Thursday, September 4, 2014

Spiderman

Hindi totoong isang photographer si Spiderman.


Siya ay nagtatrabaho bilang isang ...


Web Developer. ;)

Tuesday, August 26, 2014

Sex

Ano ang tagalog ng sex?

Kasarian ...
Pagtatalik ...
Anem

Kung ang tagalog ng six ay anim, ang tagalog ng sex ay anem.

Monday, August 25, 2014

Butiki

Ang mga bahay sa siyudad ay hindi masyadong binabahayan ng mga butiki.  Sa probinsiya ay talaga namang sobrang talamak sa dami ng butiki.  Ang sabi nga ay nag-aadjust daw ang kulay ng butiki sa kulay ng bahay.  Hindi ko lang din masabi kung totoo nga ito dahil hindi naman hunyango ang mga butiki.  Kung sakaling totoo ito ay masarap sigurong pinturahan ang bahay ng iba't ibang kulay kada buwan para ang mga butiki ay mag-iiba din ng kulay.  Haha.

Ilan na nga ba sa atin ang nakakakita ng mga butiking nagtatalik?  Haha.  Hinayupak na tanong ito.  Pati ba naman pribadong buhay at gawain ng mga hayop ay dapat pang pagkaabalahan natin?  Malamang ay marami pa rin sa atin ang hindi nakakakita ng eksena ng mga butiki gaya ng nasa litratong ito.  Hala!  Baka naman aabangan niyo ang mga butiki sa bahay niyo na magtalik tapos magtatalon kayo sa tuwa sabay sabi ng "Yes! Na-witness ko na rin ang pagtatalik nila."  Haha  Para kang timang kung sakaling mangyari iyon.

Masarap sigurong isipin at ma-experience ang ginagawang ito ng mga butiki.  Haha.  Baka iba ang tumatakbo sa isipan niyo.  Ang ibig kong sabihin ay ang abilidad ng mga butiki na kumapit. Isipin na lang natin na kaya din nating kumapit kagaya ng mga butiki.  Ang sarap sigurong lumambitin kasabay ng iyong katalik.  At kahit na nasa kisame na kayo nakakapit ay tuloy pa rin ang ligaya.  Haha.

Friday, August 22, 2014

Puto

Kung ang puto ay lalake, ano ang tawag sa babae nito?  Haha.  Malamang ay bigla kang ngumiti o di kaya'y tumawa sa joke na ito.  At malamang sa hindi ay biglang pumasok sa utak mo ang isang berdeng pag-iisip.  Haha.  Kung aaminin mo na naging malikot nga ang iyong pag-iisip ay isa ka pa ring normal na tao.

Sino nga ba naman ang hindi nakakakilala ng puto at malamang ay nakatikim ka na rin ng puto.  Patuloy ngang dumadami ang lahi ng puto dahil habang tumatagal ay lalong nagiging malikhain ang panlasa nating mga Pinoy.  Kapag umuuwi ako sa amin ay merong gumagawa doon ng puto na talaga namang sobrang sarap ang pagkagawa.  Wala itong halong keso o itlog na maalat.  Ang ginagawa nila ay regular na puto lang pero nagiging espesyal ang lasa nito.  Siguro nga minsan ay aalamin ko ang sekreto ng kanilang timpla kung bakit ito nagiging masarap.

Pero teka lang.  Lumayo na ako doon sa una kong tanong.  Ano nga ba ang babaeng katapat ng puto?  Sirit na ba?  Ang sagot ay kutsinta o bibingka.  Haha.  Kaya nga madalas pinagsasama ang puto at kutsinta dahil magpartner sila.  

Wednesday, August 20, 2014

Hipon

Hipon sa salitang kanto ay tapon ang ulo at iwan ang katawan.  Madalas itong nagiging joke sa mga taong hindi daw kaaya-aya ang mukha pero maganda ang katawan, mapalalake man o babae.

Ang ibang mga tao ay sadyang matalim ang tabas ng kanilang dila para magbitaw ng ganitong klaseng biro.  Wala silang pakundangan kung meron silang masasaktan.  Hindi nila isinasaalang-alang ang magiging damdamin ng ibang tao.

Ang bawat society ay may kanya-kanyang pamantayan kung ano ang maganda at pangit.  Ang mga pinoy daw ay likas na matabil ang dila at sadyang malakas kung makapintas ng kanyang kapwa.  Ang iba sa atin ay hindi na marunong magpasintabi at kadalasan ay mas nakikita pa natin ang kapintasan o kakulangan ng isang tao lalo na kapag hindi natin ito kilala ng personal.  

Lahat ng tao ay may kapintasan.  Sana kung ano ang kapintasan ng ibang tao na ating nakikita ay wag na nating ipagsigawan pa.  Hindi naman natin kawalan kung may kapintasan ang isang tao kung atin pa itong ipagsigawan sa buong mundo.  Bakit big deal para sa iba sa atin na tawanan o hamakin ang kapintasan ng ibang tao?  Mas magiging masaya ba tayo o mas magiging angat ba tayo kung pagtawanan o hamakin natin ang kapintasan ng iba?  Hindi ba ipinapakita natin na mal-edukado tayo at hindi kanaisnais ang ating pag-uugali at personalidad kung sakali mang maging sobrang taas ng tingin natin sa ating sarili para maging mas mababa ang ibang tao?

At higit sa lahat, bilang isang mabuting Kristiyano, nakalimutan na ba natin na ang bawat isa sa atin ay nilikha na kamukha at kawangis ng ating kinikilalang Panginoon Diyos.  Kung pagtatawanan at hamakin natin ang ating kapwa, hindi ba na nilalait din natin ang siyang Dakilang Lumikha?  Isip-isip din pag may time, mga tol.

Pasaway

Habang binabagtas ng sasakyan ang daan patungo sa pinapasukan ko ay nagmamasid ako sa aming dinadaanan.  Para hindi maburyo sa mabagal na usad ng sasakyan ay mas maige pang manood ng mga kaganapan sa paligid kesa sa maging aburido.

Nakuha ang aking atensiyon ng isang tusok-tusok stand kung saan ay may mga parokyanong nag-eenjoy ng kanilang fishball at kikiam.  Kahit tanghali na ay hindi ko alam kung almusal nila ito o merienda.  Mabuti pa sila at kahit papaano ay may laman ang kanilang sikmura.  Nakasanayan ko na kasi na hindi nag-aalmusal pero bumabawi naman ako ng pagkain habang nasa trabaho.

Ayun at napako nga ang aking mga mata sa kanila.  Sa lugar kung saan nakahimpil ang tusok-tusok stand at kasama ang ilang mga parokyano ay may mga iilang piraso na ng bamboo sticks na nakakalat sa bangketa.  Hindi ko tuloy maiwasang tanungin ang sarili ko kung ilang bamboo sticks pa kaya ang madadagdag sa buong araw at habang nandoon ang tusok-tusok stand na iyon.  Nakita kong meron namang basurahan na isang hakbang lang mula sa tusok-tusok stand na iyon.  Pero bakit may mga kalat pa rin?

Maraming mga kababayan natin ang pasaway at walang patumanggang nagkakalat sa paligid.  Ewan ko kung anong klaseng pag-iisip at disiplina ang meron sila at 'by their convenience' silang nagkakalat.  Kahit na may tamang tapunan naman sa kanilang tabi ay tila ba invisible ang basurahan at parang wala lang sa kanila na ihulog ang kanilang basura sa bangketa at kalye.  Ang resulta tuloy ay ang hindi kaaya-ayang hitsura ng bangketa dahil sa naiipong mga basura na pwede pang magresulta sa mas malaking problema gaya ng pagkabara ng daluyan ng tubig at sa kalaunan ay magbabaha sa lugar na iyon.

Sana ay magkaroon ng tamang disiplina ang mga pasaway nating kababayan at sana ay maisip nilang ang simpleng pasaway nilang gawain nang hindi pagtatapon ng kanilang basura sa tamang lugar ay mas malaking perwisyo ang posibleng maiidulot nito.  

Monday, August 18, 2014

Bird Romance

Nagbakasyon ako sa kapatid ko sa isang probinsiya.  Dahil talagang probinsiya ay maraming mga puno pa dito at ang likuran ng bahay nila ay taniman ng gulay, mais, at palay.  Minsan ay may nasumpungan akong isang ibon na tipong cool ang dating sa pagkadapo nito sa ibabaw ng isang maliit na poste ng kawayan.  Kahit na matagal na akong nakadungaw sa bintana ay wala siyang pakialam sa akin at baka alam niyang hindi ko naman siya maaabot dahil ilang dipa din ang layo ng bintana mula sa kanyang puwesto.

Pagkatapos ng mahabang panahon, kahit na ilang beses na akong nagbabakasyon sa kapatid ko, recently ko lang muling nasumpungan ang klase ng ibon na iyon.  

