Kahit kelan ay hindi ko talaga nakahiligan ang uminum ng beer. Ang pakla ng panlasa ko at parang sinasakal ang lalamunan ko. Kaya nga minsan ay dyahe ring sumama sa mga kaibigan kong notorious sa inuman. Nakaka-out of place ika nga pag hindi ka nakakasabay sa kanila.
Minsan ay merong nag-aya sa akin na uminum. Medyo may tama na siya. Amoy na ang beer sa kanyang hininga, mapungay na ang kanyang mga mata, at senglot na ang tono ng kanyang pananalita. Tinatakot niya ako na kapag hindi daw ako sumama sa kanya at makipag-inuman ay hindi na raw kami magkakaibigan. Ang galing manakot ng loko.
Sa halip na sumama sa kanya ay niyaya ko siyang umakyat ng building. Tinanong niya ako kung ano ang gagawin namin sa tuktok ng building. Sabi ko ay sasamahan niya akong tumalon sa itaas ng building at kapag hindi niya ako sasamahan ay hindi ko na rin siya kaibigan. Nagalit ang loko at gusto ko raw siyang patayin. Mag-isa daw akong tumalon kung gusto kong magpakamatay. Ang ending, umalis na lang siya at malamang ay naghanap ito ng makakainuman.
Ang lakas ng tawa ko at ganoon din ang iba pa naming mga kasama ng gabing iyon. Parang inaya ko lang naman siya na tumalon sa itaas ng building. Hindi ko naman sinabing tatalon kami palabas ng building. Ano bale na magpapakamatay ng ganon-ganon lang? Haha.
No comments:
Post a Comment