking pagkuha ng pictures sa kalabaw ay humirit siya ng isang kwentong bayan.  Agad niya akong tinanong kung alam ko daw ba ang kwento kung bakit body tight ang balat ng kalabaw samantalang maluwang naman ang sa baka.  Nang sinabi kong hindi ay nagkuwento na siya.

Noong unang panahon daw ay may magkaibigan na baka at kalabaw.  Dahil wala ang kanilang amo ay naglakwatsa daw sila at nagpasyang maligo sa ilog.  Sarap na sarap daw sila sa kanilang pagligo at hindi na nila namalayan ang paglipas ng oras.  Nagkagulatan na lang daw nang makita nilang paparating na ang kanilang bossing.  Dahil hinubad nila ang kanilang mga balat ay nataranta sila at nagmamadaling umahon at nagbihis.  Ang ending ay nagkapalit daw sila ng balat.  Kaya't ang kinalabasan ay masikip ang sa kalabaw samantalang maluwang naman ang sa baka.

Thursday, February 6, 2014

Garlic Chicken

May mga pagkakataong kahit ang comfort food natin ay nakakasawa na rin.  Minsan, para maiba naman ay tumitikim tayo ng ibang putahe.

Nagtanong ako minsan sa isang kainan kung ano ang masarap nilang luto sa chicken.  Sumagot naman ang waitress na garlic chicken daw.  Medyo na-excite naman ako sa putaheng binanggit niya.  Hindi kasi ako mahilig sa garlic lalo na sa sangkatutak na garlic na isinasahog sa ulam.  Pero out of curiousity na rin kung ano ang lasa ng ipinagmamalaki niyang garlic chicken ay sinubukan ko na rin.

Lasang garlic nga talaga at medyo matamis ang timpla.  Sa totoo lang ay bibihira lang ako magkagusto sa matamis na timpla ng ulam.  Kung bananacue ito ay matutuwa pa ako.  Hehe.  Pero pagdating sa mga karne ay hindi talaga solve sa matamis na timpla.  Ang ending, pilit kong kinakaskas ang garlic na nakadikit sa chicken at pikit matang isinusubo ang ulam.  Haha.  Pambihira kasi ang lasa at parang ayaw pumasok sa lalamunan ko.  Kaya lang ay mahal ang bayad ko sa ulam kaya't sa tiyagaan ay naubos ko rin.  Huhu.  Di na ako uulit pa.

Wednesday, February 5, 2014

Iguana

Pumasyal kami sa isang maliit sa zoo sa probinsiya.  Medyo may kamahalan ang entrance fee sa halagang 50 pesos at malamang hindi din ganoon kadaming mga tao ang pumapasok dito dahil nga mahal ang entrance fee.

Gaya ng ibang zoo ay iba't iba din ang mga hayop dito.  May ibon, unggoy, ahas, buwaya, camel, at pati pato.  Hehe.  Pati nga sementadong giraffe ay meron sila.  Haha.

Umaga nang pumunta kami doon at nang mapadaan kami sa isang kulungan kung saan iba't ibang mga hayop ang nakakulong doon ay natiyempuhan namin ang mga iguana na kasalukuyang nagbibilad sa init ng araw.  Nakakatuwang tingnan dahil nakapikit lang sila at halos hindi gumagalaw habang ineenjoy ang kanilang sunbathing.  Dahil nga cold blooded sila, gawain ng mga uri nila ang magbabad sa init ng araw tuwing umaga. At kapag solve na sila ay saka sila maghahanap ng kanilang tsibog pagkatapos na makuha nila ang "tan" na gusto nila.  Haha.  Pagkatapos na solve na sila sa kanilang pagpapainit ay saka naman sila maghahunting ng kanilang pagkain.  Pero dahil nga sa loob sila ng kulungan ay malamang no-rush ang mga ito dahil may rasyon naman sila ng pagkain.  Hehe.

 
Dahil sa hindi gumagalaw ang mga ito, napagtripan kong hawakan ang kamay ng isa sa mga ito.  Akala ko ay magkakaroon siya ng violent reaksiyon nang hawakan ko.  Natuwa naman ako at deadma lang ito at tuloy lang siya sa kanyang pagsasunbathing.  Kahit na hila-hilain ko ang isa sa mga daliri niya ay hindi talaga ako pinapansin ng isang ito. Hehe.  Pero malamang kung nasa wild ito ay mabilis itong kumaripas ng takbo bago pa malapitan ko.



Tuesday, February 4, 2014

Anghel

May nakasabay ako minsan sa bus.  Noong una ay hindi ko sila pansin dahil masyadong malayo ang nararating ng aking pag-iisip.  Sadyang maraming mga bagay ang naglalaro sa aking isipan at halos hindi ko na pansin ang aking kapaligiran.  Napukaw ng isang bata, isa pala siyang baby (halos wala namang ipinagkaiba ang bata sa baby pag salitang Tagalog na ang usapan, hehe) ang aking pagmumuni-muni dahil sa pagngiti nito sa akin.

Ang sarap talaga maging bata o maging baby.  Tipong makakita ka lang ng pangit ay tatawa ka na agad.  Haha.  Ang masarap noon ay hindi mapipikon ang tinatawanan mo dahil akala ay natutuwa ka lang sa kanya.  Kapag kasi matanda ka na tapos tatawanan mo ang isang tao na hindi mo naman kilala ay tiyak gulo ang aabutin mo.  Hehe.