Pupungas-pungas pa akong gumising ng bandang alas-otso ng umaga.  Malamig kasi ang hangin dahil Disyembre na.  Kapag ganitong panahon kasi ay talagang nagsisimula nang lumamig ang gabi hanggang umaga, lalo na sa isang probinsiya.  Kakatayo ko pa lang ng higaan at medyo antok pa talaga ako.  Pagkaupo ko sa sofa ay napatingin ako sa bintana dahil may lumilipad sa tapat nito at paulit-ulit.  Hindi ako umaalis sa aking kinauupuan at talagang inaabangan ko ang muling pagdaan ng lumilipad na iyon.  Nang bahagya akong umusog ng upo ay nakita kong merong ibon na katayo sa isang sanga at para siyang tuwang-tuwa na halos nagtatalon sa kanyang pagkakatayo sa sanga at humuhuni siya ng paulit-ulit din.  Pagkatapos ng ilang sandali ay muli na naman siyang lumipad at patuloy na bumabalik sa parehong puwestong iyon ng sanga.  Sa aking nakita ay biglang naalala ko ang napanood ko dati sa animal planet.  Ang ritwal na iyon ng ibon ay kapareho ng mga ibon na nagpapakitang gilas sa kanyang kapareha.  Iisa lang ang ibig sabihin ng tagpong iyon.  Nanliligaw ang ibong nakita ko na paulit-ulit na lumilipad sa tapat ng bintana.

Para makasiguro na tama nga ang hinala ko, marahan akong umusog ng upo at nakita ko nga ang isa pang ibon na nakapuwesto naman ng halos isang metro lang ang layo sa una kong nakitang ibon.  Kung ano ang gawain ng unang ibon ay siya rin palang ginagawa ng pangalawang ibon.  Hindi ko lang agad nakikita ang pangalawang ibon dahil halos nasa gilid at ibabang bahagi na ito ng bintana nakapuwesto.

Medyo matagal din silang nagliligawan at paulit-ulit ang kanilang mga huni, paglipad, at mga senyas sa isa't isa.  Kalaunan ay bigla na lang silang nawala sa sanga at medyo nagkakagulo na sa mga dahon ng puno dahil para na silang naghahabulan o naglalampungan.  Ayos na ang umaga ng dalawa.  Kung baga ay solve na ang kanilang early morning ligawan na nauwi sa lambingan.  Hehe.

Sunday, August 17, 2014

Disiplina

Bakit kaya kapag nasa sariling bansa ang mga Pinoy, mayroong iba sa atin na mahirap pairalin ang disiplina?  Kahit sa mga simpleng pagkakataon lang ay nahirapan ang iba sa atin na pairalin ang disiplina lalo na kapag may ibang mga taong maaapektuhan?  Sana maisip ng iba sa atin na hindi puro pansariling kapakanan lang dapat pairalin lalo na kapag may mga napeperwisyong ibang tao.  At kapag mahuli at maparusahan ay doon na lalabas ang mukhang kaawa-awa at mga palusot na nakakapikon.

May mga drivers ng jeep na kahit green light ay hindi mahindian ang mga pasaherong pumapara sa kanto.  Wala silang pakialam sa green light at mas lalong wala silang pakialam basta makapagsakay sila ng pasahero kahit na nasa kanto iyon o mismong nasa pedestrian lane ang kanilang minamanehong jeep.  

Nakakaasar ang ganitong eksena dahil ang ganitong mga uring driver ay walang malasakit sa kanilang kapwa dahil sa kawalan nila ng disiplina.  Kapag pinapairal nila ang kanilang pansariling kapakanan, hindi nila naisip na may iba pang maaapektuhan.  At ang basic na rule lang naman sa kalsada ay dapat tuloy-tuloy lang ang takbo ng sasakyan kapag green light na at bawal magsakay ng pasahero kapag wala sila sa tamang sakayan o habang hindi nakahimpil ang sasakyan.

Pasaway na mamang driver, sana darating ang araw na pairalin mo naman ang pagiging Pilipino mo.  Ang alam ko kasing Pilipino ay hindi makasarili at may malasakit sa kanyang bayan at kapwa Pilipino.

Saturday, August 16, 2014

Motel

Pauwi na ako galing sa trabaho at balak kong sumaglit muna sa bahay bago tumuloy sa aking part time job.  Nang biglang bumuhos ang malakas na ulan ay nagbago ang aking isip.  Malamang ay mababasa lang ako sa lakas ng ulan at ihip ng hangin at ang tatlong oras na extra time ko ay hindi ko na tuluyang mapakinabangan bago tumungo sa aking part time job.  At malamang sa hindi, dahil sa lakas ng ulan, ay baka tatamarin na akong pumasok.

Naisip kong dumiretso na lang sa aking part time job subalit wala akong mapagtatambayan.  Dahil sa inaantok na rin ako ay sinubukan kong pumasok sa ilang mga motel para magtanong ng kanilang mga rates.  Hindi kasi ako kumbinsido sa mga nakapaskel nilang mga rates dahil madalas ay deceiving ang mga ito.  At tama nga ako.  Ang sinasabi nilang rate na mababa ay mas mahal sa actual nilang rates.  Ang sabi nga ng isang nakakaalam sa mga kalakaran sa mga motel na walang standard rates ay kadalasang ang ibinibigay sa mga guests ay ang mas mahal na room.  Putik!  Gusto ko lang namang mag rent ng room para matulog ng dalawang oras tapos ang singil ay mahigit 300 at meron pang 500.  Ang ending, naubos ang oras ko sa kakaikot sa lugar na iyon hanggang sa pumasok na ako sa part time job ko.

Tapos, may ilang motel pala na hayagan at bulgar ang mga bugawang nagaganap.  Pwede kang mag check-in mag-isa at may mga nakatambay ng mga bugaw para bigyan ka ng babae.  Kahit na ang ilan sa kanila ay mukhang disente tingnan, may mga kalakaran palang parehong pinapakinabangan ng mga motel na ito at ng mga nagbebenta ng aliw.  Kumbaga, fu** at your own risk na lang.  Hehe.

Tamarind

Kapag ikaw ay isang masipag na tao, wag kang kakain ng sampalok dahil ikaw ay tatamarind.  Hehe.

Mula pa pagkabata ay trip ko nang kaining ang sampalok.  Lalo na kapag bagong pitas at talagang sobrang tamis.  Iyong bang tipong umaalog na sa kanyang shell at kakulay ng tutuli.  Ewwww.  Haha.  Ang sarap noon.  Pero bakit kahit na matamis ang lasa ng hinog na sampalok ay nakakangilo na rin ito kapag masobrahan ka sa pagkain?

Minsan ay merong nagregalo sa akin na isang supot ng sampalok.  Siyempre, dalawang kamay kong inabot at abot-tenga ang ngiti ko dahil paborito ko ito.  Nang basahin ko ang label ay may halo daw itong sili.  Nyay.  Tunay nga at hindi lang basta halo.  Kalahati ata ng bawat isang pirasong sampalok ay sili ang kasama.  Sobrang anghang.  Haha.  Masarap na nakakabwisit kainin dahil sa anghang nito.  Ang ending, hayun at dalawang piraso lang lagi ang kinakain ko bawat araw hanggang sa maubos ito.  Hinayupak ang taong nagtimpla nito.  Parang galit sa sili ang drama.  O baka naman sili talaga iyon na hinaluan lang ng sampalok.  Hehe.

Thursday, August 14, 2014

Debugging

Ang debugging ay isang pamamaraan kung saan ay dapat mahanap ang isang kamalian at aayusin ito.  Pero alam niyo bang kahit si Tarzan ay magaling sa debugging kahit na hindi pa uso ang computer noong panahon niya?

Debaging kasi si Tarzan kapag palipat-lipat sa mga puno kapag siya ay gumagala sa gubat.

Aksidente at Kamatayan

Kaninang umaga nang papasok na ako sa trabaho ay may nadaanan kami na isang aksidente.  Sa pagsilip ko ay nakita kong tumba ang isang motorsiklo at nakadapa ang rider nito.  Ayun sa mga miron ay dedo na daw ang driver.  Sa hitsura ng tao ay tipong papasok pa lang ito sa trabaho.

Naalala ko tuloy noong minsan.  Dala ko ang aking camera at may nadaanan akong nakabulagta sa gitna ng kalsada malapit sa amin.  Naholdap daw iyong tao at nang manlaban ay sinaksak ng holdaper at napatay ang biktima.  Lakas-loob akong lumapit sa mga kumpon ng tao na nakiusyuso. Subalit nang makita ko ang pares ng mga paa ng biktima ay kagyat akong tumalikod at hindi ko na nagawang lumingon pa.  Isa kasi sa mga hindi ko nakasanayang tagpo ay ang makakita ng isang taong patay.  Masyadong nagtatagal ang imahe ng isang patay sa aking isipan at mga ilang buwan ding pagdurusa ang aking pagdadaanan bago sila tuluyang mawala sa aking isip.

Ang buhay natin ay sadyang unpredictable.  Hindi talaga natin alam kung kailan tayo kakalabitin ni kamatayan.  Kahit na anong pag-iingat ang siya nating gagawin ay hindi talaga natin matatakasan ang kamatayan.  

Ikaw?  Handa ka na bang mamatay?

Tuesday, August 12, 2014

Pasaway na Driver

Minsan talaga, malakas mang bad trip ang tadhana.  Pero kahit na bad trip ka, minsan ay may laugh trip itong dulot.

Ilang minuto lang at late na ko sa trabaho.  Dahil tanghali na ay madalang na ang jeep at ang nasakyan ko ay iyong nakaabang sa kanto.  Kahit na kating-kati na ang puwet ko para umandar ang jeep ay nasa kamay ng driver ang kapalaran ko kung makakarating ako sa trabaho na hindi masyadong late (pero late pa rin haha).  Ayun, himala naman at naiinip yata sa paghihintay nang wala namang hinihintay.  Ayos na sana ang takbo ng sasakyan nang biglang may bumulagang pulis at hinuli ang driver.  Patay!  Dagdag aberya.

