Thursday, January 2, 2014

Tarantula


Mayroon akong kaibigan na mahilig mag-alaga ng mga hayop at mga insekto.  Paano kasi ay pinagkakikitaan niya ang mga ito.  Sobrang bilis nga ng turnover ng kanyang mga alaga at mabilis niyang naibebenta ang mga ito.

Nang huling bumisita ako sa kanilang bahay ay ipinakita niya sa akin ang alaga niyang tarantula.  Nyay.  Sobrang laki ng gagambang ito.  Sabi niya ay napaamo na niya ito dahil madalas niyang hawakan ito at paglaruan sa kanyang palad.  Noong una daw ay madalas na nakakaranas siya ng allergy dahil sa ginagawang pagpapalagas ng tarantula sa kanyang mga balahibo sa kanyang likuran.  Iyon daw ang gawain ng tarantula kapag nakakaramdam ng panganib.  Subalit sa paglipas ng panahon ay napaamo na daw niya ito at kalmado na ang tarantula sa tuwing ito ay kanyang hahawakan.  Gusto ko din sanang maranasan na mahawakan ito kaya lang ay hindi ako sigurado kung anong hapdi ang titiisin ko sakaling ma-allergy ako sa mga balahibo nito.

Sa bansang Thailand at mga karatig bansa nito, itinuturing na isang exotic food ang tarantula.  Napanood ko sa mga documentaries na kinakain sa kanila ang tarantula. Hindi ko lang alam kung ano ba talaga ang lasa nito.  Nangyari daw ang pagkahilig nila sa iba't ibang klaseng insekto nang makaranas sila ng tag-gutom dahil sa dulot ng giyera.  Dahil sa pangyayaring iyon ay napilitan silang kumain ng kahit na anong klaseng insekto para pamatid gutom.

Biniro ko ang kaibigan ko kung pwede naming iprito ang alaga niyang gagamba.  Aba, sinabihan ba naman niya akong "tarantula ka"!  Haha.

No comments:

Post a Comment