Napukaw ng baby ang aking atensyon dahil medyo nag-iingay na siya at panay ang tawa niya sa akin.  Mas lalo pa siyang ginanahang tumawa nang nakikipagngitian na ako sa kanya at kung anu-ano pang expression ng aking mukha ang siya kong ginagawa.  Sa loob-loob siguro ng bata ay ampangit naman ng nagpapatawa sa kanya.  Hehe.  Dahil natuwa ako sa kanya ay kinuhaan ko siya ng pictures. 

Minsan talaga ay marunong ang Diyos na magpadala ng kanyang anghel sa mga taong kagaya nating may mga problema o suliranin sa buhay.  Marahil ang batang iyon ang naging instrumento ni Lord para ipaalaala sa akin na kahit ano man ang magiging takbo ng buhay ay may dahilan pa rin para ako ngumiti.

Monday, February 3, 2014

Eat All You Can

Kapag uma-attend tayo ng isang okasyon na may handaan o di kaya'y merong eat all you can, sa pagkakita pa lang natin ng maraming pagkain ay talaga namang nakakagutom na agad.  Lalo na kapag halos lahat ng mga ito ay masarap at katakam-takam, para bang gusto nating lantakan lahat at kung pwedeng pabalik-balik pa tayo hanggang sa mabundat at sumikip na ang ating pantalon.

Ang sekreto daw pala ng mga sangkatutak na pagkain na inilalagay lahat sa isang mesa ay para busugin na agad ang ating paningin.  Parang unang kita mo pa lang ng mga pagkain na sangkatutak ay busog ka na agad.  Kadalasan sa unang bugso pa lang nang pagkuha natin sa ating kakainin ay halos nandoon na lahat sa plato natin ang gusto nating tikman.  Iyon bang tipong pag naubos na ang laman ng plato mo ay busog ka na agad pero marami pang pagkain ang pwede mong balikan.

Kapag tipong unli daw ang dating ng pagkain ay dapat paunti-unit lang ang kuha natin sa mga putahe at dahan-dahan lang din ang ating pagkain.  Dapat daw ay hindi tayo nakikipagkarera sa pagsubo lalo na kapag takam na takam tayo at tipong sobrang gutom na.  Kapag nagmamadali daw tayong kumain ay bundat kaagad ang aabutin natin at madali tayong aayaw agad.  Kapag marahan naman ay makakaya nating matikman lahat ng putahe at tiyak ay makakarami tayo ng makakain.

Pero ang the best experience sa tuwing may kainan ay iyong makakatikim tayo ng bagong putahe at bago sa ating panlasa.  Tapos ay dapat ma-enjoy natin ang ating kinakain. 

Sunday, February 2, 2014

Shy Type

Shy type o mahiyain ka ba?  Bakit nga ba merong tao na sadyang mahiyain?

May mga tao talagang mahiyain.  Maraming mga dahilan kung bakit nagiging mahiyain ang isang tao.  Pwedeng mababa ang tingin niya sa kanyang sarili at wala siyang sapat na confidence para makiharap sa ibang tao.  Meron ding psychological ang dahilan gaya nang naabuso siya at palaging pinagmumukhang kawawa.

Kadalasan ang isang mahiyaing tao ay hindi basta-basta nakikipag-usap ng harapan.  Nahihirapan siyang mag-establish ng eye-to-eye contact kapag kayo ay nag-uusap.  At madalas din ay mayroon siyang mga body language na nagsusuggest na hindi siya mapakali kapag hindi siya komportable sa kayang pakikipag-usap.

Mayroong paalala sa akin ng mga nakakatanda sa amin dati.  Mahirap daw pagkatiwalaan ang mga taong hindi makatingin ng diretso lalo na kapag kayo ay masinsinang nag-uusap.  Kapag ito daw ang tipo ng kausap mo ay madalas sa hindi ay hindi ito sincere at hindi mapagkakatiwalaan. At higit sa lahat, maging mapagmatyag na rin dahil sa ibang lugar, ang taong hindi makatingin ng diretso ay baka isang aswang.  Hehe

Saturday, February 1, 2014

Baby

Bakit ang lahat ng baby ay cute?  Bakit sobrang natutuwa tayo kapag nakakakita tayo ng baby?  Bakit kahit anong gawin ng isang baby ay talagang nakakaaliw?

Sino nga ba ang hindi dumaan sa pagka-baby?  Malamang sa ating paglaki ay may mga naririnig tayong mga kuwento tungkol sa ating pagkabata.  Malamang din ay madaming mga nakakatuwang mga bagay tayong narinig tungkol sa ating panahon ng tayo ay mga bata pa.  Kung wala kang alam sa mga bagay-bagay tungkol sa iyo, aba, panahon na para ipagtanong sa mga taong nagpalaki sa iyo kung ano at sino ka noong ikaw ay isang baby pa lang.  Tiyak na matutuwa ka at marahil ay tatablan ka nang kaunting hiya kapag may mga matuklasan ka noong wala ka pang halos muwang sa mundo.

Pero bakit nga ba at sobrang kinakagiliwan ang isang baby?  Malamang maging tayo ay mapapatanong din kung bakit tayo giliw na giliw sa isang baby.  Parang isang magnet kasi ang baby lalo na kapag palangiti ito at bungisngis.  Mahirap mang ipaliwanag ang ating pagkagiliw sa isang baby, marahil ay hindi na kailangang pang i-explain o imemorize ito.  Ang mahalaga ay naaliw tayo kapag kasama natin ang isang baby at ipinaalaala sa atin na sa simpleng bagay ay puwede tayong maging masaya. :)