Ang pasaway na driver kasi ay nagsakay ng dalawang babae na nakatayo sa center island.  Pasaway kasi minsan ang mga pasahero.  Tipong at their convenience sila papara kahit sa hindi tamang lugar.  Ito namang si mamang driver ay humahabol ng kanyang boundary at kahit na alanganing lugar ay pinahinto ang sasakyan.  Tapos ang sarap batukan ng driver dahil nagsalita ito na "Bilisan nyo at bawal dito."  Haha.  Alam na nga ng driver na bawal magsakay doon pero mapilit siya.  Ayun at hindi siya nakaligtas sa mamang pulis na nakatayo sa hindi kalayuan.  Akala yata ay invisible siya ng pagkakataong iyon.

Dahil pinara siya ng pulis, aberya ito para sa akin dahil late na ako.  Asar man ay natawa ako nang marinig kong nagsalita ang pulis.  Ang sabi ng pulis ay "Hindi ko kailangan ang pera mo dahil marami akong pera."  Haha.  Pilit na inaabutan ng driver ng suhol ang pulis para makalibre siya.  Pero dahil disiplinado ang butihing pulis ay hindi siya tumanggap ng lagay.  Masakit pa naman sa bulsa ang violation niyang loading at baka abutin siya ng 2k.  Kawawang gahaman at pasaway na driver.

Ang ending, ang sinakay niyang dalawang babae ay agad ding bumaba nang hindi nagbabayad at hindi na siya hinintay.  Napahamak na nga ang driver dahil sa kanila at sa kagagawan din ng driver, pero ang dalawang pasahero ay mabilis na umiskierda.  Dahil alam ko na magtatagal ang aberya ay lumipat na rin ako ng masakyan at hindi ko na hinintay ang pasaway na driver habang nakikipagtsikahan sa pulis na humuli sa kanya.

Monday, August 11, 2014

No Relation, No "Back Ride" Policy

Sa bayan ng Mandaluyong ay merong city ordinance na "no relation, no back ride."  Papaano mo daw naman yayakapin ang taong nasa iyong harapan kung hindi mo ito kaano-ano.  Isa pa, paraan daw ito para maiwasan ang mga criminalidad dulot ng riding in tandem.

Sa kaugnay na ordinansa ng Mandaluyong, may isang senador daw na nagsusulong na gawin itong batas para ipatupad sa buong bansa.  Dapat daw ang kaangkas mo sa motor ay kamag-anak mo. 

Ang masasabi ko sa panukalang ito ay wagas.  Sobrang matalino ang nag-isip nito.  Malamang ay puro de-kotse ang mga nag-isip at nag-apruba nito.  Malamang ay hindi nila naranasan sumakay sa public transport.  Kaya nga umaangkas para makatipid.

Natawa ako nang mabasa ko ang katagang "papaano mo yayakin ang taong nasa harapan mo kung hindi mo ito kaano-ano habang ito ay nagmamaneho."  Haha.  Kailangan ba kung nakaangkas ka sa motor ay yakap talaga ang gagawin mo sa nagmamaneho.  Pwede namang kumapit sa balikat o di kaya'y sa likuran ng motor na may bakal o pwede din sa tenga mo habang tumatakbo ang motor.

May isa ding nagtanong na papaano daw kung magkakamag-anak ang nakasakay sa motor tapos mga kriminal pala sila?  Papaano mo malalaman ang kriminal na magkaangkas sa hindi kriminal?  \\

At nakakatuwang isipin kung ano ang magiging kaparusahan kung sakaling pumasa ang panukalang batas na ito.  Papaano kung ang magkakaangkas ay in relation o di kaya'y ang status nila ay it's complicated?  Ano ang pwedeng parusa para sa kanila gayong hindi naman sila magkakamag-anak.

Siguro ang mga nagpapanukala ng ganitong klaseng batas ay subukin nila kung papaano magcommute sa araw-araw gaya nang ginagawa ng isang ordinaryong pinoy.  Sana masubukan nilang maglakad, sumabit, mag-abang nang matagal, makipagsiksikan, o di kaya'y abutin ng siyam-siyam sa daan para lang makasakay.  O di kaya'y subukin nilang tumungo sa mga lugar kung saan ang motorsiklo ang siyang pinakamabisang pampublikong transportasyon dahil sa mga makikitid, lubak-lubak at sirang mga daan na hindi napapaayos ng gobyerno.  Sana matutong bumaba at umapak sa lupa ang mga paa ng ating mga mambabatas para mas maintindihan nila ang "totoong" suliranin ng ating mga kababayan pagdating sa isang maayos na transportasyon at ang problema sa pang araw-araw nitong pagbiyahe.

Friday, June 13, 2014

Friday the 13th

Malas nga ba talaga ang number 13 lalo na kapag dumadating ang Friday the 13th?  Sino ba ang nagpauso nito at pati tayo ay nakikiayon din?  Meron ka bang karanasan na masasabi mong talagang malas nga ito?

Ang ating pang-araw-araw na buhay ay puno ng karanasan.  Minsan, ang mga karanasang ito, mabuti man o hindi, ay binibigyan natin ng kahulugan o simbulo.  Minsan, may mga paniniwala at tradisyon ang ibang mga tao na pilit din nating sinusunod kahit na hindi naman natin alam at nasaksihan ang puno't dulo ng kanyang pinaniniwalaan.  Ang sabi nga ay wala namang masama kung sumunod ka na lang.

Kung talagang malas ang number 13 ay sana tinanggal na rin ito sa listahan ng mga numero.  Kung may kakaibang sumpa man ang meron sa numerong ito ay sana hindi na ito ipapagamit kailan man.  Kadalasan ay wala kang makikitang number 13 sa elevator, bahay, numero ng kuwarto, at iba pang mga bagay na may kinalaman sa komersiyo.  Sadyang napakalaking impluwensiya ng numerong ito para tayo't matakot at mangilag dito.

Pero kung talagang matatag at buo ang ating paniniwala sa may Dakilang Lumikha, wala tayong mga numero at iba pang mga bagay na dapat kakatakutan.  O sadyang nakaprogram na sa ating pagkatao na meron tayong iba't-ibang mga bagay na pinapaniwalaan maliban sa ating Panginoon na siyang may likha ng lahat.  Dahil ang paniniwala ko ay walang nilikha ang ating Panginoon na malas.  Tayong mga tao lang ang nagpapauso ng kamalasang ito.

Monday, April 28, 2014

Native Chicken

Isa sa mga masasarap na pagkain na tiyak na mahirap tanggihan ay ang tinola lalo na kapag native na manok ang gamit na sangkap.

Dahil natural ang pagkain at hindi puro feeds, laging angat ang sarap na dulot ng native na tinolang manok.  Ito palagi ang inihahanda namin kapag espesyal na okasyon.  At para mabawasan ang langsa nito ay ikinukulong muna ito ng halos isang linggo at doon na pinapakain sa kulungan.

Isa pang pinakagusto ko ay kapag may itlog ito na nabubuo sa loob ng kanyang katawan.  Mas malinamnam kasi ang lasa nito kapag kasama ang mga itlog na manilaw-nilaw pa.

Friday, April 25, 2014

Salagubang Delicacy

Matagal na akong nakakarinig na delicacy sa bandang norte ng Pinas ang mga salagubang.  Napanood ko ito sa mga magazine show sa tv kung saan ay hinuhukay ng mga tao ang lupa kung saan kadalasan ay pugad ng mga salagubang.  Mayroon lang kasi na tipo ng salagubang ang pwedeng kainin.  Kaya kapag dumadating na ang summer ay tila ba isang biyaya ito sa mga residenteng madalas na magluto ng ganitong tipo ng pagkain.

Pagkakuha nila ng mga salagubang ay kanila itong tatanggalan ng ulo, pakpak, at mga paa.  Hindi ko lang sigurado kung pati ang mga bituka nito ay kanila ding inaalis.  Pero dahil na dahon ng halaman ang siyang kinakain ng mga salagubang ay hindi naman ito nakakasama kong sakaling buo ang kanilang laman-loob.  Pagkatapos na malinisan at mahugasan ay kanila itong ipiprito o gawing adobo.  Para ka ring nagluto ng karne kapag ito'y ginawa mong adobo.

Sana kapag may pagkakataon ay matikman ko rin ito.  Masarap daw at juicy kapag ito'y iyong kinakagat.  Hindi ko lang sure kong makakaya ko ang katas nito kapag nasa bibig ko na.  Pero ika nga, wala namang masama kung susubukin.  Kapag kaya ng iba ay tiyak makakaya ko rin.  Hehe.

Tuesday, April 22, 2014

Beef Pares

Isa siguro sa mga all-time favorite ko na pagkain ay ang beef pares.  Simula kasi ng bata pa ako ay talagang mahilig na ako sa karne ng baka.  At kapag proven na masarap talaga ang luto ng isang putahe nito ay talaga namang babalik-balikan ko ito.

Dati-rati ay nagtatanong pa ko kung ano ba ang ibig sabihin ng pares.  Iyon pala ay simpleng ulam na kapares ng kanin.  Akala ko naman ay may kakaiba doon.  Malamang ang naiiba doon ay ang kakaibang sarap na timpla ng ng karne ng baka.

Pag beef pares ang inoorder ko ay tiyak na magrerequest ako na dadagdagan ang sabaw nito.  Paano kasi, sabaw pa lang ay ulam na.  Kahit na siguro wala itong kasamang karne ng baka ay papatusin ko pa rin dahil sa sarap ng sabaw nito.  At kadalasan ay napapa-extra rice pa ako dahil hindi ko kayang papakin ang ulam ng walang kanin.

