Halos lahat ata ng bagay sa mundo, maging mga tao, ay nag-eevolve sa paglipas ng panahon. Kapag hindi ka kasi nakipagsabayan ay tiyak maiiwanan ka.
Dati rati, ang mga kumakantang bulag ay nakapuwesto lang sa isang sulok kung saan ay maraming mga tao ang dumadaan. Kadalasan siguro ng mga nakikita at napapanood natin ay nakapuwesto ang mga ito sa gilid ng simbahan. Ang iba ay kahit simpleng lata ang pinapatugtog ay nairaraos ang kanilang konsierto sa maghapon. Mayroon ding may dala na gitara at silindro.
Kalaunan ay natutunan na rin nilang magbahay-bahay para mas personal ang dating. Siyempre nga naman, kung ikaw ay haharanahin ng personal ay mapipilitan ka ring mag-abot kahit magkano. Nakaugalian na nating mga Pinoy na mahiya kahit papaano at maipakita man lang natin na na-appreciate natin ang effort ng isang bulag na tao.
Sa muli, dahil sa pagbabago ng mundo, ang ibang mga bulag na kumakanta ngayon ay lumilibot na at meron pang tulak-tulak na sound system. Nakakapakinig na rin ako ng kanilang tugtog at boses at marami sa kanila ay talagang may angking galing sa pag-awit. Siguro nga kung meron lang isang venue kung saan sila pwedeng magpakitang gilas at kumita na rin ay magiging maganda ito para sa kanila at sa kanilang pamilya. Pero ang ikinakabilib ko sa kanila ay natututo silang magbanat ng buto at magpapawis para kumita ng pera sa isang disente at matinong paraan.
No comments:
Post a Comment