Akalain mong pati balat ng bangus ay naibebenta na ng mahal sa restaurant. Kung sino man ang nakaisip nito ay sadyang naging malikhain ang kanyang imahinasyon.
Minsan ay may kasama akong kumain na talagang masasabi kong ganado palagi kumain. Kita naman kasi sa hitsura at porma ng kanyang katawan. Malamang ay isang bandehadong kanin ang kaya niyang ubusin kung hindi lang siya mahihiya. At sa aming pagkakaupo habang naghahagilap ng maorder mula sa menu na iniabot ng waiter ay nahagip ng kasama ko ang order ng katabing mesa namin. Ayun, napaorder din siya ng fried bangus skin.
Pareho kaming na-curious sa fried bangus skin lalo na at crunchy ito. Ang kumakain sa katabing mesa namin ay talagang sarap na sarap sa pagpapatunog ng fried bangus skin kaya't parang tinatakam niya kami habang hinihintay namin ang aming pagkain.
Nang dumating ang aming order, ang una naming nilantakan ay ang fried bangus skin. Malutong nga ito pero sobrang mamantika. Agad na naglalangis at naging madulas ang aming mga daliri dahil sa dami ng langis na nakakapit dito. Hayop ang naghanda nito dahil hindi man lang inilagay sa paper towel para maibsan ang langis. Malamang pagkahango nito ay diretso na agad sa pinggan at sabay serve na agad sa amin. Iyon nga lang, sa simula lang ito nakakaengganyo kainin dahil kakailanganin mo ang sawsawan para magkalasa ito ng husto. At dahil mamantika nga ito, medyo binitawan muna namin pansamantala ang nalalabi pang ilang piraso nito at agad na kumain kami. Pagkatapos naming kumain ay binalikan namin ang natirang dalawang piraso pero mabilis din pala itong lumambot. Waaaaa. Nagmukha tuloy na rubber band ang nginunguya namin. Haha.