Hay, naglalaway na naman ako dahil sa post na ito.  Tiyak takbo na naman ako nito sa paborito kong pares house para lang muling mamantikaan ang bibig ko ng beef pares.  Hehe.

Sunday, April 20, 2014

Tuli Take Two

Noong tinuli ang aking mga pamangkin ay nagtanong sila kung ang kanilang mama daw ba ay tinuli na rin.  Sumagot naman ang kanilang mama na hindi tinutuli ang mga babae.  Ako man ay napaisip at napag-alaman ko na pati pala ang mga babae ay tinutuli na rin.

Laganap sa mga bansa ng Africa at Middle East at ganoon din ang ilang lugar sa Asya kung saan maging ang mga babae ay tinutuli na rin.  Parte ito ng kanilang ritwal tungkol sa kagandahan, kababaang-loob, pagiging malinis, at pag control sa pagiging aktibo ng mga babae sa sex.  Kasama din sa paniniwalang ito ang pagkakaroon ng mga babaeng tinutuli ng dignidad, karangalan, at pagiging isang ina sa pagpapalaki ng kanilang mga anak na babae. May mga babae na sa edad na lima ay tinutuli na at umaabot ito hanggang sa kanilang pagdadalaga.  

Sa bawat kultura talaga ay iba't-ibang ritwal at paniniwala.  Ang iba ay taboo sa ating paningin at paniniwala at siguro maging ang ating mga nakagisnan at inoobserbang paniniwala at kaugalian na rin ay pwede ding maging taboo sa kanila.  Kung baga, kanya-kanyang trip lang yan at walang basagan ng trip.  Hehe.

Saturday, April 19, 2014

May

Sa pag-abot sa akin ng aking pamangkin ng baso na may alak, kunwari ay marunong akong uminom ng wine.  Pinaikot ko muna ang laman ng baso at pagkatapos ay inamoy ito bago tikman.  Ang sarap!

Noong nasa mall kami ay talagang parte ng kanilang listahan ang pagbili ng wine.  Masarap daw ang gusto nilang wine dahil natikman na nila ito mula sa isang kasalan.

"May" ang label ng wine at wala itong halong alcohol.  Noong una ay akala ko na katulad din ito ng ibang grape wines na natikman ko.  nang amuyin ko ito ay wala itong strong odor di gaya ng ibang wine.  At higit sa lahat ay masarap ito at manamis-namis na para bang galing ito sa fresh grape extract na kakagawa lang.

Dahil nagustuhan ko ang "May", tiyak na kapag may okasyon o kahit simpleng salu-salo man lang ay isasama ko ito sa handaan.  Cheers, guys.

Wednesday, April 16, 2014

Pinsec House

Sa kapapanood ko ng mga public affairs program ay nagkakaroon ako ng ideya sa mga lugar at pagkain na kanilang tinatampok.  At kung may pagkakataon ay dinadayo ko ang mga lugar ito at ma-experience kung ano ang kanilang mga ino-offer.

Ang Pinsec House na kainan ng mami sa Recto malapit sa Avenida sa Manila ay isa sa mga kilalang kainan na itinayo noon pa.  Hindi ko alam kung lagpas 70 years na itong operational.  Palagi ko itong nadadaanan kapag pauwi na ako galing ng Divisoria.  Iyon nga lang at di talaga ako nakagawa ng paraan para masubukan ito kahit isang beses man lang.

Minsan ay inaya ako ng isang kaibigan na mag night market sa Divisoria.  Nilakad namin mula bahay hanggang makarating kami ng Recto.  Medyo malayo din ang aming nilakad at hindi pa kami natigil doon.  Muli akong hinamon ng aking kaibigan na maglakad hanggang Divi.  Dahil nagkasubuan na ay pumayag na rin ako.

Pagkalagpas namin ng Avenida ay nadaanan namin ang Pinsec House.  Dahil matagal ko nang inaasam na makakain dito ay inaya ko ang aking kaibigan na sumaglit at mag foodtrip.

Pareho naming inorder ang regular serving nila ng beef wanton sa halagang 77 pesos.  Isa daw ito sa mga favorite na orderin ng kanilang mga customers kahit noon pa.  Ang kanilang regular serving ay good for two na pala at pwedeng pagsaluhan kung hindi naman kayo ganoon katakaw sa pagkain.  At kapag gutom ka at paborito mo ay mami, tiyak sulit at busog-sarap ka kahit sa regular serving pa lang.

Gustong-gusto ko ang timpla ng kanilang mami.  Kumbaga, sabaw pa lang ay solve ka na.  Masarap din at sobrang lambot ng kanilang beef.  Idagdag mo pa diyan ang ilang pirasong siomai ay talaga namang mabigat na ang mga ito sa tiyan.  Talagang solve, pinagpawisan, at sulit ang pagkain namin ng gabing iyon.

Meron lang isang downside ang experience namin ng gabing iyon.  Marahil dahil sa kalumaan ay napabayaan na nila ang lugar.  Sobrang kadiri ng kanilang banyo at barado ang kanilang drainage.  Pagpasok mo pa lang ay ramdam mo na agad ang mapangheng sorang tapang ng hindi kaaya-ayang amoy ng banyo.  Sana ay gawa nila ng paraan para linisin at ayusin ang kanilang banyo para na rin sa kaginhawaan ng kanilang customers.

Sunday, April 13, 2014

Cheese Donut

Dahil sa walang magawa at nang gutumin dahil sa aking pag-iikot ay nasumpungan ko ang isang bakery store.  Meydo matagal ko ring tinitigan ang kanilang mga paninda hanggang sa mapako ang paningin ko sa kanilang panindang bicho-bicho.

Cheese donut ang label na nakalagay sa harap ng tray kung saan madaming pahabang donut ang nakadisplay.  Malamang ay hirap silang gumawa ng bilog na donut kaya't pahaba na lang ang kanilang ginawa.  Hehe.

Nagtanong ako sa salesgirl kung talagang may palaman na cheese nga ang donut nila.  Sabi niya ay cheese donut nga iyon at may laman ngang cheese.  Hiyang-hiya naman ako sa sagot niya.  Oo o hindi lang naman pero ang haba ng sagot niya. Haha.  

Sabi ko ay susubukin ko nga kung anong meron sa cheese donut nila.  Anim na piso ang isang piraso na halos isang dangkal ko ang haba.  Pagkagat ko ng isa ay agad na hinahanap ng panlasa ko ang cheese.  Isang kagat pa ulit bago ko nalasahan ang cheese.  Putik na cheese yan.  Parang gatingting ng walis ang laki.  Haha.  sa liit ng cheese ay pahirapan ang paghanap dito at halos hahanapin ng dila mo ang lasa ng cheese.  Sabagay, mahal nga naman ang cheese at sa halagang anim na peso ay hindi mo dapat asahan ang isang blokeng cheese na palaman ng kanilang donut.

Sabi ko tuloy sa sarili ko.  Next time, donut buy na lang. Haha.

Thursday, April 10, 2014

Mangga

Kapag panahon ng mangga sa Pilipinas ay talaga namang bumabaha ito.  Simula ng maliit pa ako hanggang ngayon ay paborito ko rin ang mangga at inuulam ko din ito sa kanin.

Pero hindi lahat ng mangga ay kaaya-ayang kainin.  Minsan ay nabibighani tayo sa hinog na mangga dahil mabango ito.  Ang akala natin ay matamis din ito dahil sa kanyang bango.  Minsan din ay ipinagmamalaki ng mga tindera na galing sa Zambales ang kanilang panindang mangga pero wala namang kasiguraduhan ito.

Ang ayaw ko sa mangga ay yaong kinalburo.  Kahit na mabango ito ay maasim ang laman nito.  Hinog sa pilit kung baga.  Bagay dito ay gawing ensalada.  Kahit na nga sigurong mamatamisin ito ay lalabas pa rin ang pagkamaasim nito.  Ang isa pang iniiwasan ko sa mangga ay yaong mga mapuputing tuldok na naglilitawan sa laman nito.  Kapag ganito na ang hitsura ng mangga ay hindi ko na ito kinakain.  Malamang ay nasobrahan ito sa gamot.

Paminsan-minsan ay nakaktikim ako ng mangga na walang spray at tanging usok lang na nagmumula sa siga ang siyang tumutulong para mamulaklak at mamunga ito.  Dahil natural na proseso ang pinagdadaan nito para mamunga ay talaga namang sulit sa tamis at hindi makati sa lalamunan pag nakain mo ito.  Kadalasan ay pang personal na kunsumo ng isang pamilya ang ganitong estilo at hindi masyadong madami ang bunga ng isang puno.  At least masasabi mong safe ang kinakain nyong mangga.

At ang pinakagusto kong kainin na mangga ay yaong manibalang.  Sarap na sarap ako kapag manibalang na mangga na ang usapan tapos ay meron pang sawsawan na bagoong alamang.  Wow!  Heaven ang feeling.  Hehe.


Monday, April 7, 2014

Sinigang na Ulo ng Isda

Kapag sariwa ang isang malaking isda, trip ko itong gawing sinigang.  

Kadalasan, ang ulo, belly, at laman loob nito ang masarap gawing sinigang.  Ito daw kasi ang pinakamasarap at pinakamalasang parte ng isda.  Hindi ko alam kung ano ang explanation kung bakit masarap ang ulo ng isda lalo na kapag may sabaw ito.  Kahit nga simpleng pangat lang ito ay pasok na.  Sa tagal ng inilagi ko sa probinsiya ay nakasanayan ko na ang magbutingting ng ulo ng isda at the best lagi pag nakakamay ka kung kumain.

Ang hindi marunong kumain ng ulo ng isda ay kadalasang ini-ignore ito.  Hindi kasi nila alam na merong masarap na laman na nakapaligid sa mata nito at ganoon din sa mga gilid gilid ng mga buto nito.  Hay, tulo laway na naman ako kapag isda ang pinag-usapan.  Tiyak maghahanap na naman ako ng sinigang na isda sa paborito kong kainan nito.

Friday, April 4, 2014

Chatime Milk Tea

Simula nang mauso ang milk tea ay nagsulputang parang kabute ang mga iba't ibang establishments na nagtitinda ng milk tea.  Halos lahat na ata ng brands ay natikman ko na.  Merong totoong milk tea drinks at meron din diyang joke joke lang ang dating.

Isa sa mga naging paborito ko ay ang Chatime.  Ang madalas kong inoorder dito ay ang strawberry flavor.  Ewan ko ba kung bakit sobrang loko ako kapag usapang strawberry na.  Pakiramdam ko ay parang may magnet ang strawberry sa akin.  At patok sa panlasa ko ang milk tea na may chocolate at strawberry.

Kaya't kung meron man akong kakilala diyan na gustong manlibre ng milk tea, alam niyo na ang bisyo ko.  Hehe.

Thursday, April 3, 2014

Salagubang

Sa tuwing sumasapit ang summer ay panahon ito ng mga naglalabasang salagubang.  Kadalasan ay sa puno ng sampalok o mangga namin sila kinukuha.  Kaunting yugyog mo lang sa puno ng sampalok o mangga ay isa-isang maglalaglagan na ang mga ito.

Bibihira na kasi akong umuwi sa probinsiya kapag summer kaya't hindi na ako updated sa mga laro ng mga bata sa aming lugar. Noong kapanahunan kasi namin ay kanya-kanyang bitbit na kami ng lata ng gatas o sardinas at nilalagyan namin ito ng dahon ng sampalok.  Ang latang bitbit namin ay nagsisilbing bahay ng mga salagubang na aming nahuhuli at ang dahon ng sampalok ang siyang magiging pagkain nila.  Kailangan lang ay masipag kang magpalit ng dahon ng sampalok at linisin ang loob ng lata para hindi ito bumaho.

Ang isa sa mga libangan namin noon ay pag-aawayin namin ang magkasinglaki na salagubang.  Itataas namin ang kanilang mga pakpak at ibabaling ito nang paharap saka iipitin sa butas ng maliit ng siit ng kawayan.  Ang siit ng kawayan na wala pang halos kalahating dangkal ang haba ang siyang magsisilbing clip ng mga pakpak ng salagubang.  Pagkatapos ay paghaharapin namin ang dalawang salagubang na naka-clip ang mga pakpak at magpapambuno na sila.  Ang unang salagubang na matutumba ay talo at best of three ang labanan namin.  Ang natalong salagubang ay mapupunta sa panalong kalaro.

Wednesday, April 2, 2014

Tuli

Lumaki ako sa probinsiya at tuwing summer time ay uso sa amin ang pukpok sa pagtuli.  Kuya ko kasi ang nagtutuli doon sa amin kaya't alam ko ang ritwal nito.

Mayroon akong kakilala dati na mas matanda lang sa akin ng kaunti.  High school na siya noon nang naiisipan niyang magpatuli sa kuya ko.  Lahat ng pukpok na tulian sa amin ay sa tabing ilog ginagawa.  Bago ang pagtuli ay nagbabad muna sila sa ilog para lumambot ang balat na hihiwain.  Epic fail ang gagawin sa kanyang pagtuli dahil hindi pa pala nakalas ang nakakapit na balat doon sa kanyang totot.  Kaya't the return of the comeback na lang siya pagkaraan ng ilang linggo.

Ang napapanood nating blopper sa sine tungkol sa eksena sa tulian gaya ng pagbuga ng nginuyang dahon ng bayabas ay talagang nangyayari iyon.  Dahil sa pagkalito at pagkataranta ng batang tinutuli ay naibubuga niya kung saan-saan ang nginuyang dahon ng bayabas.  Kaya't minsan ay may nakahandang pinitpit na dahon ng bayabas kung sakaling malunok o mabuga ito ng mismong tinuli.

Tuesday, April 1, 2014

Nilagang Kamote

Ang kamote ay isang alternatibong pagkain sa kanin at katulad din ng nilagang saba at nilagang mais.  Iyon nga lang kahit na anong klaseng nilagang kamote pa iyan, mapa-dilaw, puti, o ube,  parusa ang hatid sa mga taong makakaamoy ng utot mo.  Haha.  Ano nga ba ang meron sa kamote at ang lakas nitong magpalabas ng di kanais-nais na gas sa ating tiyan.

Meron tayong mga kakabayan na nasanay nang kumain ng nilagang kamote sa halip na kanin.  Sinubukan ko din ito pero talagang iba ang hatid na bigat at pagkabusog kapag kanin ang kinain ko.  Malamang ay sanay na talaga ang tiyan ko sa kanin at siguro ay isip ko ang nagdidikta na maghanap ito ng kanin kahit na halos bundat na ang aking tiyan.  Pero kung sakaling taghirap at tanging kamote lang ang kakainin ay malamang kaya ko namang mag-adjust.

Kapag nagluluto ako ng kamote, ang laging hanap ko ay ang dilaw na kamote.  Di hamak na mas masarap kasi ang dilaw na kamote kumpara sa iba pang variety ng kamote.  At di lang iyon.  Masarap ding ihalo sa karne ang kamote lalo na kapag nilaga o pochero ang putahe.  Haha.  Naglalaway tuloy ako sa mga luto na ito.  Hamo at makapagluto nito mamaya para naman magamot ang biglang pangungulila ko sa ganitong putahe.

Saturday, March 29, 2014

Crab Meatballs

Ang sabi ng kasabayan ko nang bumibili kami sa food stall ay sobrang mahal daw ng balls ng crab.  Haha.  Humirit naman ang isa pa na ang lalaki daw ng balls ng crab.  Haha pa ulit.

Minsan ay napagawa ako sa Divi dahil free time ko naman.  Sa kakaikot ko ay napagawi ako sa mga food stalls sa labas ng mall kung saan marami ang mga nagtitinda ng mga pamatid-gutom at pamatid-uhaw.  Dahil sa sobrang naengganyo ako sa hitsura ng crab meatballs, kahit na may kamahalan ito sa halagang 50 pesos ang isang tuhog ay pinatos ko na rin.  

Sa totoo lang, ang halagang 50 pesos ay dalawang order na ng kanin at isang madaming ulam na ang katapat noon sa tindahan malapit sa amin.  Pagkain ko na sana iyon ng tanghalian at hapunan.  Huhu. Pero dahil mas malakas ng hatak ng crab meatballs at para maiba naman ang mantikang dumapo sa bibig ko ay pinagbigyan ko na rin ang kaunting luho ng katawan este ng bibig ko.  Hindi naman ako nagsisisi at rewarding naman ang lasa.  Lasang crab.  Bwahaha.  

Iyon nga lang at halos malalasahan mo na rin ang iba pa nilang itinitinda dahil sa iisang lutuan lang sila piniprito.  Pati ang mga sawsawan ay pare-pareho lang din.  

Wednesday, March 26, 2014

Daing na Bangus

Tawa ng tawa ang kasamahan ko nang minsang kumain kami sa isang kilalang steakhouse.  Paano ba naman kasi ay umorder ako ng bangus kung saan ang specialty ng restaurant na iyon ay steak.  Inaasar tuloy niya ako habang tinatakam ako sa bawat subo niya ng steak.  

Paano ba naman kasi, pinagbawalan muna ako ng doktor na maghinay-hinay muna sa mga matatabang pagkain dahil mataas ang aking kolesterol count.  Naramdaman ko kasing sumasakit na ang batok ko ng mga panahong iyon at gusto ko pa namang mabuhay pa ng mas mahaba.  Parusa nga ang paglalaway ko sa steak habang sarap na sarap ang kasama ko samantalang todo tiis naman ako sa walang kabuhay-buhay na lasa ng pritong bangus na iyon.  Kunswelo ko na lang ang gravy dahil nagmukha ding steak ang kinakain ko.  Huhu.

Sunday, March 23, 2014

Iced Tea

Nakarinig ka na ba nang umorder ng iced tea pero walang ice?  Haha.  

Kapag medyo nangangati ang lalamunan ko at walang service water o di kaya'y mineral water ang isang kainan, ang madalas kong inoorder ay tea.  Minsan nakakarinig ako ng correction galing sa sales clerk dahil kapag umoorder ako ng tea ay sinasabi nila na wala daw silang tea o tsa-a.  Ang meron lang sila ay iced tea.  Kaya't sinasabihan ko na lang na sige iced tea na lang pero wag niyang lagyan ng ice.  At kapag narerealize ng sales clerk na tea nga ang siyang binibigay niya sa akin ay napapangiti na lang ito.

Mayroon ngang joke na rated PG at siguro ay narinig nyo na rin ito tungkol sa tsa-a.  Kapag ang isang babae daw ay nag-order ng tsa-a, alam nyo na na meron na itong karanasan.  Dahil kapag wala pa daw itong muwang sa mundo, ang tipo ng inumin nito ay pipsi.  Hehe.  Uy, walang pikunan.  Joke lang po ito.

Friday, March 21, 2014

Pasaway na Driver Take Two

May nasakyan akong jeep na kung saan ay may pasaway na driver.  Style na ata ng driver na ito at talagang sinasadya niya ang kanyang bulok na diskarte.  Hindi ko tuloy alam kung marami ba siyang binubuhay o sadyang nanarantado lang talaga ng mga pasahero.

Bilang isang pasahero ay alam naman natin ang halagang ating binabayaran mula sa kung saan tayo sumakay at kung saan tayo bababa.  Kung baga, nakaukit na sa atin ang pagiging tapat sa dapat nating babayaran.  Kahit na nga may taripa o fare matrix ay hindi pa rin pare-pareho ang singil ng mga driver.  Kaya't para makaiwas na magulangan ka ng isang driver ay saktong barya dapat lagi ang ipambabayad mo.

Ang nasumpungan kong driver minsan ay sobrang pasaway talaga.  Kapag nagbayad na ang pasahero ay walang sukli na bumabalik.  Kahit na magsisigaw ang pasahero sa kanyang hinihinging sukli ay para bang walang narinig ang driver.  Diretso lang siya sa pagmamaneho.  Ang mga kasabay kong pasahero ay nagkakantiyawan na tuloy sa loob ng jeep.  Malamang ay naririnig na rin ito ng driver dahil maingay na at marami na ang nagrereklamo tungkol sa kanilang sukli.  Pero si mamang pasaway na driver ay deadma lang at tuloy lang siya sa pagmamaneho.

Tapos ay bigla na lang kaming nagkatawanan ng malakas.  Iyon bang tipong mga tawang nakakaasar din.  Meron kasing isang lalakeng pasahero na sumigaw nang "Bayad po."  Pagkarinig ng "bayad po" po ay mabilis na nakasahod agad ang palad ng driver.  Hindi pala bingi at naririnig kami.  Hagalpak tuloy kami sa tawanan dahil kapag "sukli" ang hinihingi ay talagang sadyang wala siyang naririnig.  Haha.  Ayos ang style ni mamang driver.  Style niya bulok.

Thursday, March 20, 2014

Bibingka

Sa may kanto ay merong nagtitinda ng bibingka.  Bigla akong nag comment na "Sobrang mahal naman!" dahil talagang mahal ang tinda nilang bibingka na halos kasing lapad ng palad ko.  Akalain mo ba namang 40 pesos ang isang order.  

Naging defensive naman si ateng tindera at ipinagmamalaki na merong Star Margarine, keso, at higit sa lahat ay espesyal daw ang bibingka nila.  Napatanong ako kung bakit naging espesyal ang bibingka nila.  Buong pagmamalaki na sinabi ni ate na meron daw itong itlog na maalat.  Nagtanong ulit ako na porke't may itlog na maalat ay espesyal na agad?  Napa-oo naman siya at kahit daw ano basta merong itlog na maalat ay espesyal na ito.  Natawa ako bigla sa sagot niya.  Sinabihan ko si ateng tindera na espesyal din pala ako dahil meron din akong itlog na maalat.  Natawa ang katabi kong mama na naghihintay ng order niyang bibingka.  Si ate ay napakunot noo na lang at hindi na gets ang joke ko.  Haha.  Slow.

Monday, March 17, 2014

Guisadong Pusit

Nasubukan mo na bang kumain ng pusit lalo na iyong nanggigita sa malapot nitong maitim na dagta?  Ang sarap noon lalo na kapag talagang masarap ang pagkaluto.

Doon po sa amin kung saan laging sariwa ang mga itinitindang mga pusit ay palaging naglalakihan ang mga pusit na itinitinda.  Bibihira ka lang makakita ng mga maliliit na mga pusit.  Karamihan ay mga malalaking pusit at talaga namang sobrang itim ng mga ito dahil sa kanilang mga tinta.

Sa isang lugar kagaya sa amin, mayroon ding mga kakatwang kwento na lumalabas tungkol sa pusit.  Minsan daw ay mayroong isang mangingisda na nakahuli ng hindi gaanong karaming pusit.  Dahil sa alanganin ang dami nito para maibenta, inuwi na lang niya ang kanyang huli at agad na ipinaluto sa kanyang asawa.  Ang sarap ng pagkaluto ng kanyang asawa at agad silang kumain ng hapunan.  Habang kumakain sila ay merong bumabangabag sa kanila lalo na sa lalakeng mangingisda.  Hindi siya mapakali at pilit na hinahanap ang pinagmumulan ng kakasukang amoy.  Amoy tae daw kasi sa paligid.  Nang hindi niya makita ay balik hapag kainan siya.  Laking gulat na lang niya nang hiwain niya ang tiyan ng isang malaking pusit at doon na umalingasaw ng tuluyan ang amoy ng ebaks.  Yaikss.

Kung totoo man o hindi ang kuwentong ito, bago ako magluto ng pusit ay inaalam ko muna ang laman ng katawan nito.  Kadalasan sa mga natutuklasan kong laman ng tiyan nito ay ang buong isda na kanyang nakain o di kaya'y ang kanyang itlog.  At mas masarap ang lasa ng pusit kapag puno ng itlog ang kanyang tiyan.

Sunday, March 16, 2014

Siesta Time

Sa taong pagod at inaantok, walang basagan ng trip kung saan pwedeng magpahinga.  Hehe.

Sa siyudad, kung isa kang taong NPA (No Permanent Address) ay hindi mo na kailangang maging choosy pagdating sa tulugan.  Basta ba hindi ka nakakasagabal o nakaka-istorbo sa ibang tao, pasok na iyon.

Sadyang mahirap talaga ang makahanap ng isang lugar kung saan pwede ka matulog o maidlip nang hindi ka nag-alala sa iyong kaligtasan pati na ang iyong mga gamit.  Alam naman natin na hindi ka pwedeng makampante sa iyong paligid lalo na kapag marami kang dala-dalahan at kapag bagong mukha ka sa isang lugar.  Marami kasing mga bantay-salakay sa paligid at kung pwede ngang pati ang tao ay kukuhain nila ay tiyak nilang gagawin.

Kaya sa mga taong gustong mag-adventure sa siyudad at walang tiyak na matitirhan ay tamang diskarte lang ang kailangan.  Kung baga, ang mga taong nakakasurvive sa magulong siyudad ay dapat maging street smart.

Saturday, March 15, 2014

Pasaway na Driver

Naranasan mo na bang maiinis o di kaya'y maasar sa isang jeepney driver dahil lahat ata ng tao sa bangketa ay kanyang hinihintuan at niyayang sumakay sa minamaneho niyang jeep?  Parang adik lang ang dating ano?

Alam naman natin na mahirap ang trabaho ng isang jeepney driver.  Lalo na kapag mahina ang pasada, kailangan talaga nilang dumiskarte para makakuha ng maraming pasahero.  Sa mga terminal ng jeep ay talagang maiintindihan natin na kailangang mapuno muna ito bago lumarga.  Pero kapag wala sa terminal at ginagawang terminal ang bawat kanto ng kalye ay ibang usapan na yan.  Tapos makakasakay ka pa sa jeep na kung saan ang driver ay binubusinahan at kinakawayan ang lahat ng kanyang madadaan at pipiliting sumakay.  Parang timang lang ang drama.  Hehe.  Siyempre kung sasakay ang isang pasahero ay talagang papara ng jeep yan.  Hindi mo kailangang hintuan ng matagal at ayain na sumakay kung hindi naman sa ruta mo ang kanyang pupuntahan.

Hay, kung minsan talaga may mga pasaway ding mga driver.  Hindi alam kung paano lumugar at sa kagustuhan niyang makarami ay marami na rin siyang naaabala.  Dyahe naman kung babawiin mo ang binayad mo sa kanya tapos lilipat ka ng ibang jeep.  Baka magalit at bigla ka pang sagasaan.  Haha.

Friday, March 14, 2014

Lupok-lupok

Hindi ko alam ang actual na pangalan ng halaman na ito.  Kadalasan itong nakikita sa bukirin at mga bundok.  Para itong ligaw na halaman na kahit saan tumutubo.

Kinalakhan ko na ito at noong kabataan ko ay isa ito sa mga pinaglalaruan at kinakain namin.  Ang tawag nito sa amin ay lupok-lupok dahil ang bunga nito ay puwedeng papaputukin.  Kapag hindi pa hinog ang bunga nito ay kulay berde ang pabalat ng bunga nito pati na rin ang kanyang bunga mismo.  Kapag hinog na ay parehong nagkukulay dilaw na ang pabalat at bunga nito.  At kapag hinog na ito ay puwede nang kainin.  

Thursday, March 13, 2014

Honeybee

Meron akong kabarkada na nagtitinda ng mga prutas.  Ang kanyang kariton na puno ng prutas ay palaging nakaparada sa may kanto kung saan ay maraming tao ang dumadaan.  Sa tinagal-tagal ng panahon ay marami na siyang naging suki at kasama na dito ay ang mga honeybees.

Karamihan sa mga documentary shows na napapanood ko na tunggol sa mga honeybees ay ipinapakita nila ang pagkuha ng mga ito sa nektar ng mga bulaklak.  Ipinapakita doon kung papaano nila ituro ang direksyon sa iba pa nilang mga kasamahan at ilang saglit pa ay marami na silang sumusugod sa lugar na iyon.  Sadyang nakakagilalas ang paraan ng kanilang komunikasyon sa bawat isa.  At ang ginagamit nilang guide sa kanilang paglipad ay ang posisyon ng araw.

Sa madalas kong pagtambay sa kabarkada kong nagtitinda ng mga prutas ay palaging napapansin ko ang maraming honeybees na dumadapo doon kapag ang tinda niya ay pinya o pakwan.  Ang mga balat ng tinalupan niyang pinya o pakwan ay siyang pinagpipiyestahan ng mga honeybees na ito.  Hindi lang pala sila sa mga bulaklak kumukuha ng nektar kundi maging sa mga prutas kagaya ng pinya at pakwan.  Sa tuwing may dumadapong honeybee sa balat ng tinalupang pinya o pakwan ay tuwang-tuwa naman ako lalo na kapag nakakakuha ako ng close up shot sa kanila.  Sa kabutihang palad ay hindi pa naman ako natutusok ng karayom nila.  Hehe.

Wednesday, March 12, 2014

Bata sa Libingan

Sa aking pag-iikot sa loob ng libingan ay may nakita akong bata na pagala-gala rin.  Nag-iisa lang siya at marahil ay na-curious din kung ano ang ginagawa ko.  Taga-kabilang bakod lang pala siya ng libingan at meron daw isang lagusan mula sa kanilang tinitirhan papasok ng libingan.  Madalas daw silang gumagala dito at ito na ang kanilang ginagawang palaruan.  Napa-elibs naman ako sa batang ito at hindi natatakot gumala mag-isa sa loob ng libingan.  Habang ako ay panay ang kabog ng dibdib ko dahil sa takot na idinidikta ng isip kong mapaglaro, ang batang ito naman ay kampante na gumagala dito kahit mag-isa lang siya.  Hindi ko man lang siya nakitaan ng pagkatakot o pangingilag.

Dahil sa presensiya ng bata ay medyo lumuwag ang dibdib ko at nawala ang kaba ko.  Habang nag-iikot kami ay nakabuntot siya at panay ang tanong din sa akin.  Sa aming kakagala sa loob ng libingan ay nagsulputan ang iba pa niyang mga kasama.  Hindi ko tuloy maiwasang mangiti at mapabilib sa mga batang ito.  Ginawa na nilang parte ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang loob ng libingan na ito.  Halos araw-araw daw silang namamalagi at naglalaro dito dahil tahimik at walang nakikialam sa kanila.  

Sabagay, kung hindi naman talaga i-program sa isipan natin na dapat nating kakatakutan ang isang lugar ay hindi naman talaga ito nakakatakot.  Meron pa ngang mga sementeryo na ginagawang tirahan na ng ating mga kakabayan at sa mismong tabi o ibabaw pa sila ng nitso natutulog.  Minsan, kung saan ka pwedeng mabuhay kahit na kapiling mo ang mga patay ay gagawin mo para lang maka-survive.

Tuesday, March 11, 2014

Turon

Kapag simple lang ang pamatid-gutom mo at hindi ka naman masyadong pihikan, sa halagang 5 o 6 pesos ay makakaraos ka na.  Takbo ka lang sa may kanto ay tiyak may nagtitinda na ng turon.

Madali lang naman kasi gawin ang turon.  Isa o dalawang piraso na maninipis na hiwa ng hinog na saging na saba, sabay sasamahan ng kapiranggot na strip ng hinog na langka, ibabalot sa lumpia wrapper, ilulublob sa kumukulong mantika, at bubudburan ng asukal. Ilang sandali lang ay may mainit at masarap na turon ka na.

Kadalasan ay isa o dalawang order ng turon ay busog ka na.  Mabigat kasi sa tiyan ang saging na saba.  Tapos ang bawat pagkagat mo ay susundan mo ng inum ng tubig.  Sigurado, panalo ka sa kabusugan sa murang halaga lang.

Monday, March 10, 2014

Ligawan

Ang isa daw sa pinaka-best part ng isang relationship ay ang pagliligawan.  Sa pagliligawan ay mae-experience natin ang lahat ng kilig at kasiyahan na siyang nagpapakabog ng ating puso.  Lahat na ata ng mga masasayang sandali at alaala ay laging nagsimula sa ligawan.  Kaya nga nauuwi sa totohanang relasyon ang namamagitan sa dalawang taong nag-iibigan dahil malamang ay naging maganda ang takbo ng kanilang pagliligawan.

Iyon nga lang at kapag tumatagal na ang relasyon ng magsing-irog, ang ligawang nangyari dati ay unti-unti nang nababawasan.  Para bang habang tumatagal ay nababawasan na rin ang kilig.  Siguro dahil kayo na nga at ang susunod na stage ay makilala pa ng todo ang isa't-isa.  At ang masaklap pa ay dumadating ang panahon na ang mga nakagawian na mga ligaw styles dati ay tuluyan nang naglaho.

Ganoon talaga siguro ang isang relasyon.  Maraming mga stages ang pinagdadaanan at patuloy na pinagdadaanan.  Wala kasing kasiguraduhan ang lahat at dapat ay patuloy itong magawan ng paraan ng bawat isa na panatilihin itong exciting at masaya para mas lalo pang tumibay ang samahan.  Pero iyon nga, ang pinakaunang stage kung atin lang babalikan ay siyang pinakamasaya at pinakakilig sa lahat.  Malamang kung kaya nating ma-maintain ang ganitong stage ng ating relasyon kahit na tumanda na tayo ay tiyak na ang bawat araw na lumilipas ay puno pa rin ng kilig at sweetness.  Hehe.  Cheesy moment ito.

Sunday, March 9, 2014

Binyag

Kumakailan lang ay dumalo ako sa isang binyag kung saan ay inimbitahan ako.  Akala ko ay bisita lang ako subalit instant ninong pala ako.  Haha.  Ang galing ng kumpare ko at doon lang sinabi na ninong daw ako.

Sa okasyong iyon ay nagkita-kita kami ng mga matagal ng kaibigan at kakilala.  Isa ito sa mga okasyon na pwede kaming magkasama dahil na rin abala ang bawat isa sa trabaho at iba pang mga personal na dahilan.  At sa tuwing magkikita ay maraming mga alaala ang siyang bumabalik at paulit-ulit na pinagkukuwentuhan.

Mapalad siguro tayo na magkaroon ng mga kaibigan na maituturing natin na yaman ng ating buhay.  Kahit na lumipas pa ang mahabang panahon at kahit na hindi madalas ang pagkikita, kapag dumadating ang mga espesyal na sandali sa buhay ng isa't isa ay nagtitipon ang lahat para dumalo.  Isa itong bagay na bumubuo at nagpapanatili ng isang matibay na samahan.

Sa aking mga kaibigan, salamat sa pambihirang pagkakataon na ito at ganoon na din sa patuloy na pagpapahalaga at pagpapaalab sa ating samahan at pagkakaibigan.    

Saturday, March 8, 2014

Spaghetti

May kasabihan na ang pancit daw ay pampahaba ng buhay.  Kaya ang pagkain na ito ay madalas na nakikita natin sa mga hapag-kainan.  Pero may narinig na ba kayong ang spaghetti ay pampahaba din ng buhay?  Haha.

Dahil sa impluwensiya ng mga Tsino kaya't nakahiligan at inadopt na rin natin ang maraming aspeto ng kanilang kultura at kasama na nga dito ang pagkain ng pancit.  Dahil sa mahahabang hibla ng pancit ay pinaniniwalaan ng mga Tsino na pampahaba ito ng kanilang buhay.  Pero ang paniniwalang ito ay tanging sila lang ang nagpapalaganap.

Sa paglipas ng panahon ay naiimpluwensiyahan na rin tayo ng kulturang kanluranin.  Pati ang pagkaing kanluranin ay swak na rin sa ating panlasa.  At sino nga naman ang tatanggi kapag spaghetti na ang kakainin?

Kung ang pancit ay pampahaba ng buhay dahil sa mahabang hibla nito, bakit hindi natin nakaringgan na ganoon din ang spaghetti?  Dahil ba ang  pancit ay gawang Tsino at ang spaghetti ay galing sa mga puti?  Kailan kaya isasali ng mga Tsino ang spaghetti sa kanilang listahan ng pagkain bilang pampahaba ng buhay?  Wala pong magagalit at simpleng nagtatanong lang. :)

Friday, March 7, 2014

Bonding Moment

Masuwerte ang mga batang lumaki kapiling ang kanilang mga magulang at ganoon din ang kanilang mga lolo't lola.  Kadalasan ay buhos ang pagmamahal sa mga bata na galing sa kanilang lolo at lola.

Ang sabi nga ay masyadong emotional ang mga matatanda at sobrang buhos din sila magmahal.  Hindi man nila sasabihin ito ay maging sila man ay gustong mahalin din sila ng lubos.

Dahil nga may edad na sila at wala nang masyadong ginagawa pa, ang pagkakaroon nila ng apo ay isa sa mga bagay na talagang kinakagiliwan.  Kadalasan ay mas spoiled pa ang mga apo kumpara sa kanilang mga anak.  Malamang ay malaking bagay ang palaging pagkakaroon ng bonding moment ng maglolo o maglola kumpara sa mag-ama o mag-ina.

Nang masulyapan ko ang maglolo na ito ay lihim akong humanga sa kanila.  Naisip ko na masuwerte ang batang ito at naranasan niya na magkaroon ng lolo at maipadama ng matanda ang pagmamahal nito sa kanya.  Sa murang edad ng bata ay hindi pa niya maiisip ito subalit pagdating ng panahon, tiyak na isa ito sa mga bagay na ipagmamalaki niya at hindi kailanman mabubura sa kanyang isip.

Thursday, March 6, 2014

Daya

Bakit madadaya tingnan ang mga pictures at promotional food items ng mga resto at food chains?  Hindi ba nila isinasapuso ang katuturan ng "truth in advertising?"  Bakit mukhang naguguyo ng iba ang kanilang mga customers?

Kadalasan, kapag pumapasok tayo sa resto o fast food ay madalas nating tingnan ang mga pictures na nakapost sa counter o di kaya'y sa menu.  Kapag hindi tayo sigurado sa ating oorderin ay malaking bagay ang ginagampanan ng mga pictures ng pagkain.  Kaya nga ganoon na lang ang paggastos ng mga ito pag dating sa kanilang commercials at promotional gimiks para sa kanilang mga pagkain.

May mga pagkakataon na sobrang nakakadismaya lang at pakiramdam natin ay natanso tayo sa pagkaing ating inorder.  Minsan ay iba ang hitsura at sobrang nakakatakam ang nasa picture tapos pag atin na itong na order ay iba din ang hitsura nito.  Kung pwede nga lang na picture na lang ang orderin ay ginawa na natin basta ba pwede itong kainin.  At ang mahirap pa ay sobrang mahina ang sistema sa ating bansa pagdating sa reklamo tungkol sa mga karapatan natin pagdating sa mga "deceiving tactics" ng ibang mga resto o fast food chains.

Wednesday, March 5, 2014

Hopia

Isa marahil sa mga masarap na kainin ay ang hopia.  Nakalikahan ko rin kasi itong kainin at ang mga unang hopia na nakain ko ay matigas ang dough o tinapay.  Sa totoo lang, isa din ata ang hopia sa mga halos hindi nagbabago ang anyo sa mga lugar kung saan mura lang ang benta nito.  At malamang ay makakarelate kayo sa salaysay ko kapag nakakain na kayo ng Tipas brang ng hopia.

Meron akong kaibigan na sa tuwing maliligaw sa Quiapo ay palagi siyang nag-uuwi ng hopia sa kanila.  Ang Master Hopia kasi sa Quiapo ay isa sa mga nagluluto ng masarap na hopia.  Madalas ay marami ang dumadayo dito para lang makabili ng kanilang hopia.  At kapag maligaw kayo dito ay talaga namang sobrang daming varieties ng hopia na mapagpipilian.  

Ayan, tulo-laway tuloy ako sa post na ito.  Malamang ay biglang maligaw na lang ako sa Quiapo at kapag magawi ako sa lugar ng Master Hopia ay tiyak na foodtrip ulit ako.

PS.  Wala silang flavor ng hopia na pusa ang palaman.  Hehe.

Tuesday, March 4, 2014

Manhole

Isa sa mga problema na hindi matapos-tapos sa isang matao at progresibong siyudad gaya ng Manila ay ang nakawan ng takip ng manhole.  Kadalasan ay iisa lang ang itinuturong culprit sa gawaing ito.

Dahil purong bakal ang takip ng manhole at madali itong tanggalin ay isa ito sa mga malimit na target ng mga taong nagkakalakal.  Mahal kasi ang presyo nito kapag kanilang ibinenta.  Tapos ang mga may ari ng junk shop ay sila naman ang agad na pinagbibilhan ng mga nagkakalakal sa mga nakuha nilang takip ng manhole.  Masyado din silang naglalaway sa kanilang tutubuin sa takip ng manhole at kahit na ipinagbabawal ang pagbili nito ay pikit-mata nilang tinatapatan ng pera ang gawaing ito ng mga nagkakalakal.  Kaya't para na rin nilang sinusuportahan ang maling gawaing ito.

Ilan pa kayang disgrasya at buhay ang malalagay sa alanganin bago maisip ng mga taong kumukuha ng takip ng manhole ang kanilang maling gawain.  Mas matindi ba ang tawag nang kumakalam na sikmura kumpara sa disgrasyang maidudulot nila sa ibang tao?  Sabagay, kapag survival na ang pinag-uusapan (kahit sa mga edukado at matataas pang tao) ay walang sinisino ang kapakanan ng ibang tao.

Monday, March 3, 2014

Dugo

Noong una ay takot talaga ako sa karayom.  Ang karayom na tinutukoy ko ay ang karayom na ginagamit sa pagkuha ng dugo.  

Dati ay bibihira lang talaga ako maka-encounter ng doktor dahil hindi naman ganoon ako malimit na magkakasakit.  Nang dumating ang panahon na napapadalas na ang dalaw ko sa doktor dahil sa required check up o di kaya'y nagkakasakit ay doon ko natutunan na makipagtuos sa karayom.

Dati rati ay malakas ang kabog ng dibdib ko sa tuwing kinukuhaan ako ng dugo.  Malaki kasi ang karayom at sa pagtusok pa lang sa braso mo lalo na kapag hindi marunong ang nurse ay masakit ito.  Dati rati ay kunwari iniiba ko pa ang usapan para lang malihis ang atensiyon ko sa gagawing pagkuha ng dugo sa akin.

Ngayon ay parang balewala na ito sa akin.  Ngayon ay natitingnan ko na ang proseso habang kinukuhaan ako ng dugo at habang pinupuno ang tubo ng aking dugo.  Kailangan lang pala magiging madalas ang paggawa nito para ma immune ka sa kaba at sakit na dulot nito.

Sunday, March 2, 2014

Brownies

Bakit ang brownies ay tinatawag na brownies?  Dahil ba ito sa kulay nila?  E kung ang kulay nila ay blue, tatawagin ba silang bluenies o pag red ay rednies?  Hehe.

Dahil sa mahilig ako sa chocolates, ang isang masarap, nakakatakam, at irresistible na pagkain gaya ng brownies ay tiyak na hindi ko ito papalampasin.  Marami-rami na akong natikman na brownies.  Ang pinakagusto ko sa lahat ay yaong malambot ang dough, merong halong nuts, at pati na rin ng choco flakes.  At ang pinaka the best sa lahat ay mayroon itong choco syrup.  Wow lupet!  Hehe.

Saturday, March 1, 2014

Sigarilyo

Meron akong isang kaibigan at kasama sa trabaho na naninigarilyo.  Grabe!  Sobrang cool niya tingnan kahit na hawak pa lang niya ang sigarilyo.  Gustong-gusto ko ang ginagawa niyang paglalaro ng sigarilyo sa kanyang mga daliri.  

Bibihira lang akong makakita ng taong naninigarilyo na sobrang galing humawak ng sigarilyo.  Nakakaengganyo siyang tingnan at sa hindi inaasahang pagkakataon ay sinubukan kong manigarilyo.

Kahit noong una pa man ay wala talaga sa listahan ko ang tumikim ng sigarilyo.  Sinabihan na rin ako ng kapatid ko na mas mabuti pang uminum kesa manigarilyo.  Bilang masunurin na kapatid ay sinunod ko naman ang kuya ko.  Pero nang makasama ko ang kaibigan kong iyon ay sinubukan dahil sa tingin ko ay pampadagdag pogi points iyon.

Siyete, otso, nuwebe ang nangyari.  Napaubo ako sa unang hithit ko pa lang.  Ganoon daw talaga kapag newbie at hindi pa marunong lumunok at bumuga ng usok ng sigarilyo.  Tapos naramdaman ko na biglang lumagkit ang lalamunan ko at kakaiba ang laway ko.  Napaubo ako at nang magtakip ako ng bibig ay naamoy ko ang daliri ko.  Siyete otso ulit at ang baho ng daliri ko.  Haha.  Ayun at tinapon ko ang hawak na sigarilyo at ipinangako ko sa sarili ko na hindi na ako hahawak at titikim noon.

Friday, February 28, 2014

Langaw

Bakit nga ba ginawa ang langaw kahit na ang turing natin dito ay isang peste?

Minsan ay napadaan ako sa isang tambakan ng basura sa may tabing kalsada.  Ang makulit na kasama ko ay binulabog pa ang mga langaw na kasalukuyang nagpipiyesta sa mga nabubulok at mabahong basura na nandoon.  Bad trip ika nga dahil biglang nagliparan ang mga langaw at tumakbo kaming papalayo sa bahaging iyon ng kalsada.  Haha.  Baliw talaga ang kasama kong iyon.

Ang isang logical na naisip ko kung bakit ginawa ang langaw ay para ipaalam sa atin na marumi ang ating paligid dahil sa basurang ating ikinakalat.  Siguro ito marahil ang purpose ng mga langaw na kahit hindi man sila nagsasalita ay ipabatid sa atin na kailangan nating linisin ang ating kapaligiran.  Nandidiri man tayo sa kanilang presensiya ay wala tayong magagawa dahil sa ating kapabayaan kaya't sila ay dumadami at naghahatid pa ng sakit.  Malamang kung alam natin ang salitang madumi, dugyot, at nakakarimarim ay pwede din tayong matawag na langaw kapag nagiging pabaya na tayo at nagiging sanhi tayo para dumumi ang ating kapaligiran.  Kaya't kung matawag kang langaw ay alam mo na kung anong klaseng tao ka.